Mahal kita
Natalee T. Fristrup, Utah, USA
Nang patapos na ang zone conference ng mission ko, tumayo ako sa labas na nag-iisip, “Ano ang ginagawa ko sa bansang ito? Paano ko gagawin ang lahat ng bagay na inaasahan sa akin?”
Mahigit isang linggo pa lang ako sa Sicily, Italy, pero pinanghinaan na ako ng loob. Parang isang magandang panaginip ang panahon ko sa missionary training center, pero ngayon dahil sa mga kakulangan ko, para akong binabangungot.
“Mahal kong Ama,” pagdarasal ko, “gusto ko pong maging magaling na missionary. Ngayong narito na ako, natanto ko na wala akong mga talento, kasanayan, o talino para isagawa ang ipinagagawa sa akin. Akala ko alam ko ang wikang ito, pero napakabilis magsalita ng lahat, at anumang mga salita ang pilitin kong sambitin ay nabubulol ako. Ayaw yata sa akin ng kompanyon ko. Ang mission president ko naman ay halos hindi makapagsalita ng Ingles. Wala akong makausap. Tulungan po Ninyo ako.”
Alam kong kailangan kong bumalik sa loob, pero nagtagal pa ako sa kalsada nang ilang minuto. Bigla na lang may humatak nang tatlong beses sa likod ng overcoat ko. Lumingon ako at nakita ko ang isang magandang batang babae at dahan-dahan akong lumuhod sa tabi niya sa kalsadang yari sa cobblestones. Yumakap siya sa leeg ko at bumulong sa tainga ko, “Ti voglio bene.”
“Ano’ng sabi mo?” Sumagot ako sa Ingles, batid na hindi niya ako naunawaan.
Tumitig siya sa name tag ko. “Sorella Domenici,” pagbasa niya, “ti voglio bene.”
Alam ko ang kahulugan mga katagang iyon. Ito ay isa sa mga unang katagang natutuhan naming mga missionary. Ito ay mga katagang makakapangusap nang tuwiran sa kaluluwa. Ang ibig sabihin niyon ay, “Mahal kita.”
Ang mga salitang iyon lang ang kailangan kong marinig sa sandaling iyon. Nagpadala ang Tagapagligtas ng isang espesyal na sugo para sabihin iyon sa akin. Inakay ko ang bata papasok sa gusali.
“Anak siguro siya ng isa sa mga miyembro,” naisip ko. Dahan-dahan akong lumibot sa mga grupo ng missionary, na umaasang makita siya ng kanyang ina.
Nang makita ko ang kompanyon ko, itinanong ko, “Nakita mo na ba dati ang batang ito?”
“Sinong bata?” nagtatakang sagot niya.
Tumingin ako sa tabi ko. Wala na ang bata.
Tumayo ako sa bukas na pintuan ng gusali at luminga-linga sa kalsadang wala nang tao. Habang nag-iisip ako, hindi ko lamang narinig ang isang bulong kundi nadama ko pa sa aking kaluluwa ang: “Sorella Domenici, ti voglio bene.”
Hindi ko nakilala ang batang iyon, ngunit alam ko na mahal ako ng Tagapagligtas.