2015
Ang Musikang Ginamit Ko sa Pag-iwas
Hunyo 2015


Ang Musikang Ginamit Ko sa Pag-iwas

Alixa B., Netherlands

Girl listening to headphones

Mga paglalarawan ni Ben Simonsen

Habang sakay ng bus papunta sa isang field trip ng paaralan, nakaupo ako sa harapan ng isang batang babae na panay ang puna at biro kaya naasiwa ako. Pinatigil siya ng mga guro at iba pang mga estudyante, pero sige pa rin siya. Hindi ko alam ang gagawin, kaya nagpasiya akong kunin ang MP3 player at makinig sa ilan sa mga paborito kong musika.

Binuksan ko ito sa shuffle at ang isa sa mga unang kantang tumugtog ay mula sa youth.lds.org/music. Papalitan ko na sana ito nang maramdaman ko na dapat kong pakinggan ang kanta. Patuloy akong nakinig sa magandang musika sa sumunod na 20 minuto. Nahikayat ako sa mga titik na manatiling matatag, at ipinaalala nito sa akin na ako ay pinakamamahal na anak ng Ama sa Langit.

Nang linggo ring iyon nagdaos ng sayawan sa paaralan namin. Kahit gumamit sila ng matitinong bersyon ng popular na mga kantang isasayaw, marami akong kaklase na sinimulang isigaw ang inalis na masamang salita sa isang kanta.

Naasiwa na naman ako. Nakaupo lang sa malapit ang mga guro at tila hindi nila ito napansin. Tiningnan ko ang pulsuhan ko. Nakita ko ang pulseras na ibinigay noong youth conference na nagsasabing, “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag (D at T 87:8).”

Alam ko na ang kinatatayuan ko noon ay hindi banal na lugar, kaya umalis muna ako hanggang sa maiba na ang kanta.

Alam ko na malaki ang maaaring maging impluwensya ng musika sa ating buhay. Alam ko na ang pakikinig sa magandang musika sa MP3 player ko dalawang araw bago iyon ay nagpalakas ng loob ko na umalis sa sayawan. Ang mga karanasang ito ay nakatulong sa akin na mas mapalapit sa aking Ama sa Langit.