2016
Elder Dale G. Renlund: Isang Masunuring Tagapaglingkod
July 2016


Elder Dale G. Renlund: Isang Masunuring Tagapaglingkod

elder-renlund-meets-with-members-in-africa

Kaliwa: larawang kuha sa opisina ni Tom Smart, Deseret News; larawan ng babae na kuha ni Joy Basso

Napakaabala ng buhay nina Dale at Ruth Renlund. Malapit na silang mag-30 anyos noon, at nakatira sa Baltimore, Maryland, USA. Nakatapos na ng medisina si Dale sa University of Utah. Lumipat sila ni Ruth ng tirahan para masimulan niya ang mahirap at bantog na medical residency sa Johns Hopkins School of Medicine. Mayroon silang isang magandang anak na babae, si Ashley. Ang kanyang mahal na asawang si Ruth ay nagpapagamot sa kanser, at masunuring tinanggap ni Dale ang tawag na maglingkod bilang bishop.

dale-ruth-and-ashley-renlund

Mga larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Renlund, maliban kung iba ang nakasaad; larawan © Busath.com; background mula sa iStock/Thinkstock

Kapag bumibisita siya sa mga miyembro ng ward, isinasama ni Dale paminsan-minsan si Ashley. Isang araw binisita nila ang isang di-gaanong aktibong miyembro. “Alam ko na hindi maaatim ng sinuman na iwaksi ang kaibig-ibig na batang ito sa tabi ko,” paggunita ni Elder Renlund. Kumatok siya sa pinto ng isang lalaking galit na nagpaalis noon sa tagapayo ni Bishop Renlund.

Nang buksan ng lalaki ang pinto, napakalaki niya at halos matakpan niya ang pintuan. Pinandilatan nito si Bishop Renlund. Bulalas ng apat-na-taong-gulang na si Ashley, “Papapasukin ba ninyo kami o ano?”

Ang nakakagulat, sinabi ng lalaki, “Palagay ko. Pasok kayo.”

Nang nakaupo na sila sa loob, sinabi ng lalaki kay Bishop Renlund na hindi siya naniniwala na ang Simbahan ay totoo, ni hindi siya naniniwala kay Jesucristo. Panay ang pagsasalita nito nang pagalit habang naglalaro si Ashley. Sa huli ay tumayo ang bata mula sa kanyang upuan, habang nakatakip nang kaunti ang kanyang kamay sa kanyang bibig ay lumapit sa tainga ng kanyang ama at malakas na ibinulong, “Daddy, sabihin mo nga sa kanya ang totoo.”

Kaya iyon ang ginawa niya. Nagpatotoo si Bishop Renlund sa lalaking ito. Paggunita niya, “Lumambot ang kalooban ng lalaki, at nadama ang Espiritu sa kanyang tahanan.”

Ngayon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, may pagkakataon si Elder Renlund na sabihin sa buong mundo ang totoo (tingnan sa D at T 107:23). “Ang pinakamalaking kagalakan,” sabi ni Elder Renlund, “ay nagmumula sa pagtulong na maiparating ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa buhay ng mga tao sa lahat ng dako. Palagay ko ang calling na ito ay nagbibigay sa akin ng pagkakataong gawin iyan nang malawakan, sa mas maraming lugar, bilang saksi ni Cristo sa buong mundo.”

Paglaki sa Scandinavia

Si Dale Gunnar Renlund ay isinilang sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Nobyembre 3, 1952. Silang magkakapatid ay lumaki na nagsasalita ng Swedish. Ang kanilang inang si Mariana Andersson ay nagmula sa Sweden, at ang kanilang amang si Mats Åke Renlund ay nagmula sa isang bayan sa kanlurang Finland na Swedish ang salita. Lumipat sila sa Utah mula sa Sweden noong 1950.

Nagkakilala ang mga magulang ni Dale sa simbahan sa Stockholm. Matapos magpasiyang magpakasal, determinado silang gawin lamang iyon sa templo. Dahil walang mga templo sa Europa noon (ang Bern Switzerland Temple ay inilaan noong 1955), nagpunta sa Utah ang dalawa para mabuklod sila sa Salt Lake Temple.

