2016
Isang Pirasong Kendi
Marso 2016


Isang Pirasong Kendi

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Madaling magbahagi ng kendi, pero paano naman ang pagbabahagi ng ebanghelyo?

“Nais ko nang maging misyonero,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90).

one piece of candy

“Gusto mo ng kendi?” Inialok ni José ang isang pirasong kending kulay-kape sa kaibigan niyang si Pedro habang magkasama silang pauwi mula sa eskuwela sakay ng bus.

“Oo naman,” sabi ni Pedro. Inabot nito ang kendi at isinubo ito.

Pumili ng dilaw na kendi si José mula sa maliit na bag. Tahimik ang mga bata habang umaandar ang bus. Malaki ang lungsod nila sa Argentina. Mahaba ang biyahe nila sa bus araw-araw para makarating sa eskuwela. Ang mamá ni José ay laging nagbibigay sa kanya ng perang pambili ng isang maliit na supot ng kendi para pampalipas-oras.

“Gusto mo pa?” Nag-alok si José ng isang dakot na kending kulay-kape.

“Oo, salamat!” sabi ni Pedro. “Bakit ayaw mo nito? Masarap naman.”

Tumigil sandali si José at nag-isip at dinilaan ang kanyang mga labi. “Siguro dahil lasang kape iyan.”

“Bakit ayaw mo ng lasang kape? Ang sarap pa naman.”

“Kasi, Mormon ako, at hindi kami umiinom ng kape, kaya siguro hindi ako sanay sa lasa nito.”

Mukhang naguluhan si Pedro. “Ano ba ang Mormon? At bakit hindi ka umiinom ng kape?”

“Ang Mormon ay isang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naniniwala kami na nais ng Diyos na pangalagaan natin ang ating katawan, kaya hindi kami umiinom ng kape, tsaa, o alak. At hindi kami naninigarilyo.”

“Pero kendi lang naman ito,” sabi ni Pedro. “Hindi ito totoong kape.”

“Alam ko,” sabi ni José. “Pero ayaw ko pa ring kumain niyan.”

Tumango si Pedro. “Kung gayon, ibigay mo sa akin ang lahat ng kending kulay-kape. Ano pa ang itinuturo sa iyo ng Simbahan ninyo?”

“Tuwing Linggo ay nagsisimba kami at natututo tungkol kay Jesus at sa Ama sa Langit. Nag-aaral din kami ng maraming masasayang awitin. Katunayan nga, kakanta at magsasalita ang lahat ng bata sa miting namin sa Simbahan sa darating na Linggo. Bakit hindi ka magpaalam sa nanay mo kung puwede kang sumama sa akin sa simbahan? Makikilala mo rin ang mga missionary.”

“OK,” sabi ni Pedro. “May kendi rin ba silang lasang-kape na gusto nilang idispatsa?”

Natawa si José. “Wala, pero may ibabahagi silang mas maganda pa riyan!”