2015
Ang Sumasabog Kong mga Melokoton [Peaches]
Hunyo 2015


Ang Sumasabog Kong mga Melokoton [Peaches]

Mary Biesinger, Utah, USA

illustration of canning jars breaking

Tumakbo ako sa kusina at nakita kong nagkalat ang mga bubog at malagkit na mga melokoton sa sahig ng buong silid.

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

Akala ko ay perpektong magulang ako … hanggang sa magkaroon ako ng mga anak.

Para sa akin, ang pagiging magulang ay parang pagdaan sa apoy ng maglalantay. Parang naglabasan ang lahat ng kahinaan ko nang magsimula akong mamroblema, kulangin sa tulog, mabalisa, o mayamot. Mangyari pa, napapalitan ito ng mga pagpapala ng pagiging magulang, pero natuklasan ko na hindi ako makapagtimpi. Nakakahiya mang aminin, pero dati ay mahilig akong sumigaw o maghagis ng kung anu-ano para makuha ko ang atensyon ng mga anak ko.

Paulit-ulit akong nangako na pipilitin kong magtimpi, pero nagagalit pa rin ako kapag may problema. Alam ng Ama sa langit na kailangan ko ng isang matinding bagay na makakatulong sa akin.

Isang gabi matapos ang maghapong paglalagay sa bote ng mga melokoton, isinalang ko ang huling mga naigarapon at nagpasiya akong umidlip. Sigurado ako na magigising ako sa oras para kunin ang mga bote sa steamer.

Hindi ako nagising.

Napabalikwas kami ng asawa kong si Quinn sa higaan sa ingay ng pagsabog ng mga garapon. Tumakbo ako papunta sa kusina at nakita ko ang mga bubog at malagkit na melokoton na nagkalat sa sahig ng buong silid. Mukhang sumingaw ang tubig sa steamer, at dahil sa init at pressure, tumilapon ang takip ng steamer, at anim sa pitong garapon ng melokoton ang sumabog.

“Bukas ko na lang ng umaga ito lilinisin,” sabi ko.

Mali ang naisip ko.

Kinaumagahan nanigas na ang mainit na melokoton na may halong bubog at buu-buong nanikit sa buong kusina at komedor. Tumilapon ang bubog na may halong pira-pirasong melokoton hanggang sa likod ng mga countertop appliance at sa bawat sulok at siwang, pati na sa likuran ng refrigerator.

Inabot ako ng ilang oras sa paglilinis. Kinailangan kong babaran ng mga basang paper towel ang nanikit na bubog at kuskusin ito nang hindi ako nasusugatan.

Habang naglilinis, may pamilyar na tinig na bumulong sa akin, “Mary, kapag hindi ka nagtimpi ng galit mo, tulad ng pagsabog ng mga garapong ito, hindi mo madaling maaayos ang mga bagay-bagay. Hindi mo makikita kung hanggang saan at kung gaano nasasaktan ang mga anak mo at ang ibang tao sa galit mo. Katulad ng kalat na ito, mabilis na makakaapekto ang sakit na dulot niyon at magiging mahirap para sa iyo.”

Bigla kong naunawaan kung paano maitutulad ang buhay ko sa paglilinis. Napakatindi ng aral na iniwan niyon sa akin. Gaya ng galit ko, walang madaliang paglilinis. Makalipas ang ilang linggo, nakakita pa rin ako ng pira-pirasong tumigas na melokoton na may nakabaon na bubog.

Dalangin ko na balang-araw ay madaig ko ang kahinaan ko at matuto akong magtimpi. Samantala, nagpapasalamat ako sa Pagbabayad-sala ng Panginoon sa pagtulong sa akin na higit na makapagtimpi para hindi ko masaktan ang mga mahal ko sa buhay dahil sa pagsabog ng galit ko.