2016
Tulad ng Balo ng Sarepta: Ang Himala ng mga Handog-Ayuno
July 2016


Tulad ng Balo ng Sarepta: Ang Himala ng mga Handog-Ayuno

Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Habang pinag-iisipan namin ang pagbibigay ng mas malaking handog-ayuno, naalala namin na ang tao ay hindi makapagbibigay ng kapirasong tinapay sa Panginoon nang hindi nakatatanggap ng isang buong tinapay bilang kapalit.

the-widow-of-zarephath

Paglalarawan ni Rose Datoc Dall

Maraming pamilya sa buong mundo ang hirap sa pera, lalo na sa panahon ng krisis sa ekonomiya.1 Ang epekto ng gayong krisis ay nadama sa aming ward ilang taon na ang nakalipas, nang makita namin ang ilang pamilyang nangangailangan ng tulong. Sa simula ng taong iyon, ibinahagi sa amin ng aming bishop ang paanyaya mula sa aming stake president na magbigay ng malaking handog-ayuno para tulungan ang mga nangangailangan.

Bagama’t sinabihan kami ng mga lider namin na tingnan ang aming situwasyon at pag-isipan kung makapagbibigay kami ng mas malaking handog-ayuno, hindi nila tinukoy kung magkano ang dapat naming ibigay. Gayunman, ipinaalala sa amin ng Espiritu ang payong ibinigay ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, maraming taon na ang nakararaan. Sabi niya: “Matibay ang paniniwala ko na hindi kayo maghihirap sa pinansiyal kung magbibigay kayo sa Simbahan at para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. … Ang tao ay hindi makapagbibigay ng kapirasong tinapay sa Panginoon nang hindi nakatatanggap ng isang buong tinapay bilang kapalit. Ganyan ang naging karanasan ko. Kung dodoblehin ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang kontribusyon sa handog-ayuno, dodoble rin ang espirituwalidad sa Simbahan. Kailangan nating isaisip iyan at maging bukas-palad sa pagbibigay ng ating mga kontribusyon.”2

Alam namin na magiging mahirap para sa aming pamilya na lakihan ang aming mga handog-ayuno, ngunit pinag-isipan naming mabuti ang turo at pangako ni Pangulong Romney. Bilang pamilya, pinagpala kami nang sagana at nakadama kami ng matinding hangarin na dagdagan ang aming mga handog-ayuno.

Bukod pa rito, gusto namin na mapaglabanan ng aming pamilya ang tendensiya na maging sakim. Dahil nabubuhay tayo sa isang lipunan na masyadong nakatuon sa pagkakamit ng mga bagay at pagtupad sa sarili nating mga hangarin, nag-alala kami na baka magsilaking makasarili ang aming mga anak. Ngunit nagkaroon kami ng pag-asa sa mga salita ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Sa pagsunod sa batas ng ayuno, matatagpuan ng tao ang isang bukal ng kapangyarihan upang mapaglabanan ang pagsunod sa layaw at kasakiman.”3

Sa loob ng unang tatlong buwan ng pagbibigay ng mas malaking handog-ayuno, nagsimula kaming makakita ng maraming biyaya. Nabawasan ang gastos namin sa pamimili, at tila mas matagal maubos ang tangke ng gas namin. Kaunting bagay na lang ang hinihiling ng mga anak namin, at halos maglaho ang kasakiman sa aming tahanan.

Halimbawa, nang magbigay kami ng donasyon para sa food drive sa aming lugar, hinikayat kami ng mga anak namin na dagdagan pa ang ibibigay namin. Nang gawin namin ang taunang imbentaryo sa aming suplay ng pagkain, nalaman namin na mayroon pala kaming sapat na pagkain para sa dalawang taon. Bukod pa riyan, isang buwan lang noon ay ubos na namin ang 50-librang (22.7 kg) sako ng bigas. Ngayon ang isang sakong bigas na iyon ay umaabot ng dalawang buwan. Para bang dumarami ang imbak naming pagkain.

