2016
Pagkatutong Maging Isang Liwanag sa Mundo
July 2016


Paano Ko Nalaman

Pagkatutong Maging Isang Liwanag sa Mundo

Ang awtor ay naninirahan sa Dominican Republic.

missionary and candle

Isinilang ako sa Dominican Republic at lumaki sa Simbahan. Lumaki ako na naliligiran ng magagaling na lider na nagsikap na tulungan akong sumunod sa tamang landas. Pinangarap kong magmisyon at tumulong sa mga tao.

Dahil nagpunta ang tatay ko sa Estados Unidos para makahanap ng mas magandang buhay para sa amin, mag-isa si Inay sa pagpapalaki sa mga kapatid kong babae at sa akin. Kung minsan pakiramdam ko ay nag-iisa ako, pero hindi naman talaga dahil nakakausap ko ang mga lider ko sa Simbahan tungkol sa mga problema ko sa buhay.

Nang lumipat kami sa Estados unidos, nagsimula ang malalaking pagsubok sa akin. Nagsimba kami sa isang maliit na branch at nagkaroon ako ng magagaling na lider na gustong tumulong sa akin, pero sinikap akong ilayo ng mga kaibigan ko sa paaralan sa landas ng ebanghelyo. Sa kasamaang-palad, sinimulan kong sagut-sagutin nang paasik ang nanay ko at bihira kong pakinggan ang kanyang mga payo.

Nagsisimba ako tuwing Linggo, pero ayaw ko talagang magsimba, at hindi ko na alam kung gusto ko pang magmisyon.

Isang umaga binuklat ko ang Aklat ni Mormon, at bumukas ito mismo sa pahina ng paborito kong mga talata, 3 Nephi 12:14–16:

“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ibinibigay ko sa inyo na maging ilaw ng mga taong ito. Isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol na hindi maitatago.

“Masdan, ang mga tao ba ay magsisindi ng kandila upang ilagay sa ilalim ng takalan? Hindi, kundi sa isang kandelero, at ito ay nagbibigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay;“

Samakatwid hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.”

Nagalak ako nang husto nang mabasa ko ito dahil nakatulong ito sa akin na maalaala ang mga natutuhan ko sa seminary at kung gaano kagila-gilalas ang plano ng ating Ama. Kaya ipinasiya kong subukan na maging ilaw sa mundo.

Niyaya kong magsimba ang dalawang pinsan ko. Ang isa ay di-gaanong aktibo, at naging aktibo siyang muli. Ang isa naman ay hindi miyembro, at nabinyagan ko siya.

Pakaraan ng isang taon natanggap ko aking tawag na magmisyon sa California, USA. Nang maglingkod ako, natiyak ko na ito ang tunay na ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pagtulong ko sa mga tao, lalo pang lumakas ang aking patotoo, at tuwing babasahin ko ang aking mga banal na kasulatan, lagi kong binibigkas ang mga talata sa 3 Nephi na maging liwanag sa sanlibutan.