2016
Ang Paglalakbay Ko Bilang Pioneer na Taga-India
July 2016


Ang Paglalakbay Ko Bilang Pioneer na Taga-India

Ang awtor ay mula sa Telangana, India.

Ginunita ko ang aking buhay mula sa pagiging “batang-gubat” sa kanayunan ng India hanggang sa kinalalagyan ko ngayon, at alam ko na ang buhay at pananampalataya ko ay tunay na mga himala.

india-and-mangal-dan-dipty

Paglalarawan ng batang lalaki ni Wendy Gibbs Keeler; larawan ng Taj Mahal, paisley background, selyo © iStock/Thinkstock, Hemera/Thinkstock

Isinilang ako sa isang kagubatan sa maliit na nayon na naliligiran ng kabundukan ng Eastern Ghats sa India. Noong 18 buwang gulang ako, lumipat kami sa nayon ng Dangrapalli sa baybayin ng River Kolab. Nakalagay ako sa basket na bitbit ng mga magulang ko habang naglalakad sila. Ang nayon ay binubuo ng mga 20–25 pamilya, na nakatira sa maliliit na kubo na walang kuryente. Wala kaming paaralan, ospital, o istasyon ng bus. Naghukay kami sa riverbed o sa dinadaluyan ng ilog para sa aming inuming tubig. Ginugol ko ang aking pagkabata sa paglalaro sa kagubatan at mga bukid, paglalakad gamit ang takyaran [stilts] sa mga latian, at paglangoy sa ilog.

Ang mga ninuno ko ay mga Hindu temple priest sa ilalim ng Maharaja (Hari) ng Bastar ng Jagdalpur. Ngunit nang maging mapanganib ang sitwasyon ng pulitika, ang lolo ko at kanyang pamilya ay tumakas papunta sa Kotpad. Pinahintulutan silang tumira sa German Lutheran mission, kung saan siya nagtrabaho bilang tagapangalaga doon at nakapagtrabaho sa Ayurveda (herbal na panggagamot). Dito nagpasiya ang lolo ko na magpa-convert sa Kristiyanismo.

Ipinagpatuloy ng aking ama ang kanyang pagiging Kristiyano nang magpasiya siyang maging isang ebanghelista at guru (guro). Noong isilang ako, pinangalanan akong Mangal Dan Dipty (ibig sabihin “maganda,” “kaloob” at “liwanag”), na minana ang tradisyon ng pananampalatayang Kristiyano.

Noong bata pa ako regular akong nagsisimba sa German Lutheran. Madalas kaming pumupunta sa bundok para magdasal. Isang maulan na araw, lahat ng tao sa grupo ay nabasa sa ulan, at isa sa mga mangangaral ay taimtim na nagdasal at nagsumamo sa Panginoon na patigilin ang ulan. Namangha kami nang tumigil ang ulan. Iyon ang simula ng aking pananampalataya sa Diyos at paniniwala sa panalangin.

Ang Mormonismo ba ay Kristiyano?

Matapos ang ikawalong grado, tumigil ako sa pag-aaral para dumalo sa isang tatlong-taong theological seminary sa Kotpad at inordenan bilang ebanghelista, tulad ng aking ama. Pagkaraan ng ilang taon ng pangangasiwa sa mga pagpupulong sa Kotpad at sa mga lugar sa palibot nito, lumipat ako sa hilagang India, kung saan nagsimula akong magbenta ng mga aklat mula sa Evangelical Christian literature society. Nakakita ako ng isang aklat na may pamagat na Ang Mormonismo ba ay Kristiyano? Isang bagay tungkol sa aklat ang nakatawag ng aking pansin, at nagpasiya akong basahin ito.

Ang aklat ay maraming pintas sa mga Mormon at sa kanilang mga paniniwala. Gayon pa man, maraming bahagi ng aklat ang nakatawag ng pansin sa akin, lalo na ang kanilang konsepto sa Panguluhang Diyos, paraan ng kanilang pagsamba, at ang salaysay tungkol sa poligamya. Gayunman, naging interesado ako lalo na sa simbahan nila na ipinangalan kay Jesucristo. Gusto kong malaman pa ang iba.

Isang araw habang nagdarasal, nagkaroon ako ng inspirasyong alamin pa ang Simbahang Mormon. Nalaman ko na ang Salt Lake City, Utah, ang headquarters ng Simbahan. Nagpasiya akong sumulat at ipadala ito sa “Kalalakihang namamahala sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Salt Lake City, Utah, USA.”

