2016
Mga Pagpapala ng Araw ng Sabbath
Marso 2016


Mga Pagpapala ng Araw ng Sabbath

Tinatalakay ng mga Banal sa buong mundo kung paano napagpala ng espesyal at banal na araw na ito ang kanilang buhay sa kakaibang mga paraan.

Sunday at a chapel

Mga paglalarawan ni Pascal Campion

Kunwari ay tinatanggap mo ang pinakamahalagang paanyaya sa iyong buhay: ang pagkakataong makasama nang isang araw si Jesucristo. Paano ka espirituwal at pisikal na maghahanda para sa araw na iyon? Anong mga pagpapala ang inaasam mong makamit mula sa gayong pagbisita?

Inanyayahan tayong lahat ng Panginoon na maglaan ng isang araw para makipag-ugnayan sa Kanya—ang araw ng Sabbath, na Kanyang binasbasan at ginawang banal (tingnan sa Exodo 20:11). Anong mga pagpapala ang tinatamasa ninyo kapag pinananatili ninyong banal ang araw ng Sabbath? Narito ang ilang ideya mula sa mga Banal sa buong mundo na maaaring magpahiwatig ng mga ideya at impresiyon sa inyo.

Pagiging Malapit sa Diyos at kay Cristo

Natuklasan ni Sister Andrea Julião, mula sa São Paulo, Brazil, na tulad ng paglakas ng mga kaugnayan sa mga kaibigan sa lupa kapag nagkakasama-sama tayo, lumalakas ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit kapag nakatuon tayo sa Kanya sa pagsamba sa Sabbath.

Habang bumibisita sa mga kapamilyang hindi miyembro ng Simbahan, nagpasiyang gumising nang maaga si Sister Julião sa araw ng Linggo at maghanap ng simbahang Latter-day Saint sa lugar. Habang naghahanda ang kanyang pamilya para sa isang araw ng paglilibang, sinaliksik ni Sister Julião ang buong pamayanan hanggang sa makilala niya ang isang tao na nagturo sa isang mataas na tore sa di-kalayuan. Nakadalo rin si Sister Julião sa oras ng pagsamba. “Ito ang pinaka-kahanga-hangang araw ng Sabbath,” sabi niya. “Damang-dama ko ang pag-ibig ng Ama sa Langit. Nadama ko na natutuwa Siya kapag sinusunod ng Kanyang mga anak ang Kanyang mga turo. Lalong lumakas ang patotoo ko sa Simbahan ni Jesucristo.”

Pagpapagaling at Ginhawa

Tinalakay ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, kung paano pinagpala ng araw ng Sabbath ang kanyang buhay noong binata pa siya at nagtatrabaho: “Una akong nakahanap ng kaluguran sa Sabbath maraming taon na ang nakalilipas nang, bilang isang abalang siruhano, nalaman ko na ang Sabbath ay naging araw para sa personal na paggaling. Sa katapusan ng bawat linggo, humahapdi ang aking mga kamay dahil sa paulit-ulit na pagkuskos dito gamit ang sabon, tubig, at matigas na brush. Kailangan ko ring mapahinga mula sa napakaraming gawaing dulot ng mahirap na propesyon. Lubos na pahinga ang bigay ng araw ng Linggo.”1

Oras para sa Family History

Hindi pa katagalan, ang 10-taong-gulang na si Eliza mula sa Edmonton, Alberta, Canada, ay nagbigay ng mensahe sa sacrament meeting tungkol sa isang paraan kung saan pinagpala ang kanyang buhay ng pagutuon sa mga aktibidad na angkop sa Sabbath. Dahil kung minsan ay naiinip si Eliza tuwing Linggo, nagpasiya siya at ang kanyang pamilya na magandang subukan ang indexing. Hindi nagtagal ay natuklasan ni Eliza na gustung-gusto niyang magsaliksik ng mga pangalan at talaan. “Kapag nagsimula ako, gusto kong ituluy-tuloy ito hanggang sa walang hanggan,” pagbabahagi niya sa kongregasyon.

Nang marinig ng lola-sa-tuhod ni Eliza kung gaano siya kasaya sa paggawa ng family history, tinuruan nito si Eliza na magdagdag ng mga kuwento at larawan sa kanilang online na family tree. “Ang saya-saya, gustung-gusto ko ito!” sabi ni Eliza. “Kapag gumagawa ako ng family history, nadarama ko ang diwa ni Elijah. Napakasarap maramdaman iyon.”

Isang Napasiglang Kaluluwa

Nagpatotoo si Sister Cheryl A. Esplin, unang tagapayo sa Primary general presidency, tungkol sa pagpapala ng makibahagi sa sakramento sa araw ng Sabbath: “Kapag tumatanggap ako ng sakramento, kung minsan ay inilalarawan ko sa isip ko ang ipinintang larawan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na nakaunat ang mga bisig, na parang handa Niya tayong tanggapin at yakapin nang buong pagmamahal. Gustung-gusto ko ang ipinintang larawang ito. Kapag iniisip ko ito sa oras ng sakramento, sumisigla ang aking kaluluwa dahil parang halos naririnig ko ang mga salita ng Tagapagligtas: ‘Masdan, ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko; at pinagpala ang mga yaong lumalapit sa akin’ [3 Nephi 9:14].”2

Mga Pagkakataong Maglingkod

Itinuro ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang isa sa mga dahilan kaya kailangan nating magpahinga mula sa ating mga gawain sa araw ng Linggo ay dahil inilalayo tayo ng mga ito sa “pagkakataong maglingkod sa iba.”3

