2016
Isang Tunay na Perlas
Marso 2016


Isang Tunay na Perlas

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Gustong tumugtog ng piyano ni Jetta, pero kaya ba niyang iwanan ang kanyang pamilya?

“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).

Larawan
a true pearl

Hinubad ni Jetta Pearl Stewart ang bonnet niya at naupo sa balkon katabi ni Itay. “Ano po ang perlas?” tanong niya rito.

Alam na ng walong-taong-gulang na si Jetta kung ano ang perlas, pero gustung-gusto niyang marinig ang sagot ni Itay. Tulad ng dati, ipinaliwanag ni Itay kung paano nabubuo ang perlas sa loob ng mga talaba, unti-unti, hanggang sa maging isang maningning at makinang na hiyas.

“Ang mga perlas ay kumikinang na tulad mo, munti kong Jetta Pearl,” sabi nito, na nakangiti. Gumanti ng ngiti si Jetta. Gusto niya na siya ang Perlas ng ama.

Sa hapunan nang gabing iyon, sinabi ni Itay kay Jetta na may mahalagang tanong ito para sa kanya.

“Mula pa noong maliit ka, may espesyal ka nang talento sa musika,” sabi ni Itay. “Gusto mo bang matutong tumugtog ng piyano?”

Nanlaki ang mga mata ni Jetta. “Aba, opo!”

“Kakailanganin mong maglakbay nang malayo at pansamantalang makitira sa guro mo,” sabi ni Inay. “Walang makakapagturo sa iyo rito sa Milburn.”

Napawi ang ngiti ni Jetta. Hindi pa siya nawalay sa kanyang pamilya nang mahigit sa isang araw. At ang mamalagi sa malayo

“Pero mahalaga sa atin na paunlarin ang ating mga talento, kahit mahirap,” sabi ni Itay.

Tumango si Inay. “Kailangan mong magsikap nang husto,” sabi nito.

Talagang mahilig si Jetta sa musika. At matagal na niyang gustong tumugtog ng piyano. Dahan-dahang nagkaroon ng ngiti sa kanyang mukha. “Tutugtog ako ng piyano!”

Ngunit kinaumagahan, habang pinanonood ni Jetta ang pagtatali ni Itay sa mga kabayo sa bagon, nawala ang kanyang pananabik. Ngayon ay takot na takot siya. Hindi niya inasahang maging ganoon kabilis ang paglisan niya sa kanilang tahanan.

Dahan-dahang sumakay sa bagon si Jetta at tumabi kay Itay.

“Handa ka na ba, Jetta Pearl?” sabi nito.

Sa pakiramdam niya ay hindi, ngunit tumango si Jetta. Maugang umabante ang bagon.

Maya-maya, sumulyap si Itay sa kanya. “Alam mo ba kung gaano ka namin ipinagmamalaki ng nanay mo?”

Tumango si Jetta. “Pero paano kung kailangan ninyo ang tulong ko sa bahay?”

Ngumiti si Itay. “Siguradong mangungulila kami sa iyo, pero isang paraan ito na ikaw lang ang makakatulong. Maglilingkod ka sa Ama sa Langit sa pagpapaunlad ng mga kaloob Niya sa iyo.”

Hindi niya naisip iyon sa gayong paraan. Kaloob nga kaya ng Ama sa Langit ang kanyang talento sa musika?

Nagpatuloy si Itay. “Matatagalan ito, pero unti-unti ay huhusay ka sa pagtugtog ng piyano. At pagkatapos ay makakapaglingkod ka na sa maraming tao.”

Naramdaman ni Jetta na unti-unting naglalaho ang takot niya. Mag-aaral siya ng piyano at maglilingkod sa Ama sa Langit. Nakakatakot ito, pero alam niyang tutulungan siya ng Diyos.

Kumindat si Itay. “Unti-unting nagniningning at kumikinang ang munti kong si Pearl.”

Tulad ng sabi ni Itay, unti-unting natutong tumugtog ng piyano si Jetta. Natuto pa nga siyang tumugtog ng organ.

Pagkaraan ng ilang buwan, umuwi na si Jetta. Nang Linggong iyon siya ang naging kauna-unahang organista sa Milburn! Mabilis ang tibok ng puso niya habang nakaupo sa malaking organ na pinagsikapang bilhin ng komunidad para tugtugin niya. Sa sobrang ganda nito halos ayaw itong hawakan ni Jetta. Kinailangan niyang upuan ang isang aklat para maabot niya ang mga teklado.

Huminga siya nang malalim at pagkatapos ay nagsimulang tumugtog. Pumailanlang ang tunog ng mga nota sa buong silid, buo at maganda.

Sinilip ni Jetta ang kongregasyon. Nakangiti ang mga tao habang kumakanta. Ngumiti rin si Jetta. Hindi perpekto ang pagtugtog niya, pero ginamit niya ang kanyang mga talento upang maglingkod.

Naalala niya ang mga salita ni Itay: “Ang mga perlas ay kumikinang na tulad mo, Jetta Pearl.”

Unti-unti, dahan-dahan, ginagawa siya ng Ama sa Langit na isang tunay na perlas.

Print