2016
Bakit Tayo Nagbibinyag para sa mga Patay
Marso 2016


Bakit Tayo Nagbibinyag para sa mga Patay

Mas marami pang nangyayari sa mga binyag para sa patay kaysa nakikita natin.

temple baptistry

Larawan ng bautismuhan sa Ogden Utah Temple

Kung nakagawa ka na ng mga binyag para sa mga patay, siguro ay nadama mo na ang ilan sa mga pagpapala ng pagsamba sa templo: nababawasan ang pag-aalala mo, mas nakakapag-isip kang mabuti, at may puspos ka ng kapayapaan at pananampalataya. Ang mga pagpapalang matatanggap mo sa pagpunta sa templo ay kahanga-hanga, ngunit ang pagsamba sa templo ay higit pa sa mga pagpapalang natatanggap mo. Kung minsan ay mahirap maalala ang ibang taong ipinagdarasal mo sa templo, ngunit higit pa siya sa isang pangalan sa kulay-asul o kulay-rosas na piraso ng papel. Kapag ikaw ay bininyagan o kinumpirma sa pamamagitan ng proxy para (alang-alang) sa iba, tumutulong ka sa isang tunay na tao.

Kaya ano ang alam mo tungkol sa mga taong ito na namatay na? At bakit napakahalaga sa iyo na mabinyagan at makumpirma para sa kanila? Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng maraming impormasyon tungkol sa kabilang-buhay.

Pisikal na Kamatayan

Dahil sa Pagkahulog ni Adan, lahat ng isinilang sa mundo ay dumaranas ng kamatayan (tingnan sa Moises 6:48). Sa kamatayan, ang espiritu ng tao ay humihiwalay sa katawan, at ang kanilang espiritu ay nagpupunta sa daigdig ng mga espiritu upang hintayin ang pagkabuhay na mag-uli.

Ang Daigdig ng mga Espiritu: Paraiso at Bilangguan ng mga Espiritu

Ang daigdig ng mga espiritu ay nahahati sa paraiso at sa bilangguan ng mga espiritu. Ang mga taong nabinyagan at nanatiling tapat noong nabubuhay pa sila ay pupunta sa paraiso. Ito ay isang lugar ng kapahingahan, kapayapaan, at kagalakan. Binisita at tinuruan ni Jesucristo ang mga espiritung nasa paraiso sa pagitan ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa D at T 138:18–27).

Ang mabubuting taong namatay na walang kaalaman sa ebanghelyo ay mapupunta sa bilangguan ng mga espiritu. Dito rin napupunta ang mga naging suwail o masama sa kanilang mortal na buhay. Itinuturo ng mabubuting espiritu ang ebanghelyo sa mga taong ito, at sa gayon ay may pagkakataon silang tanggapin ang ebanghelyo at magsisi (tingnan sa D at T 138:28–37). Gayunman, kapag wala silang katawan, hindi sila maaaring binyagan o lumahok sa iba pang mga ordenansang kailangan para tumanggap ng buhay na walang hanggan. (Tingnan sa Alma 40:14.)

Mga Proxy Ordinance

Sa kabutihang-palad, ang Ama sa Langit ay maawain, mapagmahal, at makatarungan, kaya gumawa Siya ng paraan para maligtas ang lahat ng Kanyang anak. Dito ka maaaring makatulong. Kapag nagsagawa ka ng mga proxy ordinance para sa mga tao, may pagkakataon silang tanggapin ang mga ordenansang ito. Magagawa mo para sa kanila ang hindi nila magagawa para sa kanilang sarili sa kanilang landas tungo sa buhay na walang hanggan. Ang nagsisising mga kaluluwang ito ay maaaring “matubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos” (D at T 138:58; tingnan din sa talata 59). At mararanasan mo ang malaking kagalakang nagmumula sa pagtulong sa isang tao sa bilangguan ng mga espiritu na matanggap ang mahahalagang ordenansa.

Pagkabuhay na Mag-uli

Sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, lahat ng isinilang sa mundo ay madaraig ang pisikal na kamatayan at mabubuhay na mag-uli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22). Itinuro ni Jesus, “Sapagka’t ako’y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo” (Juan 14:19). Sa Pagkabuhay na Mag-uli, ang espiritu ng lahat ay muling sasanib sa kanilang katawan. Ang ibig sabihin nito ay lahat—yaong mga nabuhay sa kasamaan, yaong mga namuhay nang matwid, at yaong mga nagsisi at tumanggap ng mga ordenansa sa pamamagitan ng proxy pagkatapos nilang mamatay.

Paghuhukom

Kapag lahat ay nabuhay nang mag-uli, bawat tao ay haharap sa Diyos at hahatulan “ayon sa kanilang mga gawa” (3 Nephi 27:15), kabilang na ang pagtanggap nila ng mga ordenansa (tingnan sa 3 Nephi 27:16–20). Tanging ang mga taong tumanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo (personal man o sa pamamagitan ng gawain sa templo) at tumupad sa mga tipan na kasama sa mga ordenansang iyon ang magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Dahil ikaw ay nabubuhay na mortal at karapat-dapat magtaglay ng temple recommend, magkakaroon ka ng pambihirang pagkakataon at responsibilidad na tulungan ang iyong kapwa mga anak ng Diyos sa kanilang landas tungo sa buhay na walang hanggan. Ikaw ay may napakahalagang bahagi sa plano ng Diyos.