the-widow-of-zarephath

Naalala namin ang kuwento tungkol sa balo ng Sarepta. Noong panahon ng taggutom, nakiusap si propetang Elijah sa isang balo, na walang maipapakain sa kanya, na bigyan siya ng tubig at tinapay. Sinabi ng balo, “Ang Panginoon mong Dios ay buhay, ako’y wala kahit munting tinapay, kundi isang dakot na harina sa gusi, at kaunting langis sa banga: at, narito, ako’y namumulot ng dalawang patpat, upang ako’y pumasok, at ihanda sa akin at sa aking anak, upang aming makain, bago kami mamatay” (I Mga Hari 17:12).

Pinangakuan siya ng propeta na “ang gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan. …

“At siya’y yumaon, at ginawa ang ayon sa sabi ni [Elijah]: at kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na maraming araw” (I Mga Hari 17:14–15). Ang kanyang gusi, na ang laman ay sapat para sa huling hapunan ng kanyang pamilya, ay pinadami upang makakain ang kanyang pamilya at ang iba pa sa loob ng maraming araw. Ang gayon ding himala—batay sa sarili naming handog—ay nangyayari sa aming pamilya.

Sa panahon ng mga problemang pinansiyal, ang pagbibigay ng malaking handog-ayuno at pagtulong sa pangangalaga sa nangangailangan ay maaaring maging mahirap, lalo na kapag tayo—katulad ng balo ng Sarepta—ay isa sa mga nangangailangan. Ang pagbibigay ng malaking handog-ayuno, gaano man ang halaga, ay nangangailangan ng pananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang pangako na tayo ay pangangalagaan. At tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako, at natutuhan namin sa karanasan ng aming pamilya na kapag handa tayong magbahagi at tumulong, mas lalo tayong pinagpapala.

Tulad ng sinabi ni Pangulong Romney: “Huwag kang magbigay para lang sa kapakanan ng mga maralita, kundi para sa iyong sariling kapakanan. Magbigay nang sapat at bukas-palad upang makapasok kayo sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng paglalaan ng inyong salapi at inyong panahon.”4 Ang pagbibigay ng mas malaking handog-ayuno ay nakatulong sa aming pamilya na makadama ng kagalakan sa pangangalaga sa maralita at lakas sa sarili naming espirituwal na kapakanan.

jesus-blessing-loaves-and-fishes

Mga Tinapay at mga Isda, ni Rose Datoc Dall

Ang kahandaan naming magbigay ng handog-ayuno ay nagdulot ng maraming pagpapala sa amin. Dumami ang imbak naming pagkain dahil handa kaming magbigay ng mas malaking handog-ayuno. Sa katunayan ang kapangyarihan ng Panginoon na nagparami ng limang tinapay at dalawang isda upang pakainin ang 5,000 kalalakihan, bukod pa sa kababaihan at mga bata, at nagkaroon pa ng labis na pumuno sa 12 basket (tingnan sa Mateo 14:16–21), ang siya ring kapangyarihan na nagpuno sa gusi ng balo ng Sarepta at nagparami sa imbak na pagkain ng aming pamilya. Gayunpaman, ang pinakamalaking pagpapala ay hindi sa dumaming pagkain kundi sa nabawasang kasakiman at pag-unlad ng espirituwalidad sa aming tahanan.

Nagpapatotoo kami na kapag bukas-palad tayong nag-aambag sa pondo ng handog-ayuno ng Simbahan, kahit sapat lang ang pera natin, daragdagan ng Panginoon ang ating mga pagsisikap at pagpalain tayo nang higit pa sa inaasahan natin.

Mga Tala

  1. Tingnan, halimbawa, sa Henry B. Eyring, “Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?” Liahona, Mayo 2015, 22–25.

  2. Marion G. Romney, Welfare Agricultural Meeting, Abr. 3, 1971, 1.

  3. Spencer W. Kimball, “Becoming the Pure in Heart,” Ensign, Mayo 1978, 80.

  4. Marion G. Romney, “The Blessings of the Fast,” Ensign, Hulyo 1982, 4.