Ang Liwanag ng Ganap na Araw
Ang pagtitipon ng lahat ng liwanag na kaya nating tipunin ang susi para matagumpay na makapasa sa pagsubok ng buhay sa lupa.
Magugulat ba kayong malaman na ang tagumpay ninyo sa buhay ay nakasalalay sa kung gaano kalaking liwanag ang natamo ninyo habang narito kayo? Ang tagumpay ay hindi kung magkano ang inyong kinikita o gaano karaming medalya ang napanalunan ninyo o gaano kayo katanyag. Ang tunay na layunin ng ating buhay ay magtamo ng liwanag.
Ang ating pisikal na katawan ay lumalaki kapag pinapakain natin ng masustansiyang pagkain. Ang ating espiritu ay mas nagliliwanag kapag pinupuspos natin ng liwanag. “Ang Diyos ay ilaw, at sa kanya’y walang anumang kadiliman” (I Ni Juan 1:5). Ang ating Ama sa Langit ay minsang naging mortal na unti-unting umunlad hanggang sa Siya ay naging isang nilalang na may ganap na kaliwanagan. Nais Niyang gayon din ang mangyari sa inyo at sa akin dahil ang ganap na kaliwanagan ay nangangahulugan ng lubos na kagalakan.
Mahal na mahal tayo ng ating Ama sa Langit kaya nang lisanin natin ang premortal na buhay para isilang sa mundo, binigyan Niya ang bawat isa sa atin ng regalo sa ating paghihiwalay: ang Liwanag ni Cristo, ang ating budhi. Gaya ng sinasabi sa mga banal na kasulatan, “Ang Espiritu ay nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig” (D at T 84:46).
Ang pinakadakilang hangarin ng Ama sa Langit ay ang sundan natin ang liwanag na taglay natin nang isilang tayo upang makatanggap tayo ng higit pang liwanag. Habang patuloy nating sinusundan ang liwanag na ipinagkakaloob sa atin ng ating Ama, tumatanggap tayo ng higit pang liwanag at nagiging mas katulad Niya tayo.
Ang kaloob na Espiritu Santo—bilang karagdagan sa liwanag na taglay natin nang isilang tayo—ay nagbibigay sa atin ng malaking kapakinabangan. Ito ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na matatanggap natin sa buhay na ito dahil nagbibigay ito ng mas maraming pagkakataong magtamo ng liwanag at katotohanan. Kung wala ang Espiritu Santo, para tayong isang tao na dahan-dahang naglalakad sa dilim pauwi na flashlight lamang ang gabay. Kapag tinanggap natin ang ebanghelyo ni Jesucristo at nabinyagan tayo, alok nito sa atin ay pagbuhos ng liwanag at ng isang gabay na nakakaalam ng daan. Ngayo’y maaari na tayong maglakad nang mas mabilis at makikita na natin ang ating landas sa ating paglalakbay pauwi.
Nag-iibayo ang Liwanag
“Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24).
Ang talatang ito ay lubos na nagbubuod ng ating layunin sa lupa. Ang walang-hanggang pag-unlad ay nangangahulugan lamang ng pag-iibayo ng liwanag. Habang ang ating espiritu ay lumiliwanag nang lumiliwanag, pinagsisikapan nating marating ang “ganap na araw” na iyon na maaari tayong maging katulad ng Diyos at kapiling ng Diyos.
Isipin ang konseptong ito ng liwanag sa susunod na dadalo kayo sa sesyon ng endowment sa templo. Nagsisimula kayo sa isang medyo madilim na silid. Habang nadaragdagan ang inyong kaalaman, mas nagliliwanag ang silid. Sa wakas dadalhin kayo ng inyong paglalakbay sa liwanag sa maluwalhating selestiyal na silid. Ang ating karanasan sa templo ay simbolo ng ating paglalakbay sa lupa. Ang mga bagay ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa makapasok na tayong muli sa kinaroroonan ng Panginoon.
Ang napakatinding liwanag ay isang katangian ng bawat nabuhay na mag-uling selestiyal na nilalang. Nang magpakita ang anghel na si Moroni kay Joseph sa kanyang silid, napansin ng batang propeta na ang anghel ay may “kaanyuan [na] tunay na parang kidlat” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:32). Ginamit din ni Mateo ang mga salitang iyon para ilarawan ang mga anghel sa puntod ng Panginoon, na itinatala na ang kanilang “anyo ay tulad sa kidlat” (Mateo 28:3 [tingnan din sa Joseph Smith Translation, Matthew 28:3, a]).
