May Magagawa Ba Ako?
Loralee Leavitt, Washington, USA
Nakaupo ako sa sala at umiiyak. Ilang araw pa lang mula nang makunan ako, at hindi ko mapigilang isipin ang pagkawala ng aming sanggol. Napakaraming bagay ang nagpaalala sa akin ng trahedya, lalo na ang kabinet kong puno ng mga damit na pambuntis.
Tuwing papasok ako sa kuwarto ko, parang nakatitig sa akin ang mga damit mula sa mga sabitan nito. Karamihan sa mga ito ay bago at hindi pa naisusuot, na nagpapaalala sa akin na hindi na ako buntis. Hinang-hina pa ako para tumayo nang mahigit sa ilang segundo para itago ang mga ito.
Biglang may kumatok sa pintuan ko. Nang buksan ko ito, naroon sa may pintuan ang visiting teacher ko. Siya rin ang visiting teacher na nagbantay sa mga anak ko nang kumpirmahin ng doktor ko sa aming mag-asawa na nakunan ako.
“May magagawa ba ako para sa iyo?” tanong niya.
“Opo,” sabi ko. “Kailangan ko ang tulong ninyo sa pagtatago ng mga damit kong pambuntis.”
Dinala ko siya sa kuwarto, inilabas ko ang mga damit na nasa mga drawer, at inalis ko ang mga damit sa hanger. Pagkatapos ay nahiga ako sa kama habang itinutupi niya ang mga damit ko at dahan-dahang inilalagay ang mga ito sa mga kahon. Matapos niyang iteyp ang mga kahon at dalhin sa ibaba ang mga ito para hindi ko na makita, nadama kong sumigla ang pakiramdam ko.
Pagkatapos ay nagpunta siya sa kusina, kinargahan ang dishwasher, pinunasan ang mga counter, at naglinis—mga bagay na hindi ko pa rin magawa noon. Pag-alis niya, malinis na ang bahay ko, nakatago na ang mga damit ko, at hindi na ako masyadong malungkot.
Itinuro ni Apostol Juan: “Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot” (I Ni Juan 4:18). Kapag tumulong tayong ibahagi ang pagmamahal ng Tagapagligtas, pinatatatag tayo ng Kanyang katapangan. Dahil puspos ng pag-ibig ni Cristo ang visiting teacher ko, nagpunta siya kaagad nang ipahiwatig ng Espiritu na magpunta siya.
Nakatanggap kami ng maraming pagpapahayag ng pagmamahal sa napakahirap na panahong iyon, kabilang na ang mga bulaklak, kard, cupcake, at pag-aalaga sa mga bata, na pinasalamatan naming lahat. Ngunit ang pagpapahayag na talagang nakatulong ay nang kumatok sa aking pintuan ang visiting teacher ko, na hindi nalalaman na kailangang-kailangan ko siya, at nagtanong, “May magagawa ba ako para sa iyo?”