2016
Salamat at Ibinahagi Mo sa Akin ang Ebanghelyo
July 2016


Salamat at Ibinahagi Mo sa Akin ang Ebanghelyo

Scott Edgar, Utah, USA

man-talking-on-the-phone

Paglalarawan ni Stan Fellows

Sa mga unang taon ng 1980s, nanirahan ang aming pamilya sa West Germany, at mga miyembro kami ng Kaiserslautern Germany Servicemen Stake. Noong panahong iyon, binigyang-diin ng mga lokal na lider ang gawaing misyonero. Sinabi nila sa amin na sa grupo ng mga kaibigan namin, naglagay ang Panginoon ng ilan sa Kanyang mga piling espiritung anak na naghahanap ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Naniwala kami ng asawa kong si Jenny na totoo iyon. Hinikayat ng aming mga lider ang bawat isa sa amin na tukuyin ang mga kaibigang sa tingin namin ay magiging interesadong makinig sa ebanghelyo. Pinaglista kami ng 10 pangalan ng mga tao at pagkatapos ay pinag-ayuno kami at pinagdasal tungkol sa inilista naming mga kaibigan at pinagdesisyon kung sino ang una naming lalapitan. Nagpasiya kaming kausapin ang dalawang lalaking kasamahan ko sa opisina. Kinausap ko muna ang isang binatang nagngangalang Chris, ngunit hindi pa siya gaanong interesado noon. Pagkatapos, nagdesisyon kami na lalapitan ko si Bruce Hamby, isang mabuti at mabait na lalaki na bata pa ang mga anak.

Gayunman, lumipas ang ilang araw at kinabahan akong kausapin siya tungkol sa ebanghelyo. Sa huli, tinawagan ako ni Jenny sa opisina at tinanong, “Nakausap mo na ba si Bruce?” Sabi ko, “Hindi pa, pero maya-maya lang.” Itinanong niya kung naroon si Bruce sa opisina nang araw na iyon, at sinabi kong naroon siya. Sa puntong iyon sinabi niya, “Scott, ibaba mo ang telepono. Maghihintay ako habang kausap mo siya!”

Ibinaba ko ang telepono at kinakabahang nilapitan ko si Bruce at tinanong, “Bruce, alam mo ba na miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?” Oo raw; at sinabi ko, “Interesado ka bang malaman ang iba pa tungkol sa Simbahan?” Sumagot siya, “Oo, gusto ko.”

Sa sumunod na ilang linggo, nagpunta sa bahay namin si Bruce, ang asawa niyang si Ella, at ang anak nilang si Tanya para maghapunan at maturuan ng mga missionary. Tinuruan sila ng mga lesson, dumalo sila sa mga miting ng simbahan kasama namin, tinanggap nila ang ebanghelyo, at nabinyagan sila. Maganda at masaya ang araw na iyon. Nagpasalamat si Bruce na ibinahagi namin sa pamilya niya ang ebanghelyo. Maging si Chris, ang binata naming kaopisina, ay dumalo sa binyag at napahanga. Kalaunan, kinausap nina Bruce at Ella si Chris tungkol sa ebanghelyo. Dahil sa pakikipagkaibigan nila, naturuan ng mga missionary si Chris at sumapi rin sa Simbahan.