2016
Pagkakaroon ng mga Kabatiran Tungkol sa Ebanghelyo sa Pamamagitan ng Pagiging Ina
Marso 2016


Pagkakaroon ng Kabatiran Tungkol sa Ebanghelyo sa Pamamagitan ng Pagiging Ina

Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.

Ang pagiging ina ay maaaring magbigay sa atin ng natatanging mga pagkakataong matutuhan ang doktrina ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu.

little girl looking at ironing

Alam ng kahit sinong ina na ang matalinong paggamit ng oras ay lubos na nagbabago kapag mayroon nang mga anak sa pamilya. Sa muling pagkatutong hatiin ang oras ko sa apat na musmos na anak, dumanas na ako ng nakapanghihinang mga sandali—lalo na ukol sa pag-aaral ng ebanghelyo. Mahirap mag-iskedyul ng pag-aaral ng banal na kasulatan at tiyaking ito ay makabuluhan. Ngunit natutuhan ko sa ilang karanasan na kapag ako ay sumunod at nanalangin, tuturuan ako ng Panginoon sa ibang mga paraan.

Ang Ating Magulang sa Langit

Isang araw habang namamalantsa ako, nagsimulang umiyak ang isang-taong-gulang na si Claire na nasa kuna niya. Oras iyon ng kanyang pag-idlip, at alam ko na kung mabilis kong maibibigay sa kanya ang pacifier, makakatulog siya ulit. Naglalaro ang tatlong-taong-gulang na si Lucy sa silid kung saan ako namamalantsa. Nagtalo sandali ang isipan ko at saka ako nagpasiyang iwanang naka-plug ang plantsa, batid na ilang sandali lang ako lalabas ng silid. “Lucy, nakikita mo ba ang plantsang iyon sa ibabaw ng mataas kong mesa?” tanong ko. “NAPAKAINIT niyon. Kailangan kong ibigay kay Claire ang pacifier niya. Huwag mong hipuin ang plantsa habang wala ako, o mapapaso ka.”

Tiyak kong naunawaan iyon ni Lucy, kaya mabilis akong lumabas ng silid. Nagbalik ako pagkaraan ng ilang sandali, at narinig ko ang ungol mula sa likuran ng upuan.

“Lucy?” tanong ko. “Nasaan ka?”

Hindi siya sumagot.

“OK ka lang ba? “Bakit ka nagtatago?”

Lumapit ako sa likuran ng upuan at naupo sa sahig. Nakatakip ang mga kamay niya sa kanyang mukha. Pagkaraan ng ilang pagtanggi na sabihin sa akin kung ano ang nangyari, sinabi niya sa huli, “Inay, hinipo ko po ang plantsa ninyo.”

Noong una ay nalito ako na hindi niya sinunod ang aking babala. Pagkatapos ay nalungkot ako na magtatago siya sa akin matapos makagawa ng maliliit na pagkakamali, sa takot na mawala ang pagmamahal at tiwala ko. Alam ko na wala siyang kapangyarihang pawiin ang sakit, at ako lang ang makakatulong para maibsan ang sakit sa napaso niyang daliri. Inalo ko si Lucy, at nang itakbo ko siya sa banyo para maibsan ang sakit, ibinulong ng Espiritu sa puso ko: “Ganyan ang pakiramdam ng Ama sa Langit kapag hindi sinusunod ng Kanyang mga anak ang Kanyang mga babala at hindi sila pumapayag na ibsan Niya ang sakit kapag kailangang-kailangan nila ito.” Sa sandaling iyon labis akong nagalak sa kaalamang ito at sa tiwala sa kahandaan ng Panginoon na turuan ako.

Dalisay na Pag-ibig

Pagkaraan ng ilang taon ay tinawag akong maging tagapayo sa aking ward Relief Society presidency. Nadama ko na hindi ko kayang gampanan ang tungkuling ito. Sinimulan kong pag-aralan ang alituntunin ng pag-ibig sa kapwa. Ipinagdasal kong mas magkaroon ako ng pag-ibig sa kapwa na katulad ng kay Cristo para sa kababaihang pinaglingkuran ko. Pero hindi ako sigurado kung ano ang hitsura o pakiramdam ng magkaroon ng espirituwal na kaloob na ito.

Ang pag-aalala ko ay nakabalisa sa aking isipan habang nagluluto ako ng tanghalian isang araw. Ang pangatlong anak kong si Annie ay nakaupo sa gitnang baitang ng aming hagdanan, wiling-wili sa imahinasyong likha ng batang dalawang-taong-gulang. Nakamasid ako nang dumukwang siya para kunin ang isang laruan, nawalan siya ng balanse o panimbang, at nahulog mula sa ikaapat o ikalimang baitang. Tumakbo ako papunta sa kanya at sinikap na panatagin habang umiiyak siya. Napatahimik ko siya hanggang sa may marinig akong mahinang paghikbi mula sa mesa sa kusina. Sumilip ako at nakita ko ang limang-taong-gulang na si Claire na umiiyak.

“Halika.” sabi ko. “Ano’ng problema?”

Tumakbo siya sa amin ni Annie at nagyakapan kami. Ang mga salitang sinambit niya ay tuwirang sagot sa tanong ko sa panalangin tungkol sa pag-ibig sa kapwa.

“Nakita ko po ang pagkahulog ni Annie, at pagkatapos ay minasdan ko siya at nakita ko po kung gaano siya kalungkot,” sabi niya. “Sana ako na lang po ang nahulog sa hagdan sa halip na si Annie kaysa makita ko siyang mahulog.”

Agad pumasok ang ideya sa aking isipan sa pamamagitan ng Espiritu, “Iyan ang pag-ibig sa kapwa.”

Paglago sa Pananampalataya

Nitong huli, itinuro ng asawa ko sa aming mga anak ang kuwento tungkol kay Moises. Sabi ko, “Palagay ko kahanga-hanga ang pananampalataya ng ina ni Moises! Ipinaanod niya ito sa ilog at nagdasal siya sa Ama sa Langit na panatilihing ligtas si Moises. Naiisip ba ninyo ang malaking pananampalatayang kinailangan niya para ipagkatiwala sa Ama sa Langit ang kanyang sanggol?”

Tanong ni Lucy, “Inay, gayon po ba kalaki ang pananampalataya ninyo?”

Napakalalim ng tanong na iyon. Pinag-isipan ko iyon sandali at pagkatapos ay nagbahagi ako ng ilang karanasan ko noong matagumpay akong umasa nang may pananampalataya sa Panginoon. Ang sumunod na talakayan ay nagpatibay sa buong pamilya. Laging pumapasok sa isipan ko ang tanong niya. Nakapagbibigay ng lakas ang malaman na maaari akong manampalataya na tulad ng ina ni Moises.

Habang patuloy akong nananampalataya, humihiling sa panalangin, at buong pagsunod na nag-aaral, ginagamit ng Panginoon ang mga karanasan ko bilang ina upang ituro sa akin ang Kanyang doktrina sa pamamagitan ng Espiritu. At madalas Niya akong turuan, anuman ang mga limitasyon sa oras ng pagiging magulang.