Ipinahayag ng kapatid ni Elder Renlund na si Linda C. Maurer, na mas bata sa kanya nang pitong taon, na nang magsilaki na ang lahat ng apat na anak, “alam na nila kung gaano kapambihira at katapat ang kanilang mga magulang para mangibang-bayan kahit hindi sila marunong magsalita ng Ingles at walang gaanong suporta para makamtan ang mga pagpapala ng ebanghelyo at makasal sa templo.”

renlund-family

Noong 11 taong gulang si Dale, tinawag na maglingkod ang kanyang ama, na isang mahusay na karpintero at manggagawa, bilang building missionary sa Sweden sa loob nang tatlong taon. Nanatili ang pamilya sa Helsinki, Finland, at Gothenburg, Sweden. Dumalo sila sa isang maliit na branch ng Simbahan, at nag-aral ang mga bata sa mga pampublikong paaralang Swedish. Nagunita ng kapatid ni Dale na si Anita M. Renlund, na mas bata sa kanya nang isang taon, ang isa sa mga problema sa paglipat: “Nagulat kami talaga noong una dahil, kahit Swedish ang salita namin sa bahay, hindi namin alam ang gramatika o pagbaybay sa wikang iyon.”

Bata pa ay nagkaroon na ng karanasan si Dale na nagpalakas ng kanyang patotoo matapos niyang basahin ang Aklat ni Mormon. Hinikayat ng mission president sa Sweden ang mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood na basahin ang Aklat ni Mormon, kaya tinanggap ng kuya ni Dale na si Gary, na 12 anyos noon, ang hamon. Tinanggap din ng labing-isang-taong-gulang na si Dale ang hamon. Matapos basahin ang Aklat ni Mormon, nanalangin siya at itinanong niya kung totoo nga ito. Paggunita ni Elder Renlund, “Nagkaroon ako ng malinaw na impresyon: ‘Noon ko pa sinasabi sa iyo na totoo ito.’ At kamangha-mangha ang karanasang iyon.”

Naaalala ni Dale at ng kanyang mga kapatid—sina Gary, Anita, at Linda—na nang bumalik ang pamilya nila sa Estados Unidos, patuloy silang nagsalita at nanalangin sa Swedish. Naaalala rin nila ang pambihirang pagbibigay-diin ng kanilang mga magulang sa kaalaman sa mga banal na kasulatan. Sabi nila, “Ang pinakamainam na paraan para maipaliwanag sa aming mga magulang ang iniisip namin ay sa paggamit ng banal na kasulatan.” Pagbibiro ni Anita, “Ang pag-alam sa mga banal na kasulatan sa aming pamilya ay kinailangan naming makasanayan; hindi iyon opsyonal.”

Kamangha-mangha na kapwa tinawag sina Gary at Dale na maglingkod sa Swedish Mission nang sabay. Hindi sila naging magkompanyon, pero kapwa nila nagamit ang kasanayan nilang magsalita ng Swedish sa paglilingkod sa Panginoon bilang mga missionary sa loob ng dalawang taon. Inilarawan ni Elder Renlund ang kanyang misyon na maraming trabaho pero isang napakagandang karanasan: “Nagpabago ito ng buhay kung pag-uusapan ang katapatan at pagpapasiya na gawin ang lahat para maging disipulo ni Cristo.”

Ang Pinaka-nakamamanghang Pagpapala

Pag-uwi mula sa kanyang misyon noong 1974, nag-aral si Dale sa University of Utah. Magaling siyang estudyante at tumanggap siya ng bachelor’s degree sa chemistry. Naaalala ng lahat ng kanyang kapatid at malalapit na kaibigan ang kanyang kakayahan, pagtutuon ng pansin, kasipagan, at katapatan sa bawat gawain—mga katangiang patuloy niyang ipinapakita. Ibinulalas ni Gary, “Siya ang pinakamasipag na manggagawang nakita ko.”

