Tulungan Mo ang Kakulangan Ko ng Pananampalataya
Stephanie Hughes, Texas, USA
Isang araw ng Sabado nagising ako na hindi makarinig sa aking kaliwang tainga. Tumawag ako ng doktor sa tainga, ilong, at lalamunan at nakipag-appointment.
Agad akong ipinadala ng doktor sa isang audiologist para sa hearing test. Nagsimula akong mag-alala nang wala akong anumang marinig sa kaliwa kong tainga. Nang matapos ang test, sinabi ng audiologist na mayroon akong sensorineural hearing loss, na ibig sabihin ay may nasirang isang ugat sa utak na ginagamit sa pandinig.
Nabigla ako. Ako ay 26 anyos pa lang at sinasabihan nang kailangan ko ng hearing aid. Isa sa mga kinahuhumalingan ko ang musika. Matutugtog ko pa kaya ang mga instrumento ko at makakakanta pa kaya ako?
Nagreseta ng steroid ang doktor para malaman kung makakatulong ito, pero sigurado siya na permanente na ang pagkawala ng aking pandinig.
Tinalo ako ng aking emosyon, at napuno ng luha ang aking mga mata. Natakot ako sa mangyayari sa hinaharap, at nalungkot ako na kailanman ay hindi na ako makaririnig ulit nang normal.
Nang gabing iyon iminungkahi ng asawa kong si Brian na bigyan ako ng basbas ng priesthood. Inasahan ko na papanatagin at palalakasin ako ng basbas upang makayanan ang pagkawala ng aking pandinig, pero sa halip ay ipinangako ni Brian sa kanyang basbas na lubos na manunumbalik ang aking pandinig. Hindi ako makapaniwala.
“Nagkamali siguro ang asawa ko,” naisip ko. Marami nang nakita ang doktor na kagaya ng kaso ko at sinabi niya na hindi na manunumbalik ang aking pandinig.
Pagkatapos, tinanong ko si Brian kung inisip niya na ang ipinangakong pagpapala ay kalooban niya o ng Panginoon. Sinabi sa akin ni Brian na nakadama siya ng malakas na pahiwatig na sambitin ang pangakong iyon. Hindi ako kumbinsido.
Habang pinag-iisipan ko ang aking kalagayan, naalala ko ang isang talata sa aklat ni Marcos kung saan sinabi ni Jesus sa isang desperadong ama na “lahat ng mga bagay ay [posible] sa kanya na naniniwala.” Sumagot ang lalaki, “Tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya” (Marcos 9:23–24). Ito ang pakiusap ko sa aking Ama sa Langit noong gabing iyon. Gusto kong maniwala na gagaling ako, pero hindi ako sigurado. Wala akong pananampalataya na tutulungan ako ng Panginoon sa aking kagipitan.
Pagkatapos kong magdasal naisip ko ang isang araling itinuro ko sa mga kabataang babae tungkol sa kapangyarihan ng mga basbas ng priesthood. Sinabi ko na sa klase na humingi ng mga pagbabasbas at na mapapagaling ng Panginoon ang maysakit sa pamamagitan ng mga pagbabasbas. Paano ko sila aasahang maniwala sa akin kung wala akong pananampalataya? Nagpasiya akong magtiwala sa Panginoon—hindi pa Siya nagsinungaling sa akin.
Pagkaraan ng dalawang linggo, lubos na nanumbalik ang aking pandinig. Nagulat ang audiologist at ang doktor.
Walang hanggan ang pasasalamat ko sa Ama sa Langit na nanumbalik ang aking pandinig, ngunit mas nagpapasalamat ako sa aral na natutuhan ko. Kahit hindi ito palaging sa paraan ng ipinangako sa atin sa basbas, alam ko na pagpapalain tayo ng Panginoon kung mananampalataya at magtitiwala tayo sa Kanya.