Natuto mula sa Isang Apostol

Noong 1959, bilang sagot sa liham ko, si Brother Lamar Williams mula sa Missionary Department ng Simbahan ay nagpadala ng kopya ng patotoo ni Joseph Smith, Saligan ng Pananampalataya, at ng Aklat ni Mormon. Pinag-aralan kong lahat ito at nakumbinsi sa katotohanan nito. Gayunman, walang mga missionary o miyembro na magtuturo sa akin sa India.

president-kimball-delhi-india-1961

Kaya noong Enero 1961, bumisita sa Delhi si Elder Spencer W. Kimball (1895–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Gumugol ako ng tatlong araw sa pagbibiyahe kasama niya papunta sa Taj Mahal sa Agra at sa Dharamsala. Para akong espongha sa pagtanggap ng lahat ng aral na itinuro niya sa akin. Sa huling araw ng kanyang pagbisita, handa na akong mabinyagan. Noong Enero 7, 1961, bininyagan ako ni Elder Kimball sa Yamuna River; at si Sister Kimball ang opisyal na saksi, bagamat maraming mausisang nanonood noon. Kinumpirma ako nang gabing iyon.

Ang tatlong araw na iyon kung saan tinuruan ako ng Apostol ng Panginoon nang walang sagabal ay ilan sa pinakamagagandang araw ng buhay ko. Malungkot ang paghihiwalay namin dahil naging espesyal ko na siyang Mormon na kaibigan.

Pananabik na Makasama ang mga Banal

Nang umalis si Elder Kimball, ibinahagi ko sa mga kaibigan ko ang karanasan ko sa pagbabalik-loob, at kinutya nila ako. Pero alam kong totoo ang ebanghelyo at hindi ko ito maipagkakaila, kaya nagpasiya akong maghanap ng ibang trabaho. Nagsimula akong magnegosyo ng damit tulad ng aking ama. Kaya lang unti-unti kong naisip na hindi ako uunlad kung hindi ko daragdagan ang kaalaman ko. Nasa mid-20s na ako at ang ideya na pagpasok muli sa paaralan ay nakakatakot, gayon pa man ang sumunod na siyam na taon ay ginugol ko sa pag-aaral. Nagnegosyo ako sa araw at nag-aral sa gabi. Ginugol ko ang lahat ng kita ko sa pag-aaral. Determinado ako at nagdasal sa Diyos na tulungan ako. Nag-aral ako ng bachelor’s degree sa psychology, sociology, at arts mula sa Agra University. Sa huli, pumasok ako sa Meerut University para mag-aral ng abogasiya.

Sa unang bahagi ng siyam na taon na iyon, may isang pamilyang Banal sa mga Huling Araw sa Delhi, ang Shortlefts, na nagtatrabaho sa Embahada ng Amerika. Pumupunta ako sa Delhi para sa sacrament meeting sa kanilang tahanan. Noong 1962, bumisita si Elder Richard L. Evans (1906–71) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at noong 1964, dumating si Elder Gordon B. Hinckley (1910–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Naaalala ko na sinuotan ko ng garland si Elder Hinckley at inabot ang isang banga ng ikapung inipon ko sa loob ng maraming taon.

Ang nakakalungkot, ang mga sandaling ito ng pagkakapatiran—bagama’t nakatutulong—ay bihirang mangyari, at habang nasa India hindi ko palaging nakakasama ang iba pang mga Banal. Nabagabag nito ang puso ko. At sa tila mabagal na pag-usad ng panahon, naaapektuhan na ako ng lungkot na nararamdaman ko, at nakita ko na wala akong kinabukasan sa India. Nasasabik akong makatanggap ng priesthood at mamuhay kasama ang mga Banal.

Pagiging Pioneer

Nang madama kong kailangan ko nang manirahan malapit sa mga Banal, itinigil ko na ang kurso ko sa abogasiya at dumayo sa Canada. Nang makarating ako sa Edmonton, Alberta, nagpunta ako sa pinakamalapit na ward. Nakilala ko si Bishop Harry Smith at kaagad kong nadama na kabilang ako at kasama sa ward na iyon. Pinuntahan ko ang Cardston Alberta Temple, kahit hindi pa ako maaaring makatanggap ng endowment.