Sa kanyang ward nakilala ni Dale ang dalagang si Ruth. Siya ay anak ng miyembro ng stake presidency na si Merlin R. Lybbert, na kalaunan ay naglingkod sa Pitumpu. Ang naaalala ni Dale ay nag-ipon siya ng lakas-ng-loob na yayaing makipagdeyt si Ruth, pero tumanggi ito. Nang subukan niyang muli makaraan ang ilang buwan, pumayag ito. Medyo iba ang bersyon ni Ruth. Naaalala niya na nang magsalita si Dale sa sacrament meeting tungkol sa kanyang misyon, humanga siya rito. Lalo pa silang nagkakilala, at natuwa siya nang yayain siya nitong magdeyt, pero may party sa bahay nila noon kaya tumanggi siya. Nasiyahan siyang pumayag nang magyaya itong muli.

relund-wedding-photo

Kaliwa: mga larawang kuha ni Kristen Murphy, Deseret News; larawan ng kasal © Newman Photography

Ikinasal sina Dale at Ruth noong 1977 sa Salt Lake Temple habang nag-aaral ng medisina si Dale sa University of Utah at nagtuturo naman si Ruth sa South High School, doon din sa Salt Lake City. “Maliban sa desisyon kong maging aktibo sa Simbahan,” ang malinaw na sabi ni Elder Renlund, “ang mapakasalan si Ruth ang pinaka-nakamamangha sa buhay ko.” Ang kanilang anak na si Ashley ay isinilang isang linggo matapos magtapos si Elder Renlund sa medisina noong 1980.

Pagkatapos ay nalugod si Elder Renlund nang matanggap siya sa Johns Hopkins Hospital, ang una niyang pinili para ipagpatuloy ang pag-aaral niya ng medisina. Lumipat ang pamilya sa Baltimore, Maryland, kung saan siya naging bahagi ng medical staff ng ospital.

Pag-unlad sa Kabila ng mga Pagsubok

Noong Oktubre 1981, si Sister Renlund ay nasuring may ovarian cancer. Sumailalim siya sa dalawang operasyon at siyam na buwang chemotheraphy. Hirap sa pag-aalaga kay Ruth at sa kanilang anak na babae, nagunita ni Elder Renlund, “Nasasaktan ako, at parang hindi nakakarating sa langit ang mga panalangin ko.”

Nang iuwi niya si Ruth mula sa ospital, nanghihina ito, pero gusto nilang sabay na manalangin. Tinanong niya si Sister Renlund kung gusto nitong manalangin. “Ang unang sinabi nito ay, ‘Ama namin sa Langit, salamat po sa kapangyarihan ng priesthood para anuman po ang mangyari, maaari kaming magkasama-sama magpakailanman.’”

Sa sandaling iyon, lalo siyang napalapit sa kanyang asawa at sa Diyos. “Ang dati kong naunawaan tungkol sa walang-hanggang pamilya sa aking isipan, naunawaan ko na ngayon sa aking kalooban,” sabi ni Elder Renlund. “Binago ng karamdaman ni Ruth ang takbo ng buhay namin.”

Para mawala sa kanyang isipan ang karamdaman, ipinasiya ni Sister Renlund na mag-aral ng abugasya. “Naisip ko lang, ‘Magiging masamang karanasan lang ito kung wala tayong gagawing maganda mula rito,’” sabi ni Sister Renlund. “Wala sa plano namin na magkaroon ako ng kanser noong dalaga ako at magkaroon lang ng isang anak. At nasa bingit ako ng kamatayan. Pero nadama namin na tamang mag-aral ako ng abugasya.”

Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral kahit patuloy siyang nagpagamot para sa kanyang karamdaman at patuloy na nagtrabaho sa ospital ang kanyang asawa.

elder-and-sister-renlund

Bishop sa Baltimore

Habang tinatapos ni Elder Renlund ang tatlong taon niya bilang medical staff at nagsisimula sa cardiology fellowship, ininterbyu siya para maging bishop ng Baltimore Ward. Naaalala ni Brent Petty, na siyang unang tagapayo noon sa Baltimore Maryland Stake, ang interbyung iyon. Kapwa nila nadama ng stake president na si Stephen P. Shipley ang “malakas na impluwensya ng Banal na Espiritu” nang interbyuhin nila ito.

