Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Pagkabuhay na Mag-uli—Ang Simula ng Kawalang-Kamatayan
Mula sa “Pagkabuhay na Mag-uli,” Liahona, Hulyo 2000, 16–19.
Hindi sa kamatayan nagtatapos ang ating buhay.
Iniisip ko kung lubos nating pinahahalagahan ang napakalaking kabuluhan ng ating paniniwala sa isang literal at pangkalahatang pagkabuhay na mag-uli ng sanlibutan. … Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith:
“Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 58].
Sa lahat ng bagay sa maluwalhating paglilingkod na iyon, bakit ginamit ni Propetang Joseph Smith ang kamatayan, libing, at pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas bilang pangunahing alituntunin ng ating relihiyon … ? Matatagpuan ang sagot sa katotohanan na ang pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas ay mahalaga sa tinatawag ng mga propeta na “dakila at walang hanggang plano ng kaligtasan mula sa kamatayan” (2 Nephi 11:5).
Sa ating walang hanggang paglalakbay, ang pagkabuhay na mag-uli ang mahalagang tanda na nagpapakita ng katapusan ng buhay at simula ng kawalang-kamatayan. … Alam din natin, mula sa makabagong paghahayag, na kung wala ang pagsasamang muli ng ating mga espiritu at katawan [sa pagkabuhay na mag-uli] hindi tayo magkakaroon ng “ganap na kagalakan” (D at T 93:33–34). …
Ang “buhay na pag-asa” na ibinibigay sa atin ng pagkabuhay na mag-uli [tingnan sa I Ni Pedro 1:3] ang nagbibigay sa atin ng matibay na pananalig na hindi katapusan ng ating buhay ang kamatayan kundi isang kinakailangang hakbang lamang sa itinakdang pagbabagong-kalagayan mula sa pagiging mortal tungo sa kawalang-kamatayan. Binabago ng pag-asang ito ang pananaw hinggil sa buhay sa lupa. …
Nagdudulot sa atin ng lakas at magandang pananaw ang katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli upang pagtiisan ang mga pagsubok sa buhay na kinakaharap ng bawat isa sa atin at ng mga mahal natin, katulad ng mga kakulangan sa pisikal, mental, o emosyonal na kasama natin sa pagsilang o nakuha [natin] habang nasa buhay sa lupa. Dahil sa pagkabuhay na mag-uli, batid natin na pansamantala lamang ang mga kakulangang ito!
Nagdudulot din sa atin ng matinding dahilan ang katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli upang sumunod sa mga utos ng Diyos habang nabubuhay [tayo] sa lupa. Hindi lamang muling pagsanib ng espiritu sa isang katawang naging bihag ng kamatayan ang pagkabuhay na mag-uli. … Itinuro ng propetang si Amulek, “Yaon ding espiritu na nag-aangkin sa inyong mga katawan sa panahon na kayo ay pumanaw sa buhay na ito, yaon ding espiritung yaon ang may kapangyarihan na angkinin ang inyong katawan sa walang hanggang daigdig na yaon” (Alma 34:34). …
Ang katiyakan na ang pagkabuhay na mag-uli ay kabibilangan ng pagkakataon na makapiling ang ating mga kapamilya—asawa, maybahay, mga magulang, kapatid, anak, at apo—ay isang malakas na panghimok sa atin upang gampanan ang ating mga tungkulin sa pamilya sa buhay na ito. [Tinutulungan tayo nitong] sama-samang mamuhay nang may pagmamahal habang inaasam ang masayang muling pagkikita at pakikisalamuha sa [kabilang] buhay.