Ang paglilingkod sa Sabbath ay isang bagay na natutuhang mahalin ni Sister Zola Adjei habang lumalaki siya sa Kpong Branch sa Ghana. Kapag nakakauwi sila mula sa boarding school tuwing tag-init, naggugrupu-grupo sila ng iba pang mga kabataan at bumibisita sa mga miyembro ng kanilang branch na matagal na nilang hindi nakita. “Isang sakripisyo iyon dahil karamihan sa amin ay gutom na gutom pagkatapos magsimba, at napakalayo namin sa mga bahay namin kaya wala kaming oras para kumain at magtipong muli,” sabi ni Sister Adjei. Ngunit sulit ang sakripisyo, dahil nagawa nilang manalangin at kumanta ng mga himno kasama ang kapwa nila mga miyembro ng branch at inanyayahan nila ang mga ito sa simbahan at sa mga aktibidad. Isa sa mga kabataan ang nag-alok na samahan silang lumakad papunta sa simbahan sa susunod na Linggo.

“Ang nakagawiang ito ay nagbigkis sa amin,” sabi ni Sister Adjei. “Ang ilan sa amin ay nanatiling matalik na magkakaibigan dahil sa mga desisyon naming lumabas at ibalik ang nawawala naming mga kaibigan sa pamamagitan ng pag-uukol ng ilang oras namin sa araw ng Sabbath.”

Sabbath activities

Mga Pagkakataon para sa Gawaing Misyonero

Sa mundo ngayon, siguradong maiiba tayo sa lahat sa pagpapanatiling banal ng araw ng Linggo—na nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa natural na paraan kapag napansin ng iba ang kaibhan ng ating ginagawa linggu-linggo. Naranasan ito ng pamilya Davies noong nanirahan sila sa pulo ng Grenada kasama ang kanilang anak na si Adrielle. “Walang isa man sa mga kaibigan ni Adrielle ang miyembro ng Simbahan, at bagama’t marami sa kanila ang naniniwala sa Diyos, ang araw ng Linggo sa kanila ay simpleng araw lamang ng Sabado’t Linggo,” paliwanag ni Sister McKenzie Lawyer Davies, ina ni Adrielle.

Ilang buwan pa lang ang nakararaan, inanyayahan si Adrielle sa birthday party sa isang sinehan sa araw ng Linggo. Nagpasiya ang kanyang pamilya na maghatid na lang ng regalo sa halip na magpunta sa sinehan at party. “Dahil dumaan lang kami para batiin sila, naibahagi namin sa kanila ang aming mga paniniwala tungkol sa Sabbath sa magiliw at tapat na paraan,” sabi ni Sister Lawyer Davies. “Nagalak ako na nagbabahagi na ng ebanghelyo ang musmos kong anak na babae.”

Proteksyon Laban sa Kamunduhan

Sabi sa Doktrina at mga Tipan 59:9, “At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa panalanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw.” Itinuro ng mga makabagong propeta at apostol na ang ideya ng ating pananatiling “walang bahid-dungis mula sa sanlibutan” ay kapwa isang paanyaya at ipinangakong pagpapala na kapwa nagtutulungan.

Halimbawa, itinuro ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na kapag iniiwasan natin ang makamundong mga panggagambala sa araw ng Sabbath, binibiyayaan tayo ng proteksyon laban sa pagkalulong sa makamundong mga bagay: “Sa panahong ito ng nag-iibayong pagkalantad at pagkahumaling sa materyalismo, may tiyak na proteksyon tayo at ang ating mga anak laban sa mga salot ng ating panahon. Nakakagulat na ang susi sa tiyak ng proteksyong iyan ay matatagpuan sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath.”4

Makabuluhang Oras para sa Pamilya

Nalaman ng pamilya Olson sa Brigham City, Utah, USA, na kahit ang pagbabago ng isang maliit na aspeto ng kanilang araw ng Sabbath ay naghahatid ng mga dakilang pagpapala. Sa halip na manood ng telebisyon sa araw ng Linggo, nagtutuon sila ng pansin sa media na itinataguyod ng Simbahan. Nalaman nila na ang panonood ng mga Bible video (tingnan sa BibleVideos.org) kasama ang kanilang mga anak ay nag-aanyaya sa Espiritu gayundin ng mga tanong mula sa mga bata na nag-uudyok ng magagandang talakayan ng pamilya.

“Ang hindi panonood ng TV sa araw ng Sabbath ay humantong sa pinakamalaking pagbabago ng pokus para sa akin,” sabi ni Sister Lacey Olson. “Maaaring pakiramdam natin ay napakaraming patakaran hinggil sa araw ng Linggo, ngunit sa palagay ko ang Sabbath ay isang araw na hindi hinihigpitan ang paglilingkod at pag-ibig sa kapwa. Kung pipiliin natin, maaari tayong bigyan ng araw ng Sabbath ng lakas na harapin ang mundo sa susunod na linggo.”

Itinuro sa atin ng Panginoon sa mga banal na kasulatan na dapat ay “alalahanin [natin] ang araw ng sabbath upang ipangilin” (Exodo 20:8). Kapag kinilala natin ang araw ng Sabbath bilang mahalagang pagkakataon upang maangkin ang espirituwal na mga pagpapala, ang mga salitang iyon ay nagiging paanyaya mula sa Kanya. Paano tayo tutugon? Anong mga pangako ang nakalaan para sa atin at sa ating pamilya?

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kalugud-lugod,” Liahona, Mayo 2015, 129.

  2. Cheryl A. Esplin, “Ang Sakramento—Isang Pagpapanibago ng Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2014, 13.

  3. L. Tom Perry, “Ang Sabbath at ang Sakramento,” Liahona, Mayo 2011, 9.

  4. James E. Faust, “The Lord’s Day,” Ensign, Nob. 1991, 35.