2016
Maging Sino Ka Man
July 2016


Maging Sino Ka Man

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

“Naku,” naisip ni Andi. “Ano ang mangyayari ngayong hindi pa ako naibuklod sa pamilya ko?”

“Ako ay anak ng Diyos, dito’y isinilang” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2).

no-matter-who-you-are

“Maganda na,” naisip ni Andi nang sumulyap siya sa salamin. Suot niya ang paborito niyang pulang damit. Gusto niyang palagi siyang maganda tuwing Linggo. Nagmadali siyang bumaba para mag-almusal.

Patapos pa lang mag-almusal si Andi nang bumusina ang kotse ng pamilya Reeder mula sa driveway. “Babay po, Inay! Babay po, Itay!” sabi ni Andi, at hinalikan sila habang tumatakbo palabas ng pintuan.

Kahit hindi miyembro ng Simbahan ang kanyang Inay at Itay, hinikayat nila si Andi na magsimba linggu-linggo. Halos kada Linggo siyang isinasabay ng pamilya Reeder mula nang mabinyagan siya at makumpirma. Gusto ni Andi kung paano nila ipinadarama na tanggap at mahal siya nila.

Pagkatapos ng sacrament meeting oras na para sa Primary. Gustung-gusto ni Andi sa Valiant class nina Brother at Sister Long. Mababait sila, at ang ganda palagi ng mga lesson nila.

“Ngayon ay pag-uusapan natin ang mga templo,” sabi ni Sister Long. “Ano ang ilang bagay na alam natin tungkol sa mga templo?”

May isang alam na sagot si Andi: “Makakagawa po tayo ng mga pagbibinyag sa templo.” Sabik siya tungkol dito dahil taun-taon ay pumupunta sa templo ang mga kabataang babae sa kanyang ward para magsagawa ng mga pabibinyag. Di-magtatagal at makakasama na rin si Andi!

“Magaling, Andi. Ano pa ang alam natin?”

“Maaari kang ikasal sa templo,” sabi ng kaibigan ni Andi na si Allison.

“Magaling,” sabi ni Sister Long. May iba pa ba?”

“Maaaring magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman kapag ibinuklod sila sa templo,” dagdag pa ni Allison.

“Pero hindi ang pamilya ko,” naisip ni Andi. “Hindi pa nabuklod sa templo sina Inay at Itay!” Biglang nag-init ang kanyang mukha, at nagsimula siyang lumuha.

“OK ka lang ba, Andi?” tanong ni Sister Long.

“Opo,” sagot ni Andi, na pinipigilan ang luha. Pero dama niya ang pagkabog ng kanyang dibdib hanggang sa matapos ang klase.

Pagkatapos ng klase, tinabihan ni Sister Long si Andi at inakbayan. “Ano’ng problema?” tanong nito.

“Hindi ko po makakasama ang nanay at tatay ko magpakailanman,” sabi ni Andi. “Hindi po kasi sila ikinasal sa templo. Sino po ang makakasama ko pagkamatay ko? Mahal pa po ba ako ng Ama sa Langit kahit hindi miyembro ang mga magulang ko?”

Tumitig si Sister Long sa mga mata ni Andi. “Maging sino ka man at nabuklod man sa templo ang iyong pamilya o hindi, bahagi ka pa rin ng pamilya ng Ama sa Langit. Maaari kang manatiling malapit sa Kanya at maging halimbawa sa iba. Lagi ka Niyang mamahalin, gagabayan, at poprotektahan, anuman ang mangyari. Nais ka Niyang pagpalain at ang iyong pamilya. Ikaw ay anak ng Diyos, Andi.”

Natuwa si Andi pagkatapos niyon, at tumigil ang pagkabog ng kanyang dibdib. Gumanda na ngayon ang kanyang pakiramdam. Alam niya na totoo ang sinabi ng kanyang guro.