Mensahe ng Unang Panguluhan
“Mag-aral Kayo sa Akin”
Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, lahat tayo ay mga guro at lahat tayo ay natututo. Ipinararating ng Panginoon ang magiliw na paanyayang ito sa lahat: “Mag-aral kayo sa akin … at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”1
Inaanyayahan ko ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw na pag-isipang mabuti ang kanilang mga pagsisikap na magturo at matuto at umasa sa Tagapagligtas bilang ating Gabay sa paggawa nito. Alam natin na itong “guro na nagbuhat sa Diyos”2 ay hindi lamang isang guro. Siya na nagturo sa atin na mahalin ang ating Panginoong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong isipan, at mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili, ang Dalubhasang Guro at Uliran ng sakdal na buhay.
Siya ang nagsabing: “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”3 “Ipinakita ko ang isang halimbawa sa inyo.”4
Maliban Kung Kayo ay Magbalik-loob
Nagturo si Jesus ng isang simple ngunit malalim na katotohanan na nakatala sa Mateo. Matapos Siyang bumaba kasama ang Kanyang mga disipulo mula sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, huminto sila sa Galilea at pagkatapos ay nagpunta sa Capernaum. Doo’y lumapit ang mga disipulo kay Jesus, na nagtatanong:
“Sino nga baga ang pinakadakila sa kaharian ng langit?
“At pinalapit [ni Jesus] sa kaniya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila,
“At sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.”5
Sa Simbahan, ang mithiin ng pagtuturo ng ebanghelyo ay hindi para magbuhos ng impormasyon sa isipan ng mga anak ng Diyos, sa bahay man, sa klase, o sa misyon. Ito ay hindi para ipakita kung gaano karami ang nalalaman ng magulang, guro, o missionary. Ni hindi para mapag-ibayo ang kaalaman tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan.
Ang pangunahing mithiin ng pagtuturo ay para tulungan ang mga anak na lalaki at anak na babae ng Ama sa Langit na makabalik sa Kanyang piling at magtamasa ng buhay na walang hanggan sa piling Niya. Para magawa ito, kailangan silang mahikayat ng pagtuturo ng ebanghelyo na tumahak sa landas ng pagkadisipulo at mga sagradong tipan araw-araw. Ang layon ay bigyang-inspirasyon ang mga indibiduwal na pag-isipan, damhin, at saka gumawa ng paraan para maipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang layunin ay magkaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at magbalik-loob sa Kanyang ebanghelyo.
Ang pagtuturong nagpapala at nagpapabagong-loob at nagliligtas ay pagtuturong sumusunod sa halimbawa ng Tagapagligtas. Ang mga gurong sumusunod sa halimbawa ng Tagapagligtas ay nagmamahal at naglilingkod sa mga tinuturuan nila. Binibigyang-inspirasyon nila ang kanilang mga tagapakinig sa walang-hanggang mga aral ng banal na katotohanan. Ang pamumuhay nila ay nararapat tularan.
Pagmamahal at Paglilingkod
Ang buong ministeryo ng Tagapagligtas ay nagpakita ng halimbawa ng pag-ibig sa kapwa. Tunay ngang madalas Niyang ituro ang Kanyang pagmamahal at paglilingkod. Gayundin, ang mga gurong hindi ko talaga malimutan ay ang mga guro na kilala, minahal, at pinagmalasakitan ang kanilang mga estudyante. Hinanap nila ang nawawalang tupa. Nagturo sila ng mga aral sa buhay na lagi kong maaalala.
Gayon ang gurong si Lucy Gertsch. Kilala niya ang bawat isa sa kanyang mga estudyante. Walang-tigil siyang nanawagan sa mga hindi nagsimba sa isang araw ng Linggo o hindi talaga dumating. Alam namin na may malasakit siya sa amin. Walang isa man sa amin ang nakalimot sa kanya o sa mga itinuro niya.
Maraming taon ang lumipas, nang malapit nang pumanaw si Lucy, kinausap ko siya. Ginunita namin ang mga araw na lumipas na iyon noong siya ang aming guro. Pinag-usapan namin ang bawat miyembro ng klase namin at kung ano na ang ginagawa ng bawat isa. Ang kanyang pagmamahal at pagmamalasakit ay panghabambuhay.
Gustung-gusto ko ang utos ng Panginoon na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan:
“Binibigyan ko kayo ng kautusan na turuan ninyo ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian.
“Masigasig kayong magturo at ang aking biyaya ay dadalo sa inyo.”6
Masigasig na nagturo si Lucy Gertsch dahil walang-pagod siyang nagmahal.
Mag-alok ng Pag-asa at Katotohanan
Ipinayo ni Apostol Pedro, “Lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo.”7
Marahil ang pinakamalaking pag-asang maiaalok ng isang guro ay ang pag-asang matatagpuan sa mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
“At ano ito na inyong aasahan?” tanong ni Mormon. “Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya.”8
Mga Guro, itaas ang inyong tinig at magpatotoo sa tunay na katangian ng Panguluhang Diyos. Ihayag ang inyong patotoo hinggil sa Aklat ni Mormon. Ibahagi ang maluluwalhati at magagandang katotohanang nasa plano ng kaligtasan. Gamitin ang mga materyal na inaprubahan ng Simbahan, lalo na ang mga banal na kasulatan, para ituro ang mga dalisay at simpleng katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Alalahanin ang utos ng Tagapagligtas na “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.”9
Tulungan ang mga anak ng Diyos na maunawaan kung ano ang tunay at mahalaga sa buhay na ito. Tulungan silang magkaroon ng lakas na piliin ang mga landas na magpapanatili sa kanilang ligtas tungo sa buhay na walang hanggan.
Ituro ang katotohanan, at tutulungan kayo ng Espiritu Santo sa inyong mga pagsisikap.
“Mag-aral Kayo sa Akin”
Dahil si Jesucristo ay lubos na masunurin at mapagpakumbaba sa Kanyang Ama, Siya ay “[lumaki] sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Diyos at sa mga tao.”10 May determinasyon ba tayong gawin din iyon? Tulad noong si Jesus ay tumanggap ng kaganapan nang “biyaya sa biyaya,”11 kailangang matiyaga at patuloy nating hanapin ang liwanag at kaalaman mula sa Diyos sa ating mga pagsisikap na matutuhan ang ebanghelyo.
Ang pakikinig ay mahalagang bahagi ng pagkatuto. Kapag naghahanda tayong maturuan, mapanalangin tayong naghahangad ng inspirasyon at pagpapatibay mula sa Espiritu Santo. Nagbubulay-bulay tayo, nagdarasal tayo, ipinamumuhay natin ang mga aral ng ebanghelyo, at hinahangad natin ang kalooban ng Ama para sa atin.12
Si Jesus ay “[nagturo ng] … maraming bagay sa mga talinghaga,”13 na nangangailangan ng taingang nakaririnig, mga matang nakakakita, at mga pusong nakauunawa. Kung mamumuhay tayo nang marapat, mas maririnig natin ang mga bulong ng Espiritu Santo, na maaaring “[magturo sa atin] ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat [sa atin].”14
Kapag tumutugon tayo sa magiliw na paanyaya ng Panginoon, na “Mag-aral kayo sa akin,” nagiging kabahagi tayo ng Kanyang banal na kapangyarihan. Samakatwid, sumulong tayo sa diwa ng pagsunod, na sumusunod sa ating Huwaran sa pamamagitan ng pagtuturo at pagkatuto ayon sa paraang nais Niya.