Paano Tayo “Nangangaral tungkol kay Cristo” sa Ating Tahanan
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).
Minsan sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, iminungkahi ng asawa ko na magbasa kaming pamilya ng mga banal na kasulatan tungkol sa huling linggo ng Tagapagligtas sa buhay na ito. Tuwing gabi bago matulog, binabasa namin ang Bagong Tipan at ipinapanood sa aming mga anak ang maikling video clip ng bawat kaganapan at tinatalakay ang mga katanungan nila. Namangha ako sa mga tanong ng aming mga anak at sa Espiritung nadama sa aming tahanan habang nagbabasa at nagtatalakayan kami.
Sa pagtatapos ng linggong iyon, nakadama ako ng mas matinding pasasalamat at pagmamahal sa Tagapagligtas, sa pagninilay sa Kanyang sakripisyo at sa walang-hanggang mga ibubunga ng lahat ng pinagdaanan Niya para sa atin. Kasabay ng mga pag-antig na iyon sa akin, alam ko na nabigyang-inspirasyon ang aking asawa, at nadama ko ang mas malalim na pag-unawa at pagmamahal sa Tagapagligtas ng aming mga anak at pagkakaroon ng mas matinding hangaring magpakita ng kabaitan sa isa’t isa tulad ng ginawa ni Cristo.
Mula noon nakaisip kami ng marami pang mga paraan na maaari kaming “mangusap tungkol kay Cristo” at “mangaral tungkol kay Cristo” sa aming mga pag-uusap at mga aralin, batid na sa pagsalig sa pundasyon ni Jesucristo, pinapangakuan tayo ng malaking kakayahan laban sa mga unos ng buhay (tingnan sa Helaman 5:12).
Ituon sa Tagapagligtas ang Inyong Pagtuturo
Isa sa mga bagay na natuklasan namin ay nang dalhin namin ang halimbawa at mga turo ng Tagapagligtas sa mga talakayan at pag-uusap sa aming pamilya, naging mas mabisa at makabuluhan ang mga ito. Sa paggamit ng analohiya mula sa Tagapagligtas mismo, itinuro Niya, “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami” (Juan 15:5). Kung gagamitin natin ang analohiyang ito sa ating pagtuturo, itinuturo natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo hindi bilang mga ideya na walang kaugnayan kundi bilang kalakip ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na siyang ipinahayag ni propetang Joseph Smith.1 Sa ganitong paraan natin itinutuon sa Tagapagligtas ang ating pagtuturo at hindi lang mga dahon na pinitas natin mula sa Kanyang tunay na puno ng ubas.
Kung ginagawa natin Siyang sentro ng ating pagtuturo, pinapangakuan tayo ng pangangalaga, lakas, at pag-unlad, kabilang ang mga sangang mabunga—sa madaling salita, ang ating mga talakayan at aralin ay magkakaroon ng mas malakas na kapangyarihang magpabalik-loob at pangmatagalang resulta. Ang isang paraan na nalaman namin para magawa ito ay ang ituro ang isang alituntunin ng ebanghelyo at pagkatapos ay magtanong sa aming mga anak tulad ng “Paano ipinakita ni Jesus ang mga alituntunin o katuruang ito?” o “Ano ang sinabi o itinuro ng Panginoon tungkol sa mismong bagay na ito?”
Isang Halimbawa ng Pagtuturo Tungkol sa Panalangin
Halimbawa, itinuturo ninyo ang kahalagahan ng panalangin. Maaari ninyong gamitin ang Doktrina at mga Tipan 10:5, kung saan inutusan tayong “manalangin tuwina,” o ang payo ni Nephi na ang “masamang espiritu ay hindi nagtuturo sa tao na manalangin, sa halip nagtuturo sa kanya na huwag siyang manalangin” (2 Nephi 32:8). Mabisang itinuturo ng mga banal na kasulatang ito ang doktrina ng panalangin. Habang tinatalakay ninyo ang mga ito, sabihin nating ganito ang tanong ninyo, “Paano nanalangin ang Tagapagligtas?” o “Ano ang mga ipinagdasal ng Tagapagligtas?” Kung maliliit pa ang inyong mga anak, maaari ninyong itanong, “Ano sa palagay ninyo ang mga ipinagdasal ng Tagapagligtas?”
Isipin sandali kung paano ninyo sasagutin ang katanungang ito na isinasaisip ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan na nauugnay rito. Naiisip ko kaagad ang pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga lupain ng Amerika, nang “siya ay nanalangin sa Ama, at ang mga bagay na kanyang idinalangin ay hindi maaaring isulat. … Kailanman ay hindi pa nakita ng mata, ni narinig ng tainga, ang gayong kadakila at mga kagila-gilalas na bagay na aming nakita at narinig na winika ni Jesus sa Ama” (3 Nephi 17:15–16).