Nagunita ni Brother Petty na “napakagaling niya bilang bishop,” sa kabila ng mga hamon sa kanyang trabaho at pamilya na dinaranas niya noon. Nang matanggap ni Elder Renlund ang tawag sa kanya sa Korum ng Labindalawang Apostol noong nakaraang taon, napansin ni Brother Petty na nasiyahan ang mga miyembro ng Baltimore Ward gayundin ang mga kasamahan ni Elder Renlund sa medisina, na karamiha’y hindi miyembro ng Simbahan. Ipinahayag nila ang kanilang pagmamahal sa kanya at ang paghanga nila sa kanyang paglilingkod at namumukod-tanging moralidad.

Mararangal na Propesyon

Noong 1986, nang makatapos si Sister Renlund mula sa University of Maryland School of Law at makumpleto ni Elder Renlund ang kanyang tatlong-taong internal medicine residency program at tatlong-taong cardiology fellowship, nagbalik sila sa Utah. Nagsimula si Sister Renlund sa pagiging abogada sa Utah attorney general’s office, at si Elder Renlund naman ay naging propesor ng medisina sa University of Utah. Siya ang medical director ng Utah Transplantation Affiliated Hospitals Cardiac Transplant Program sa loob ng 18 taon.

Noong 2000 naging director din siya ng Heart Failure Prevention and Treatment Program sa Intermountain Health Center sa Salt Lake City. Kabilang sa programa ang mga implantable cardiac pump at ang buong artificial heart. Si Donald B. Doty, M.D., isang heart surgeon na kilala sa buong mundo, ay kasamahan at kaibigan ni Dr. Renlund sa LDS Hospital. Sabi ni Dr. Doty, “Ang kanyang pambihirang training, detalyadong pagtutuon ng pansin, mahusay na pangangasiwa, at habag ay namumukod-tangi.”

doctor-renlund

Ipinahayag ni Dr. A. G. Kfoury, isang debotong Katoliko na tumulong nang husto kay Dr. Renlund sa loob ng maraming taon, na si Dr. Renlund ang nangungunang transplant cardiologist sa rehiyon, “na walang-katulad ang pagkatao, integridad, pagpapakumbaba, at pagkamaawain.” Sinabi niya na si Dr. Renlund ay “inilabas ang pinakamabuti sa mga tao. Tahimik niya itong ginawa. Nakinig siyang mabuti at nagmalasakit, at lubos na interesado sa tagumpay ng mga taong nakatrabaho niya.” Tahimik na namuno si Dr. Renlund sa pamamagitan ng halimbawa at laging nag-aalala tungkol sa mga pamilya ng kanyang mga katrabaho.

Napansin ni Dr. Kfoury lalo na ang pagkahabag ni Dr. Renlund sa mga pasyente. Halimbawa, kung walang sasakyan ang isang pasyente, si Dr. Renlund ang nagpupunta sa bahay nito kahit napakalayo, isinasakay ito sa kotse niya, at saka inihahatid ang pasyente pabalik sa ospital. Sabi ni Dr. Kfoury, pambihira daw ito.

Paglilingkod sa Pitumpu

Matapos maglingkod bilang stake president nang limang taon sa Salt Lake University First Stake, tinawag na maglingkod si Elder Renlund noong 2000 bilang Area Seventy sa Utah Area. Pagkatapos noong Abril 2009 tinawag siyang maging General Authority Seventy. Ang una niyang tungkulin ay maglingkod sa Africa Southeast Area Presidency, isang area na may mga unit ng Simbahan sa 25 iba’t ibang bansa.

Ibinahagi ni Sister Renlund ang kanilang pagtugon sa tawag: “Nakakagulat, siyempre pa. At sabi ng mga tao, ‘Aalis kayo samantalang nasa tugatog kayo ng tagumpay sa inyong propesyon.’ At marahil ay totoo iyan. Ngunit kung kailangan ng Panginoon na nasa tugatog kami ng tagumpay sa aming propesyon at ito ang panahon para makapaglingkod kami, iyon ang tamang panahon para umalis.”

Sa pagsasalita tungkol sa iniidolo niyang asawa, sinabi ni Elder Renlund, “Mas malaki ang sakripisyong ginawa niya.” Iniwan ni Sister Renlund ang kanyang trabaho bilang presidente ng kanyang law firm at nagbitiw sa ilang kilalang board para maglingkod na kasama niya. “Ipinadala kami sa Africa at tinuruan kami ng mga Banal kung ano talaga ang mahalaga,” sabi ni Elder Renlund.

