2016
Ang Tatlong Halamanan ng Diyos
Marso 2016


KLASIKONG EBANGHELYO

Ang Tatlong Halamanan ng Diyos

Mula sa “The Purifying Power of Gethsemane,” Ensign, Mayo 1985, 9–11. Pinagpare-pareho ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga titik.

Ito ang huling patotoo ni Elder McConkie bilang apostol sa buhay na ito; pumanaw siya pagkaraan ng dalawang linggo.

Samahan ninyo ako sa pagtatamo ng mabuti at tiyak na kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala.

Larawan
three gardens of God PDF 1
Larawan
three gardens of God PDF 2
Larawan
three gardens of God PDF 3
Larawan
three gardens of God

Kaliwa: Ang Halamanan ng Eden, ni Jan Brueghel the Elder © Museo Thyssen-Bornemisza/Scala/Art Resource, NY; Paraiso, ni Jan Brueghel the Elder © bpk, Berlin/Gemaeldegalerie/Jörg P. Anders/Art Resource, NY; Paglisan sa Halamanan ng Eden, ni Joseph Brickey; kanan: Detalye mula sa Pinalayas sina Adan at Eva mula sa Halamanan ng Eden, ni Gary L. Kapp; detalye mula sa Si Cristo sa Getsemani, ni Harry Anderson; Ang Pagkabuhay na Mag-uli, ni Harry Anderson

Nadarama ko, at tila sumasang-ayon ang Espiritu, na ang pinakamahalagang doktrinang maipapahayag ko, at ang pinakamalakas na patotoong maibibigay ko, ay tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo.

Ang Kanyang Pagbabayad-sala ang pinakadakilang kaganapang nangyari o mangyayari mula sa simula ng Paglikha hanggang sa lahat ng panahon ng kawalang-hanggan.

Ito ang pinakadakilang gawa ng kabutihan at biyaya na tanging isang diyos lamang ang makagagawa. Sa pamamagitan nito, lahat ng kasunduan at kundisyon ng walang hanggang plano ng kaligtasan ng Ama ay naisagawa. …

Tungkol sa kamangha-manghang mga bagay na ito, gagamitin ko ang sarili kong mga salita, bagama’t maaari ninyong isipin na ito ay mga salita sa banal na kasulatan, mga salitang sinambit ng iba pang mga Apostol at propeta.

Totoo na unang ipinahayag ng iba ang mga ito, ngunit akin na ito ngayon, sapagkat ang Banal na Espiritu ng Diyos ay nagpatotoo sa akin na ang mga ito ay totoo, at ngayon ay parang inihayag na sa akin ng Panginoon ang mga ito sa unang pagkakataon. Kaya narinig ko na ang Kanyang tinig at alam ko na ang Kanyang salita. …

Inaanyayahan ko kayong samahan ako sa pagtatamo ng mabuti at tiyak na kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala.

Dapat nating iwaksi ang mga pilosopiya ng tao at ang karunungan ng matalino at makinig sa Espiritung ibinigay sa atin upang akayin tayo sa lahat ng katotohanan.

Dapat nating saliksikin ang mga banal na kasulatan, na tinatanggap na ito ang kagustuhan at kalooban at tinig ng Panginoon at ang mismong kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.

Habang tayo ay nagbabasa, nagninilay, at nagdarasal, papasok sa ating isipan ang tanawin ng tatlong halamanan ng Diyos—ang Halamanan ng Eden, ang Halamanan ng Getsemani, at ang Halamanan ng Libingang Walang Laman, kung saan nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena.

Sa Eden makikita natin ang lahat ng bagay na nilikha sa malaparaisong kalagayan—walang kamatayan, walang magsisilang, walang mga pagsubok.

Malalaman natin na ang gayong paglikha, na ngayon ay hindi alam ng tao, ay ang tanging paraan para bigyang-daan ang Pagkahulog.

Pagkatapos ay makikita natin sina Adan at Eva, ang unang lalaki at unang babae, na bumababa mula sa kanilang imortal at mala-paraisong kaluwalhatian upang maging unang mortal na nilalang sa mundo.

Ang mortalidad, kabilang na ang pagsilang at kamatayan, ay papasok sa mundo. At dahil sa paglabag, magsisimula ang panahon ng pagsubok.

At sa Getsemani makikita natin ang Anak ng Diyos na tutubusin ang tao mula sa temporal at espirituwal na kamatayan na napasaatin dahil sa Pagkahulog.

At sa huli, sa harap ng libingang walang laman, malalaman natin na nakalag na ni Cristo na ating Panginoon ang mga gapos ng kamatayan at walang hanggang nagtatagumpay laban sa libingan.

Sa gayon, Paglikha ang simula ng Pagkahulog; at dahil sa Pagkahulog ay nagkaroon ng mortalidad at kamatayan; at dahil kay Cristo nagkaroon ng imortalidad at buhay na walang hanggan.

Kung hindi nangyari ang pagkahulog ni Adan, kung saan dumating ang kamatayan, wala sanang Pagbabayad-sala ni Cristo, na naghatid ng buhay.

At ngayon, tungkol sa perpektong Pagbabayad-salang ito, na naisakatuparan sa pamamagitan ng pagbuhos ng dugo ng Diyos—pinatototohanan ko na nangyari ito sa Getsemani at sa Golgota, at tungkol kay Jesucristo, pinatototohanan ko na Siya ang Anak ng Buhay na Diyos at ipinako para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Siya ang ating Panginoon, ating Diyos, at ating Hari. Alam ko ito, at walang kinalaman ang ibang tao.

Isa ako sa Kanyang mga saksi, at pagdating ng araw dadamahin ko ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa at babasain ng aking mga luha ang Kanyang mga paa.

Ngunit pagdating ng araw na iyon hindi magbabago ang alam ko ngayon na Siya ang Makapangyarihang Anak ng Diyos, na Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at na dumarating ang kaligtasan sa at sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang dugo at wala nang iba pang paraan.

Loobin nawa ng Diyos na makalakad tayo sa liwanag dahil ang ating Diyos Ama ay nasa liwanag nang sa gayon ay malinis tayo mula sa lahat ng kasalanan, ayon sa mga pangako, ng dugo ni Jesucristo na Kanyang anak.

Print