Mga Sagot mula sa mga Lider ng Simbahan
Paano Magkaroon ng Pagkakaisa
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2008.
Tayo ay nabubuhay na iba’t iba ang kalagayan. Magmumula tayo sa lahat ng bansa at maraming kultura patungo sa kaharian ng Diyos.
Nalalaman natin mula sa karanasan na masaya tayo kapag tayo’y nagkakaisa. Hindi ito maipagkakaloob sa atin ng Ama sa Langit nang hiwa-hiwalay tayo. Ang galak sa pagkakaisa na gustung-gusto Niyang ibigay sa atin ay hindi sa pag-iisa. Hangarin natin ito at maging marapat para dito na kasama ang iba. Hindi nakakagulat kung gayon na hinihimok tayo ng Diyos na magtipon upang mapagpala Niya tayo. Nais Niya tayong magtipon sa mga pamilya. Nagtatag Siya ng mga klase, ward, at branch at inutusan tayong magkita-kita nang madalas. Nasa mga pagtitipong iyon, na nilayon ng Diyos para sa atin, ang ating malaking oportunidad. Magagawa nating ipagdasal at pagsikapan ang pagkakaisang magpapasaya at magpapaibayo sa kapangyarihan nating maglingkod.
Bukod pa sa mga ordenansa, may mga alituntunin tayong sinusunod bilang isang grupo na humahantong sa higit na pagkakaisa.
1. Paghahayag. Paghahayag lamang ang paraan para malaman natin kung paano sama-samang susundin ang kalooban ng Panginoon. Nangangailangan ito ng liwanag mula sa itaas. Espiritu Santo ang magpapatotoo sa ating puso, at sa puso ng mga nakatipon sa ating paligid, kung ano ang ipagagawa Niya sa atin. At sa pagsunod sa Kanyang mga utos magkakaisa ang ating mga puso.
2. Magpakumbaba. Kapalaluan ang matinding kaaway ng pagkakaisa. Nakita na ninyo at nadama ang masasamang epekto nito. Natutuwa ako’t dumarami ang nakikita kong mga tagapamayapa na nagpapakalma sa mga taong nagtatalo bago sila magkasakitan. Maaaring isa kayo sa mga tagapamayapang iyon, kayo man ang nakikipagtalo o nagmamasid lamang. Ang isang paraang nakikita ko na ginagawa ito ay ang maghanap ng anumang mapagkakasunduan natin.
3. Sabihin ang mabuti tungkol sa isa’t isa. Isipin noong huli kang tanungin kung ano ang palagay mo nang kumustahin ang pagsisilbi ng isang tao sa inyong pamilya o sa Simbahan. Maaari kong ipangako sa inyo na madarama ninyo ang kapayapaan at galak kapag maingat kayong magsalita tungkol sa iba sa Liwanag ni Cristo.
Sa pagkakaisang nakikita kong lumalago, gagawa ang Panginoon ng mga bagay na mahimala sa pag-aakala ng mundo. Matutupad ng mga Banal ang anumang layunin ng Panginoon kapag ganap silang nagkaisa sa kabutihan.