Isang araw ng Linggo sa central Congo tinanong niya ang mga miyembro kung ano ang mga hamong kinakaharap nila, ngunit wala silang maisip na mga hamon. Nagtanong siyang muli. Sa huli, tumayo ang isang matandang ginoo sa likuran ng silid at nagsabing, “Elder Renlund, paano kami magkakaroon ng mga hamon? Nasa amin ang ebanghelyo ni Jesucristo.” Habang iniisip ang karanasang iyon, nagpaliwanag si Elder Renlund: “Gusto kong maging katulad nitong mga miyembro sa Congo, na nagdarasal para sa pagkain araw-araw, nagpapasalamat araw-araw para sa pagkain, nagpapasalamat para sa kanilang pamilya. Hikahos sila sa buhay, pero nasa kanila ang pinakamahalagang bagay.”

renlunds-with-african-saints

Sa paglilingkod sa Area Presidency sa loob ng limang taon, libu-libong milya ang nilakbay ni Elder Renlund sa malawak na Africa Southeast Area, sa pagbisita sa mga miyembro at missionary. Nag-aral siya ng French dahil ito ang wika sa iba’t ibang lugar ng mga bansang iyon.

Ganito ang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland, na miyembro ng Labindalawa na nakatalagang tumulong sa Africa Southeast Area Presidency noong panahong iyon, tungkol kay Elder Renlund: “Wala nang ibang maglalaan ng kanyang sarili sa lugar at sa mga mamamayan nito at sa kanilang mga pangangailangan nang higit kaysa kay Elder Renlund. Walang-humpay ang pagsisikap niyang kilalanin ang mga tao, mahalin ang kanilang mga kultura, at tulungan ang mga Banal na matubos.”

Tinawag na Maging Natatanging Saksi

Noong Setyembre 29, 2015, hindi niya inasahang makakatanggap siya ng tawag mula sa Tanggapan ng Unang Panguluhan. Sa Church Administration Building, “Malugod akong sinalubong ni Pangulong Thomas S. Monson at ng kanyang dalawang tagapayo. Nang makaupo na kami, tiningnan ako ni Pangulong Monson, at sinabing, ‘Brother Renlund, tinatawag ka naming maglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.’”

Nabigla si Elder Renlund. Mapagpakumbaba niyang tinanggap ang calling at naaalala niya, “Palagay ko nadama ni Pangulong Monson na nanghina ang butu-buto ko, kaya tiningnan niya ako, at sinabing, ‘Tinawag ka ng Diyos; ipinaalam ito ng Panginoon sa akin.’”

Bumalik si Elder Renlund sa kanyang opisina, nagsara ng pinto, at lumuhod sa panalangin. Matapos kalmahin ang sarili, tinawag niya ang kanyang asawa. “Namangha siya,” sabi ni Elder Renlund, “nang may lubos na katapatan sa Panginoon, sa Kanyang Simbahan, at sa akin.”

Sinabi ng kanilang anak na si Ashley, “Napakagaling ng tatay ko dahil sa pagpapala ng Diyos at naihanda siya sa habambuhay na paglilingkod sa tungkuling ito. Napakabait niya; puspos siya ng pagmamahal.”

Sinabi rin ng kapatid ni Elder Renlund na si Gary, na si Elder Renlund “ay matagal nang inihanda, kapwa ng mga hamon at ng paglilingkod sa tawag na dumating sa kanya. Bahagi ito ng mas malaking planong nakatakda, at magaan sa loob ko na suportahan siya.”

elder-renlund-with-painting-of-Christ

Kaliwa: larawang kuha sa opisina ni Tom Smart, Deseret News; larawan ng babae na kuha ni Joy Basso

Habang pinagmumuni-muni ang kahalagahan ng calling, sinabi ni Elder Renlund, “Pakiramdam ko ay hindi ako nararapat, maliban sa totoong alam ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo. Mapapatotohanan ko na Siya ay buhay, na Siya ang aking Tagapagligtas at inyong Tagapagligtas. Alam ko na ito ay totoo.”