2016
Si Clarence Laban sa Kampeon
July 2016


Si Clarence Laban sa Kampeon

clarence-vs-the-champion

Tumanaw si Clarence sa labas ng bintana ng kotse habang papalapit sila sa daungan. Maraming bangkang nakalutang sa tubig sa tapat ng makukulay na bahay at tindahan. Ang Copenhagen, Denmark, ay isang magandang lungsod na may maraming palasyo, mansiyon, at parke. Ibang-iba iyon sa bayang-sinilangan ni Clarence sa Utah, USA. Naalala ni Clarence ang maaalikabok at malulubak na kalsada kung saan siya nakipagkarerahan sa pagtakbo noong bata pa siya. Ngayon ay miyembro na siya ng track team ng Estados Unidos, at bukas ay lalabanan niya sa karerahan sa pagtakbo ang isang sikat na Danish runner.

Tumigil ang kotse sa isang maliit na kapilya kung saan nagsimula na ang isang pulong ng Simbahan.

Habang dahan-dahang pumasok sa likod si Clarence, isa sa mga missionary na nakaupo sa harapan ang nakakilala sa kanya dahil sa isang artikulo tungkol sa paligsahan kinabukasan. Hiniling ng branch president kay Clarence na umakyat sa harapan at magsalita.

Matapos sabihin ni Clarence kung bakit siya naroon, tumayo ang isang batang lalaki at nagtaas ng kamay. “Palagay mo ba matatalo mo ang kampeong Danish?” tanong nito.

Hindi sigurado si Clarence kung ano ang sasabihin. Ang Danish runner ay talagang mas mabilis tumakbo sa isang milyang karerahan noong taong iyon.

“Siyempre kaya niya,” sabi ng isa sa mga missionary bago pa nakasagot si Clarence. “Dahil sinusunod niya ang Word of Wisdom.” Binuksan niya ang kanyang banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan 89. Binasa niya ang pangako na yaong mga sumusunod sa Word of Wisdom ay “tatakbo at hindi mapapagod, at [lala]kad at hindi manghihina” (talata 20).

Ano pa ang masasabi ni Clarence? Alam niya na totoo ang Word of Wisdom. Bata pa siya ay nangako na siya na susundin niya ito. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay mananalo na siya sa karerahang ito. Kailangan din ng ensayo at galing para manalo. Nang lisanin ni Clarence ang miting, naisip niya, “Wala namang manonood na mga miyembro ng simbahan sa karerahan bukas.”

Nang sumunod na gabi habang naghahanda si Clarence para sa karerahan, tumingala siya at nakita niya ang dalawang missionary na may kasamang isang grupo ng mga 17 kabataang lalaki. Nagpunta sila!

Habang papalapit sila, ibinulong ng isa sa mga missionary kay Clarence na, “Galingan mo ang pagtakbo ngayong gabi.” Marami sa mga kabataang lalaki ang hindi miyembro ng Simbahan pero nagpunta na kasama ang kanilang mga kaibigan para tingnan kung talagang totoo ang Word of Wisdom.

Nag-alala si Clarence. Sa karerahang ito, baka hindi sapat ang kanyang galing. Pero tatakbo siya para patunayan ang isang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kailangan niyang manalo. Hindi pa siya nakapagdasal kahit kailan para manalo, pero nakakita siya ng bakanteng silid para magdasal.

Ang dasal niya, “Ama sa Langit, alam ko pong totoo ang Word of Wisdom, at hindi ko pa ito sinuway kailan man. Tulutan po Ninyo akong manalo sa karerahang ito.” Habang naglalakad siya papunta sa starting line, alam niya na dininig ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin. Nagtiwala siya sa kalooban ng Ama sa Langit.

Maulan at maputik noong gabing iyon. Nang magsimulang tumakbo si Clarence, parang katulad lang iyon ng maraming iba pang isang-milyang karerahang natakbo niya. Mabilis ang takbo ng lahat, at nangunguna ang kampeong Danish. Pero nang matapos ni Clarence ang ikatlong lap, biglang nawala ang pagod niya. Nagsimula siyang tumakbo nang mas mabilis, at hindi siya nahirapan. Binilisan pa niya ang pagtakbo at hindi pa rin siya nahirapan. Naunahan niya ang kampeong Danish at mas binilisan pa niya ang pagtakbo.

Nang papaliko na si Clarence, sumigaw ang coach niya, “Dahan-dahan lang! Mauubusan ka ng lakas!” Pero alam ni Clarence na kaya pa niyang tumakbo. At nang makarating siya sa finish line, naunahan niya nang mahigit 50 yarda (46 m) ang Danish runner! Alam niya na nanalo siya dahil sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin at dahil totoo ang Word of Wisdom.