2016
Alam Kong Buhay ang Aking Manunubos
Marso 2016


Alam Kong Buhay ang Aking Manunubos

Ang awtor ay naninirahan sa Pilipinas.

Matapos kaming iwanan ng aming mga magulang, nalaman namin na kailanman ay hindi kami iiwan ni Jesucristo.

three boys reading

Paglalarawan ni Brian Call; detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann

Noong 14 anyos ako, iniwan ni Itay ang aming pamilya, at napilitan ang nanay ko na magpunta sa ibang bansa. Naiwan ako kasama ang tatlong nakababata kong kapatid na sina Ephraim, edad 9; Jonathan, 6; at Grace, 3 (pinalitan ang mga pangalan). Walang nakapaghanda sa amin para sa biglaang pagbabagong ito. Sa unang pagkakataon, napag-isa kami.

Di-nagtagal ay nag-alok ang mga kamag-anak namin na kupkupin ang bawat isa sa amin, ngunit kung titira kami sa kanila, magkakahiwa-hiwalay kami. Napakahirap desisyunan niyon. Paano namin matatanggihan ang mabuti nilang intensiyon na tumulong? Ngunit paano rin namin matatalikuran ang maraming taon ng paglalaro, tawanan, pag-aalaga sa isa’t isa, at pagsubaybay sa paglaki ng bawat isa?

Noong una, tinanggihan naming magkakapatid ang kanilang tulong, na iniisip na puwede akong magtrabaho para masuportahan kami at mananatili kaming magkakasama. Ngunit alam namin na hindi namin kayang ibigay ang pangangalagang kailangan ng bunso naming kapatid, kaya luhaang hinayaan namin siyang umalis.

Nang sumunod na ilang buwan, nagtrabaho ako bilang pintor ng gusali para makabili ng pagkain para sa amin ng aking mga kapatid. Hindi sapat ang suweldo ko para mabayaran ang kuryente at tubig, kaya kinailangan naming mabuhay na wala nito.

Sa kabila ng pagsubok na ito at ng mga tsismis ng iba na kaakibat nito, hindi nanghina ang aming pananampalataya. Gabi-gabi, tinitipon ko sina Ephraim at Jonathan sa tabi ng gasera upang magbasa ng Aklat ni Mormon. Ginugupit ko ang mitsa para hindi ito masyadong mausok, ngunit kailangan pa rin naming linisin ang nangingitim naming mga ilong pagkatapos naming magbasa. Pero sulit iyon.

Ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay naglapit sa amin kay Cristo. Pagkatapos naming magbasa, sama-sama kaming lumuluhod at halinhinang nagdarasal. Humihingi kami ng kapanatagan sa aming problema na tila walang solusyon. Natapos naming basahin ang aklat, at lumakas ang pananampalataya namin kay Jesucristo.

Isang araw umuwi akong pagod mula sa trabaho at nahiga ako sa mas mababa naming bunk bed. Pagtingala ko, nakita ko ang isang papel na nakadikit sa ilalim ng kama sa ibabaw ko. Sabi roon: “Alam Kong Buhay ang Aking Manunubos!” Ang kapatid kong si Jonathan ang naglagay noon doon. Napakalapit ng mga bata sa kalangitan na maging ang isang batang Primary ay maaaring maging kasangkapan sa paghahatid ng mensahe mula sa Diyos upang panatagin ang naguguluhang puso’t isipan!

Pinalakas ako ng patotoong ito nang mapagtanto ko na hindi ko talaga kayang tustusan ang mga pangangailangan namin at kinailangan naming lisanin ang aming tahanan. Tumira si Jonathan sa mga kamag-anak ng nanay ko, pero pinili namin ni Ephraim na makitira sa lolo’t lola namin dahil mga miyembro sila ng Simbahan. Sa bahay nila bumabangon kami nang maaga para sa mga gawaing-bahay bago pumasok sa eskuwela, at inalagaan namin ang aming lolo sa gabi. Nakakapagod iyon. Gayunpaman, hindi kami pinabayaan ng Panginoon, at nanatili kami sa Simbahan.

Tuwing parang gusto ko nang sumuko, naaalala ko ang mga espesyal na sandali naming magkakapatid habang nagbabasa kami sa Aklat ni Mormon na nakapalibot sa isang gasera. Alam ko na naroon si Cristo sa tabi namin sa mahihirap na panahong iyon. Mula nang mawalay sa isa’t isa ang mga miyembro ng aming pamilya, hindi Niya kami pinabayaan. “Alam kong buhay ang aking Manunubos!”

Ngayon, makalipas ang maraming taon, nakalarawan pa rin sa aking puso’t isipan ang mga salitang iyon mula sa ibabaw ng kama ko. Ang mensaheng iyon ay nakatulong sa amin ng kapatid kong si Ephraim sa mga taon ng paglilingkod namin bilang full-time missionary at sa pagsisikap ngayon na ipamuhay ang selestiyal na kasal.

Marami sanang nawala sa buhay ko kung nag-alinlangan ako sa halip na magtiwala kay Cristo. Gaano man kahirap ang buhay, hindi ito kailanman naging napakahirap para sa Tagapagligtas, na nagdusa sa Getsemani. Kaya Niyang suportahan ang buhay ng isang tao sa isang pangungusap lamang. Alam Niya ang lahat ng bagay mula simula hanggang wakas. Ang Kanyang pag-aliw ay mas makapangyarihan kaysa anumang sama-ng-loob na hatid ng buhay na ito. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, walang permanenteng problema—tanging pag-asa, biyaya, kapayapaan, at pagmamahal lamang sa tuwina. Maniwala kayo, alam ko! Alam kong buhay ang aking Manunubos!