Pagdating ng oras na bawat isa sa atin ay mabubuhay na mag-uli, paano magpapasiya ang Panginoon kung tatanggap tayo ng katawang telestiyal, katawang terestriyal, o katawang selestiyal? Ang sagot ay mas madali kaysa inaakala ninyo. Kung tayo ay nagtamo ng sapat na selestiyal na liwanag sa ating espiritu, tayo ay mabubuhay na mag-uli sa katawang selestiyal. Kung nagkaroon lamang tayo ng liwanag na para sa terestriyal o telestiyal na katawan, iyon ang kaluwalhatiang matatanggap natin sa Pagkabuhay na Mag-uli.
Ipinaliwanag sa Doktrina at mga Tipan:
“Ang inyong kaluwalhatian ay yaong kaluwalhatiang kung saan ang inyong mga katawan ay bubuhayin.
“Kayo na binubuhay ng ilang bahagi ng kaluwalhatiang selestiyal ay makatatanggap pagkatapos ng gayon din, maging isang kaganapan” (D at T 88:28–29).
Hangga’t nasa makipot at makitid na landas tayo, na nagsisikap na ipamuhay ang mga utos at pagbutihin ang ating mga sarili, nakakapagtipon tayo ng liwanag. Ngunit ano ang nangyayari kapag lumihis tayo ng landas at lumabag sa mga kautusan? Ano ang nangyayari sa ating liwanag?
Malinaw ang sinabi sa mga banal na kasulatan tungkol dito: “Siya na hindi nagsisisi, kukunin sa kanya maging ang liwanag na kanyang natanggap” (D at T 1:33; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa madaling salita, samantalang ang ilang tao ang nagtatamo ng liwanag, ang iba naman ay nawawalan nito. Kayang alisin ni Satanas ang liwanag tuwing sumusuway tayo sa katotohanan (tingnan sa D at T 93:39).
Ang mahalagang itanong ay, paano tayo magtatamo ng higit pang liwanag para ito ay “lumiwanag nang lumiwanag” sa ating kalooban? Magmumungkahi ako ng limang paraan.
Mahalin ang Iba
Isa sa pinakamaiinam na paraan upang magkaroon ng liwanag ay ang matutong magmahal tulad ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit. Tinatawag natin ang ganitong uri ng pag-ibig na pag-ibig sa kapwa-tao. Ipinayo sa atin ni Mormon na “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, na kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig” (Moroni 7:48). Ang pag-ibig ay mabilis na nagdadala ng higit na liwanag sa ating mga espiritu; ang alitan at inggit ay nag-aalis ng liwanag.
Tandaan, ang unang utos ay ibigin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at isipan (tingnan sa Mateo 22:37–38). Ang gantimpala sa pagmamahal sa Diyos at pag-una natin sa Kanya sa ating buhay ay nakapalaki. Itinuro ni Jesus, “Kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag” (D at T 88:67; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang pangalawang utos ay ibigin ang ating kapwa tulad sa ating sarili (tingnan sa Mateo 22:39). Maaaring mas mahirap itong gawin dahil ang ating kapwa ay hindi perpekto. Ang tunay na sikreto para matutong mahalin ang iba ay matatagpuan sa paglilingkod sa kanila. Iyan ang dahilan kung bakit likas nating minamahal ang ating mga anak, kahit sila man ay hindi perpekto.
Habang lalo kayong naglilingkod, lalo kayong nagmamahal, at habang lalo kayong nagmamahal, lalo kayong tumatanggap ng ibayo pang liwanag. Ang mga missionary—kapwa matanda at bata—ay nagkakaroon ng ningning na nakikita ng iba. Ang full-time service ay ginagantimpalaan ng maraming espirituwal na kaliwanagan.
Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan
Walang shortcut o maikling paraan sa pag-aaral ng katotohanan. Kailangan ninyong gumugol ng oras sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta. Kung gusto ninyong umunlad sa espirituwal, kailangan ninyong pakainin ang inyong espiritu sa pamamagitan ng pagpapakabusog sa salita araw-araw. Ayon sa Doktrina at mga Tipan, ang katotohanan ay isa pang katawagan lamang sa liwanag (tingnan sa D at T 84:45).
