2016
Mga Sanga-sangang Blackberry
Marso 2016


Mga Sanga-sangang Blackberry

Rhiannon Gainor, California, USA

blackberry canes

Paglalarawan ni Stan Fellows

Ang mga blackberry ay lumalagong gaya ng mga damo sa kanlurang baybayin ng Canada. Tumutubo at lumalago ang mga halaman sa lahat ng dako at sumisiksik sa anumang maabot nito—ang mga bukirin, bangketa, lansangan, at tabing-dagat ay puno ng mga sanga-sangang blackberry. Sa panahon ng taglagas nagtutulungan ang magkakapitbahay sa pamimitas ng mga berry na gagamitin sa kanilang tahanan.

Isang taon nang sumama ako sa pamimitas ng mga blackberry, determinado akong hindi lang pumitas ng sapat para makagawa ng jam para sa aking pamilya, kundi magpapasobra din ako para sa kababaihang pinupuntahan ko bilang visiting teacher. Ang pinakamagandang lugar para mamitas ng mga blackberry sa lugar namin ay pababa sa paaralang elementarya, kung saan ang mga daanan at bukirin ay puno ng matitinik na halaman na aabot sa walong talampakan (2.4 m) ang taas. Namitas na ako roon noong nakaraang linggo, at alam ko na marami na ring ibang nakapunta roon, kaya malamang na kakaunti na lang ang natirang mga bunga.

Habang naghahanda akong mamitas ulit ng mga berry, naisip kong subukang mamitas sa ibang lugar. Sa bintana ng kusina ko may nakikita akong bakanteng lote sa tabi ng kalsada. Walang masyadong nagpupunta roon, at ang matitigas na sanga ay nakalatag sa malawak na lupain. Tiyak na maraming bunga sa lugar na wala pang nakakapamitas. Inilagay ko ang mga timba ko sa likuran ng kotse at nagtungo ako roon.

Hindi nagtagal ay nainitan, nagasgasan, at naguluhan ako habang nakatayo sa kalagitnaan ng malawak na lupaing may matitinik na halaman. Ang matitigas na sanga ay tigang, puno ng tinik ngunit walang anumang tanda ng pamumulaklak o pamumunga. Tatatlo ang napitas kong mga berry sa lugar na iyon, at hindi ko maunawaan kung bakit. Gayunman, kailangan pang punuin ang mga garapon ko ng jam, kaya nagpunta ako sa paaralan para tingnan kung may natira pang bunga roon.

Pagdating ko sa kaparangan ng paaralan, nakakita ako ng mas marami pang berry kaysa kailangan ko at marami pang papahinog pa lang, kahit marami nang mga taong namitas doon. Bigla kong natanto ang nangyari: ang sanga-sangang blackberry ay mas namumunga kapag pinipitas ang mga bunga nito. Dahil maraming taon nang namimitas sa lugar na ito ang aming kapitbahayan, tumutugon ang matitigas na sanga sa pamamagitan ng pamumunga taun-taon. Sa mga lugar kung saan hindi nagamit ang matitigas na sanga, nanatili silang tuyot at walang bunga. Dahil sama-sama kaming namitas ng mga blackberry sa lugar na iyon sa paglipas ng mga taon, nahitik ito sa bunga—mas marami pang bunga kaysa kailangan naming lahat.

Ipinaalala sa akin ng karanasang ito kung paano nakakatulong ang mga ikapu at handog-ayuno. Nangako sa atin ang Panginoon na kapag nagbabayad tayo ng ikapu, bubuksan Niya ang “mga durungawan sa langit, at ibubuhos sa [atin] ang isang pagpapala na walang sapat na lugar na mapaglalagyan nito” (3 Nephi 24:10). Sa pagbabahagi ng anumang mayroon tayo sa pamamagitan ng inspiradong mga programa ng Simbahan, nagkakaroon tayo ng temporal at espirituwal na kasaganaan para sa ating pamilya, sa ating komunidad, at sa ating sarili.