Pagdama sa Diwa ng Institute
Ang awtor ay naninirahan sa Colombia.
Ang paminsan-minsang negatibong kapaligiran ng unibersidad ay bumagabag sa akin. Nang damhin ko ang kapaligiran sa institute, nalaman ko na hindi ako nag-iisa.
Nang magsimula ako sa kolehiyo, gustung-gusto kong maging bahagi ng mga kapaligirang pang-edukasyon at makita ang sigla ng mga kabarkada ko. Salamat sa aking Ama sa Langit, sa Perpetual Education Fund, at sa suporta ng pamilya ko, unti-unting natupad ang pangarap ko.
Sa mga unang linggo ng klase, natanto ko ang hirap ng pag-aaral nang sumunod na limang taon: homework, mga quiz, test, at proyekto. Natutuhan kong mahalin ang pinili kong kurso at ang kolehiyong pinasukan ko, ngunit natanto ko rin na bago iyon ay wala akong gaanong alam sa mundo. Malinaw kong nakita na ako ay naiiba sa iba pang mga estudyante sa kolehiyo. Nakikinig sila sa musikang may malalaswang salita, at ang mga pag-uusap nila ay palaging tungkol sa kahalayan, paggamit ng ilegal na droga, at pag-inom ng alak tuwing Sabado’t Linggo.
Maraming beses akong niyaya ng mga kaklase ko na makilahok sa mga aktibidad nila tuwing Sabado’t Linggo. Matapos kong ipaliwanag ang aking mga pamantayan at relihiyon, iginalang ng marami ang aking mga pananaw at tumigil sa paggigiit na sumama ako sa kanila, ngunit marami pang nangutya sa aking mga paniniwala. Sinikap kong balewalain ang mga komentong ito, ngunit naisip ko, “Ganito na lang ba palagi?” Patuloy kong ipinagdasal na magkaroon ako ng lakas at hindi ko maramdaman na nag-iisa ako. Pero hindi ko nadama na nasagot ang mga panalanging ito. Pagkatapos ay natanto ko na hindi magbabago ang mga nangyayari sa paligid ko sa unibersidad. Bagama’t nasa unibersidad, patuloy akong dumalo sa Young Women, kaya nalaman ko isang araw ng linggo ang tungkol sa institute sa sacrament meeting. Nagpasiya akong pumunta sa institute nang sumunod na Miyerkules upang magtanong tungkol sa Perpetual Education Fund.
Matapos ang mahaba at abalang araw sa unibersidad, nagpunta ako sa institute. Sumakay ako sa pampublikong sasakyan, umupo, at sinimulan kong basahin ang sumunod na kabanata ng takdang-aralin. Huminga ako nang malalim, sa kagustuhang makapagpahinga, at tumingala, para lamang makita ang isang bagay na di-angkop na nangyayari malapit sa akin. Bumaba ako sa aking babaan at lumakad papuntang institute, na laman ng isipan ang takdang-araling kailangan kong ipasa kinabukasan.
Kahit ipinamuhay ko ang mga pamantayan ng ebanghelyo, ang kapaligiran ng unibersidad ay bumabagabag sa akin habang papasok ako sa gusali ng institute. Pumasok ako at nakita ko ang mga young adult na estudyante sa kolehiyo na disente ang pananamit at narinig silang nagsasalita nang magalang sa isa’t isa. Anong mga kurso ang kukunin nila ngayong semestre? Ang Doktrina at mga Tipan? Ang Aklat ni Mormon? Paghahanda ng Missionary?
Nilapitan ko ang clerk, sinagot niya ang tanong ko, at tumalikod na ako para umalis. Malapit sa labasan tumalikod ako, dama ang kapaligiran ng institute. Pumunta ako sa pintuan, at napuno ng luha ang aking mga mata nang makadama ako ng matinding kagalakan. Sumakay ako sa pampublikong sasakyan pauwi sa amin, na umiiyak at nakangiti. Nakintal ang isang ideya sa aking isipan: Hindi ako nag-iisa.
Sa sandaling iyon natanggap ko ang sagot sa aking mga dalangin. Nadama ko ang Espiritu, pinag-isipan ko ang aking karanasan, at pinasalamatan ko ang aking Ama sa Langit sa kagalakang dulot ng paniniwala sa ebanghelyo.
Nang makauwi ako, niyakap ko si inay at ikinuwento sa kanya ang magandang karanasang madama ang pagmamahal ng Diyos. Hindi Niya ako pinabayaang mag-isa kailanman at lumagi sa aking tabi, tulad ng ginagawa Niya sa bawat isa sa atin kapag kailangang-kailangan natin Siya. Dumalo ako sa institute habang nasa kolehiyo ako at marami akong nakilala na nananatiling mabubuti kong kaibigan. Ngunit si Jesucristo ang ating pinakamainam na pinagmumulan ng pagmamahal at suporta, at hinding-hindi Niya tayo pababayaang mag-isa.