Bago ninyo buklatin ang inyong mga banal na kasulatan bawat araw, manalangin na may matutuhan kayong bago na magdaragdag ng liwanag sa inyong espiritu. Pagkatapos ay maghanap ng mga bagong ideya at pang-unawa. Itanong din sa sarili, “Paano naangkop sa buhay ko ang mga bagay na binabasa ko?” Kailangan ninyong maging handang gumugol ng oras kung gusto ninyong magtamo ng higit na liwanag.
Ang isang kaugnay na pinagmumulan ng liwanag ng ating espiritu ay matatagpuan sa pagsasaulo ng mga banal na kasulatan. Sinabi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mga banal na kasulatan ay tulad ng mumunting liwanag na tumatanglaw sa ating isipan” at na “malaking tulong ang nagagawa ng pagsasaulo ng mga banal na kasulatan.”1 Ang kinabisadong mga talata sa banal na kasulatan ay nagiging isang kaloob na ibinibigay ninyo sa inyong sarili—isang kaloob na patuloy na magbibigay ng karagdagang liwanag.
Sundin ang mga Kautusan
Habang tinutuklas ninyo ang mga kautusan sa mga banal na kasulatan, humayo at gawin ang mga ito. Halimbawa, kung mababasa ninyo ang banal na payo na “magpahinga sa inyong higaan nang maaga” at “gumising nang maaga” (D at T 88:124), makakabuting sumunod kayo. Kung binabasa ninyo ang Doktrina at mga Tipan at naraanan ninyo ang utos na “Huwag kayong magsasalita ng masama sa inyong kapwa” (D at T 42:27), makabubuting ingatan ninyo ang inyong pananalita mula ngayon. Kapag nalaman ninyo ang katotohanan, kailangan ninyo itong ipamuhay para makaipon ng liwanag.
Kung magtamo kayo ng liwanag ngunit hindi ninyo ito ginagamit, maaari itong mawala sa inyo.
Makinig sa Espiritu Santo
Ang pakikinig sa Espiritu ay isang paraan na nagtamo si Pangulong Thomas S. Monson ng ibayong liwanag. Natuto siyang sumunod sa mga pahiwatig at paramdam na dumarating sa kanya. Itinuro sa mga banal na kasulatan, “Ang bawat isa na nakikinig sa tinig ng Espiritu ay lumalapit sa Dios” (D at T 84:47).
Kung umaasa kayong tatanggap ng espirituwal na mga pahiwatig, darating ang mga ito. Kung kikilos kayo ayon sa mga ito, mas marami pa kayong matatanggap. Kung may ipagagawa sa inyo ang Espiritu Santo na mahirap (gaya ng pag-aalis ng isang masamang gawi), at nakinig at sumunod kayo sa pahiwatig, daranas kayo ng mabilis na espirituwal na paglago at matinding pagbuhos ng liwanag.
Maglingkod sa Templo
Kapag inisip natin ang mga templo ng Panginoon, likas nating naiisip ang liwanag. Halimbawa, isipin ang isinulat ni Propetang Joseph Smith tungkol sa paglalaan ng Kirtland Temple noong 1836: “Patakbong humangos ang mga tao sa lugar (nang marinig ang isang kakaibang ingay sa loob, at nakita nila ang maningning na liwanag na parang haliging apoy na nakatuon sa Templo).”2
Ibayong kaliwanagan at katotohanan ang matatamo sa paglilingkod sa templo kaya ang templo ay matatawag na Unibersidad ng Panginoon. Mas kapaki-pakinabang pa sa inyong espiritu ang liwanag ng templo kaysa sa sikat ng araw sa inyong katawan. Ituring ninyong pinagpala kayo kung regular kayong nagtatamasa ng makalangit na liwanag na ito.
Maging Tanglaw
Bawat templo, bawat kapilya, bawat mission office, bawat tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw, at bawat miyembro ng Simbahan ay dapat maging tanglaw sa mundo. Tulad ng ipinaalala ni Pedro sa mga Banal sa kanyang panahon, ang Diyos ang “tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan” (I Ni Pedro 2:9).
Dalangin ko na nawa’y gugulin natin ang ating buong buhay sa pag-iipon ng maraming liwanag sa ating espiritu sa abot--kaya natin. Pinatototohanan ko na ang paggawa nito ang susi upang matagumpay na makapasa sa pagsubok ng buhay na ito. Pinatototohanan ko na magtatamo tayo ng liwanag sa pagsunod sa mga mungkahi sa itaas.