2015
Hayaan Mo Na
Hunyo 2015


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Hayaan Mo Na

Mula sa “Balm of Gilead,” Ensign, Nob. 1987, 17–18.

Gumuho ang mundo ng kaibigan ko. Namatay ang kanyang asawa.

illustration of young man at door with approaching elderly man

Paglalarawan ni Paul Mann

Kung dumaranas kayo ng pagkabahala, pighati o kahihiyan o selos o kabiguan o inggit, ng paninisi o pagbibigay-katwiran sa sarili, pag-isipan ang aral na ito na itinuro sa akin ng isang patriarch maraming taon na ang nakararaan. Siya ang pinakamabait sa lahat ng taong nakilala ko. …

Lumaki siya sa isang maliit na komunidad na may hangaring magtagumpay. Nagsikap siyang makapag-aral.

Pinakasalan niya ang kanyang kasintahan, at sa ngayon ay maayos lang ang lahat. Maganda ang kanyang trabaho, na may magandang kinabukasan. Mahal na mahal nila ang isa’t isa, at ipinagbuntis ng kanyang asawa ang una nilang anak.

Nang gabing isisilang na ang sanggol, nagkaroon ng mga kumplikasyon. Ang nag-iisang doktor ay nasa ibang lugar ng bayan at may ginagamot. …

Sa wakas ay nakita rin ang doktor. Dahil agaran ang pangangailangan, agad kumilos ang doktor at di-nagtagal ay naisaayos niya ang lahat. Isinilang ang sanggol at mukhang wala nang panganib.

Makalipas ang ilang araw, namatay ang bata pang ina mula sa mismong impeksyong ginagamot ng doktor sa ibang pasyente nang gabing iyon.

Gumuho ang mundo ni John. Hindi na tama ang lahat ngayon; mali na ang lahat. Namatay ang kanyang asawa. Hindi niya alam kung paano niya mapagsasabay ang pag-aalaga ng sanggol at pagtatrabaho.

Sa paglipas ng mga linggo, lalong tumindi ang kanyang dalamhati. “Hindi dapat payagang manggamot ang doktor na iyon,” paulit-ulit niyang sabi. “Siya ang dahilan kaya naimpeksyon ang asawa ko. Kung nag-ingat lang siya, buhay pa sana ang asawa ko ngayon.”

Halos wala na siyang ibang maisip, at sa sobra niyang paghihinagpis, gusto niyang manakit. …

Isang gabi may kumatok sa kanyang pintuan. Sinabi lang ng isang batang babae, “Pinapapunta po kayo ni Itay sa amin. Gusto niya po kayong makausap.”

Ang “Itay” na iyon ang stake president. …

Ang espirituwal na pastol na ito ay binabantayan ang kanyang kawan at may sasabihin sa kanya.

Ang ipinayo lang ng matalinong lider na ito ay, “John, hayaan mo na. Wala kang magagawa para maibalik siya. Anuman ang gawin mo ay magpapalala lang. John, hayaan mo na.” …

Nahirapan siyang kontrolin ang kanyang damdamin. At sa huli, nagpasiya siya na anuman ang problema, dapat siyang maging masunurin.

Ang pagsunod ay napakabisang gamot sa kaluluwa. Para itong lunas sa lahat ng karamdaman.

Ipinasiya niyang sundin ang payo ng matalinong espirituwal na lider na iyon. Hahayaan na lang niya ito.

Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “… Matanda na ako bago ko naunawaan ang sitwasyon ng isang abang doktor ng bayan—sobra sa trabaho, kulang sa suweldo, pagod sa paglipat-lipat sa mga pasyente, kakaunti ang gamot, walang ospital, kakaunti ang gamit, nagsisikap na magligtas ng mga buhay, at karaniwa’y nagtatagumpay.

“Dumating siya sa sandali ng kagipitan, nang dalawang buhay ang nalagay sa panganib, at agad siyang kumilos.

“Matanda na ako,” pag-ulit niya, “bago ko naunawaan! Muntik ko nang sirain ang buhay ko,” sabi niya, “at ang buhay ng iba.”

Maraming beses siyang lumuhod at nagpasalamat sa Panginoon para sa matalinong espirituwal na lider na iyon na nagpayo lang ng, “John, hayaan mo na.”