2016
Tapat sa Kanilang Pananampalataya
July 2016


Mga Kabataan

Tapat sa Kanilang Pananampalataya

young-woman-writing-in-a-journal

Ikinuwento ni Pangulong Monson ang tungkol sa isang pamilyang pioneer at pagkatapos ay binanggit ang sinabi ni Pangulong George Albert Smith: “Magiging tapat ba kayo sa pananampalataya ng inyong mga ninuno? … Sikaping maging karapat-dapat sa lahat ng sakripisyong ginawa [nila] para sa inyo.” Ikaw man ay may mga ninunong pioneer o ikaw ang unang miyembro ng Simbahan sa inyong pamilya, ikaw ba ay may mga hinahangaang tao na halimbawa ng matibay na pananampalataya na gagabay at magpapalakas sa iyo? Narito ang magandang paraan para magsimula:

1. Gumawa ng listahan ng mga taong hinahangaan mo. Maaaring mga miyembro sila ng sarili mong pamilya (patay o buhay), mga kaibigan, mga lider ng Simbahan, o mga tao sa mga banal na kasulatan.

2. Isulat ang mga katangiang nagustuhan mo sa kanila. Ang nanay mo ba ay talagang matiyaga? Siguro mabait ang kaibigan mo sa ibang tao. Marahil ay gusto mo ang katapangan ni Kapitan Moroni.

3. Pumili ng isang mabuting katangian sa iyong listahan at itanong sa sarili, “Paano ako magkakaroon ng ganitong katangian? Ano ang kailangan kong gawin para mas mapagbuti ko ito sa aking buhay?”

4. Isulat ang iyong mga plano para mas mapagbuti pa ang katangiang ito at ilagay ito sa isang lugar na makikita mo nang madalas, upang maalala mo ang iyong mithiin. Manalangin na tulungan ka ng Ama sa Langit at regular na suriin ang iyong pag-unlad. Kapag nadama mo na napagbuti mo na ang katangiang ito, pumili ng isang bagong katangian na mas pagbubutihin pa.

Tandaan na habang nagkakaroon tayo ng magagandang katangian sa ating sarili, hindi lamang natin pinahahalagahan ang pananampalataya at mga sakripisyo ng ating mga ninuno, kundi maaari rin tayong maging mabuting impluwensya sa mga nakapaligid sa atin.