Kalaunan sa kuwento matutuklasan natin na sinikap ng mga tao na tularan Siya sa paraan ng Kanyang pagdarasal at ang naging bunga ay “hindi sila nagparami ng mga salita, sapagkat ipinagkaloob sa kanila ang nararapat nilang idalangin, at sila ay puspos ng hangarin” (3 Nephi 19:24; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa puntong ito, maaari ninyong anyayahan ang inyong mga anak na magbahagi ng isang pagkakataon nang sila ay napuspos ng hangarin na manalangin, o maaari kayong magbahagi ng isang pagkakataon nang ibinigay sa inyo ang mismong mga sasabihin ninyo habang nagdarasal. Pagkatapos ay maaari kayong magpatotoo kung paanong ibang-iba ang panalangin kapag ibinigay ito sa ganitong paraan, tulad ng itinuro ng Tagapagligtas.
Isipin ang magiging kaibhan sa inyong mga anak kung sila ay magdarasal ayon sa mga alituntunin ng panalangin na matatagpuan sa mga talatang ito at sa mga patotoong ibinigay ninyo at nila. Isipin kung paano nito maaaring pag-ibayuhin ang kakayahan nilang madama at makilala ang Espiritu, gampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin, magbigay ng basbas ng priesthood, at kalaunan ang pagtataguyod ng sarili nilang pamilya, na ginagabayan ng Espiritu ring yaon na “nagtuturo sa tao na manalangin” (2 Nephi 32:8).
Kung ang halimbawa o mga turo ng Tagapagligtas ay hindi naisama sa tagubiling ito, maaari pa rin tayong magkaroon ng magandang talakayan tungkol sa panalangin, ngunit ang pagsasama ng Kanyang halimbawa at mga turo ay nagdaragdag ng lalim at kapangyarihan.
Mga Artwork o Sining na Nakasentro sa Ebanghelyo
Ang isa pang bagay na hinangad naming gawin upang magkaroon ng tahanang higit na nakasentro kay Cristo ay ang pagkakaroon ng mga larawan ni Cristo, ng templo, at iba pang bagay na nauugnay sa ebanghelyo kung saan madali itong makikita at kung saan malalaman ng aming mga anak kung ano ang talagang mahalaga sa amin.
Ilang taon na ang nakararaan, habang nasa tithing settlement kami kasama ang aming mga anak, inanyayahan ng aming bishop ang aming 10-taong-gulang na anak na kunin ang isang maliit na larawan ng Tagapagligtas at magpasiya kung saan ito ilalagay sa aming tahanan, kung saan palagi nitong ipapaalala ang pangako ng aming pamilya na sundin Siya. Nang makauwi kami, inilagay niya ang larawan sa pintuan sa harapan, kung saan, sinabi ng aming anak, “makikita nating lahat ito palagi.” Ito ay naging malaking pagpapala at palagiang paalala sa aming lahat sa araw-araw sa maliit ngunit napakabisang paraan ang aming pangako na sundin si Jesucristo.
Kahit saanman ilagay ang mga larawan sa inyong tahanan, magiging sulit ang pagod na bigyang-pansin ang mga larawan sa dingding at mga mensaheng ipinaparating ninyo sa inyong mga anak. Ang sining ba na nasa inyong tahanan ay nagpaparating ng mensahe na kayo ay tapat sa pagsunod kay Cristo?
Iba pang Paraan ng Pagtuturo Tungkol kay Cristo
Inaamin ko na ilang beses na akong natawa nang itanong ng isa sa mga anak ko kung si Jesus ay mas malakas kaysa sa isang cartoon superhero, at sa tuwina ang pagtatanong ng anak ko ay laging nauuwi sa mas magandang talakayan tungkol sa mga dahilan kung bakit nakahihigit ang Tagapagligtas sa isang superhero. Kasama sa araw-araw na mga pag-uusap na tulad nito, narito ang ilang karagdagang ideya na maaari ninyong isaisip upang higit na masentro ang inyong tahanan kay Cristo:
-
Gamitin ang Aklat ni Mormon sa pagtuturo sa inyong mga anak ng tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang salitang Pagbabayad-sala o magbayad-sala ay 39 na beses na lumitaw sa Aklat ni Mormon.
-
Gamitin ang mga Mormon Messages video, Bible video, at iba pang media ng Simbahan na nagtuturo tungkol kay Jesucristo upang mapaganda pa ang inyong mga family home evening lesson at pag-aaral ng banal na kasulatan.
-
Pag-aralan at sama-samang kantahin ang mga himno tungkol sa Tagapagligtas at talakayin ang mga turo at kahulugan ng mga ito.
-
Maghanap ng paraan upang mabigyang-diin na ang mga propeta ay makapangyarihang mga saksi ni Jesucristo.
-
Hangarin palagi na pagbutihin ang inyong sariling pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas.
Napag-alaman ko sa pamamagitan ng masusing pag-aaral at taimtim na panalangin na si Jesucristo ay buhay at na ang Kanyang dakilang kaloob na Pagbabayad-sala ay totoo at nagbibigay sa ating buhay, at sa mga mahal natin sa buhay, ng kahulugan at layunin, na may malaki at maluwalhating pag-asa na ang ating mga pamilya ay maaaring mapasaatin sa kawalang-hanggan. Nawa’y matanto ng bawat isa sa atin ang malaking kahalagahan ng pagkakaroon ng tahanang nakasentro kay Cristo, na kinikilala “na walang ibang daan o pamamaraan upang maligtas ang tao, tanging kay at sa pamamagitan ni Cristo” (Alma 38:9).