Gusto kong bisitahin ang Salt Lake City at sorpresahin ang aking mabubuting kaibigan na sina Elder Kimball at Brother Lamar Williams. Sa wakas, noong tagsibol ng 1969, walong taon matapos akong binyagan, bumisita ako sa Salt Lake City at nakipagkita kay Elder Kimball. Natuwa siya at iniukol niya ang buong maghapon sa akin.

Habang nasa Salt Lake City, nagpunta ako sa isang salon para magpagupit. Ibinahagi ko ang aking patotoo sa barbero, na isa ring miyembro. Narinig ako ng isang ginoo, na naghihintay magupitan, at ikinuwento sa akin ang tungkol sa pagpunta niya sa India. Binayaran niya ang gupit ko, inimbitahan ako sa hapunan, at inihatid ako sa Brigham Young University. Humanga ako sa kampus. Binanggit ko na gusto kong ipagpatuloy dito ang aking pag-aaral ngunit hindi ko kaya. Nag-alok ang lalaking iyon na bayaran ang $1,000 na matrikula ko. Nagulat ako at nagpasalamat nang lubos.

mangal-dan-dipty-and-paul-trithuvadass

Itaas: Si Brother Dipty noong estudyante pa siya sa India. Ibaba: Si Brother Dipty (kaliwa) kasama si Paul Trithuvadass, isa pang pioneer na miyembro ng Simbahan mula sa India, sa Temple Square sa Salt Lake City. Kaliwa: Si Pangulong Spencer W. Kimball ay nagkaroon ng mahalagang bahagi sa paglalakbay ni Brother Dipty sa buhay.

Sumali ako sa social work program ng BYU. Noong 1972, nang makatapos ako sa BYU, lumipat ako sa Salt Lake City para kumuha ng master’s degree sa University of Utah. Kalaunan ay lumipat ako sa California, USA, kung saan nagtapos ako ng PhD sa clinical psychology, at nagturo ng mga kurso kung paano mapipigilan ang karahasan sa tahanan, at nagsulat ng isang libro. Retirado na ako ngayon at nakatira kami ng asawa kong si Wendy, sa Nevada, USA.

May panahon sa buhay ko na naranasan ko ang matinding kaguluhan, hamon, at pagsubok. Ang pagtuon ko sa ebanghelyo at sa mga pagpapala ng templo ay nakatulong sa akin na makayanan ang marami sa mga hamon ng buhay.

Ang Kanyang mga Plano ay Kamangha-mangha

Madalas kong gunitain ang buhay ko mula sa pagiging “batang-gubat” sa kanayunan ng India hanggang sa kinalalagyan ko ngayon at alam ko na ang buhay at pananampalataya ko ay tunay na mga himala. Ang mga ginawa ng Panginoon sa buhay ko ay mas maganda kaysa inasahan ko. Napakalaki ng pasasalamat ko na naturuan ako ng hinirang ng Panginoon na si propetang Spencer W. Kimball at ginabayan sa mahahalagang yugto sa buhay ko.

Madalas kong inaalala ang mga sandaling kasama ko si Pangulong Kimball. Iniimbita niya ako sa mga camping trip, mga piknik, at Thanksgiving at Christmas dinner ng kanyang pamilya. Noon pa man ay alam ko na talagang siya ay isang Apostol at propeta ng Panginoong Jesucristo.

Ang huling pagkikita namin ni Pangulong Kimball ay noong malubha ang kanyang karamdaman. Ngunit nginitian pa rin niya ako at niyakap. Siya ang unang LDS na nakilala at nakausap ko, at alam kong hindi niya ako kalilimutan.

Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa ating mga propeta at sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang Simbahan natin ay ang banal na huwarang kailangan ng mundo ngayon. Dahil sa Simbahan nakapag-aral ako at umunlad bilang isang tao. Nagpapasalamat ako sa araw na iyon nang malaman ko na totoo ang panalangin at na handa akong makinig sa marahan at banayad na tinig at alamin ang tungkol sa Simbahan. Nagpapasalamat ako na tinulutan ko ang Panginoon na hubugin ang aking buhay. Alam ko na kung hahanapin natin ang Kanyang kaharian, lahat ng iba pa ay idaragdag sa atin (tingnan sa Mateo 6:33).