2016
Nilikha Ayon sa Larawan ng Diyos
Marso 2016


Mensahe sa Visiting Teaching

Nilikha Ayon sa Larawan ng Diyos

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang inyong pananampalataya sa Diyos at pagpapalain ang mga binabantayan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.

Relief Society seal

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

baby hand

“At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis. …

“At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae” (Genesis 1:26–27).

Ang Diyos ang ating Ama sa Langit, at nilikha Niya tayo sa Kanyang wangis. Tungkol sa katotohanang ito, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang ating Diyos Ama ay may mga tainga para marinig ang ating mga dalangin. Mayroon siyang mga mata para makita ang ating mga kilos. Mayroon siyang bibig para makapangusap sa atin. Mayroon siyang puso para makadama ng habag at pagmamahal. Siya ay tunay. Siya ay buhay. Tayo ay kanyang mga anak na nilikha sa kanyang larawan. Kamukha niya tayo at kamukha natin siya.”1

“Itinuturing ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lahat ng tao bilang mga anak ng Diyos sa ganap at lubos na kahulugan nito; itinuturing nila ang bawat tao na may banal na pinagmulan, kalikasan, at potensyal.”2 Bawat isa ay “minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit.”3

“Nalaman din ni [Propetang] Joseph Smith na hangad ng Diyos na matanggap ng Kanyang mga anak ang uri ng kadakilaang taglay Niya.”4 Tulad ng sabi ng Diyos, “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Karagdagang mga Banal na Kasulatan

Genesis 1:26–27; I Mga Taga Corinto 3:17; Doktrina at mga Tipan 130:1

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Naghanap ng paraan ang kapatid ni Jared sa Aklat ni Mormon na magkaroon ng liwanag ang walong gabara na dinisenyo upang itawid ang mga Jaredita sa karagatan patungo sa lupang pangako. Siya ay “tumunaw mula sa isang malaking bato ng labing-anim na maliliit na bato” at nanalangin sa Diyos na “hipuin … ang mga batong ito” ng Kanyang daliri “upang ang mga ito ay kuminang sa kadiliman.” At “iniunat ng [Diyos] ang kanyang kamay at hinipo ang mga bato nang isa-isa.” Naalis ang tabing sa mga mata ng kapatid ni Jared, at “nakita niya ang daliri ng Panginoon; at ito ay tulad ng daliri ng tao. …

“At sinabi ng Panginoon sa kanya: Maniniwala ka ba sa mga salitang sasabihin ko sa iyo?

“At tumugon siya: Oo, Panginoon.”

At “ipinakita ng Panginoon ang kanyang sarili sa [kapatid ni Jared]” at sinabing, “Nakikita mo bang nilikha ka alinsunod sa aking sariling wangis? Oo, maging ang lahat ng tao ay nilikha noong simula alinsunod sa aking sariling wangis.” (Tingnan sa Eter 3:1–17.)

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “I Know That My Redeemer Lives,” sa Conference Report, Abr. 1966, 63.

  2. Gospel Topics, “Becoming Like God,” topics.lds.org; tingnan din sa Moises 7:31–37.

  3. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  4. Gospel Topics, “Becoming Like God,” topics.lds.org; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 258.