Paghahanap kay Lola
Reuben Wadsworth, Utah, USA
Ang isang pinanghihinayangan ko ay hindi ko kailanman nakausap ang lola ko sa ama tungkol sa kanyang buhay at naitala ang kanyang mga alaala para sa mga inapo. Pagkamatay niya ikinuwento sa akin ng tatay at mga tiyo ko kung gaano katindi ang kawalan niya ng tiwala sa sarili at itinanong pa nga niyang paminsan-minsan, “Bakit ako gugustuhing kilalanin ninuman?”
Nang mapilitang lumipat ang pamilya ko sa lumang bahay ni Lola dahil sa kahirapan, bumalik ang masasayang alaala, pati na ang panghihinayang. Isang gabi ilang araw mula nang lumipat kami, hinalungkat ko ang ilan sa mga lumang photo album, at isang kahon ng mga alaala ng lola ko, kasama ang mga lumang liham ng tiyo ko, mga lumang temple recommend, at maging ang programa sa libing ng lolo ko. Matapos makita ang mga alaalang ito, inisip ko kung may iba pa.
Naganyak akong tumingin sa itaas ng kisame at agad kong napansin ang isang sako na may lamang lumang binder na kulay asul na mukhang patapon na. Sa binder na iyon natuklasan ko ang simula ng isang kuwento ng buhay na isinulat ng lola ko 30 taon na ang nakararaan. Laking gulat ko nang malaman ko kalaunan na wala ni isa sa pamilya ko ang nakakaalam na mayroon nito. Tama ang tatay at mga tiyo ko—wala ngang tiwala sa sarili ang lola ko kaya ni hindi man lang niya sinabi kaninuman na sinimulan niyang isulat ang kuwento ng kanyang buhay!
Nang gabing iyon binasa ko ang bawat salita sa walong pahinang iyon, at nang gawin ko iyon, marami akong nalaman tungkol sa lola ko—kung ano ang naging buhay niya noong nasa high school, paano sila nagkakilala ng lolo ko, at gaano kahirap para sa kanya na isara ang sinehang pinatakbo nila ng lolo ko.
Nadama kong naroon siya habang binabasa ko ang mga pahinang iyon, na para bang sinasabi niya sa akin na huwag ko nang alalahaning tapusin ang kasaysayang binalak kong gawin. Ang mabasa ang kuwento ng buhay ng lola ko na isinulat-kamay niya mismo ay talagang walang katumbas at nakabawas sa panghihinayang na matagal ko nang nadarama. Muling tiniyak niyon ang magigiliw na awa ng Panginoon at iyon ay isang patotoo na ang family history ay hindi lamang tungkol sa pagsasaliksik tungkol sa mga ninunong hindi natin nakilala sa buhay na ito. Tungkol din ito sa pagtuklas ng iba pang mga bagay tungkol sa mga minamahal at nakasama natin sa natatanging panahon natin dito sa lupa.
Kapag sinabi ko sa iba pang miyembro ng pamilya na isulat ang kanilang kasaysayan at tinanong nila ako kung bakit gugustuhin silang kilalanin ninuman, titiyakin ko sa kanila na nararapat ikuwento ang kanilang buhay at na pasasalamatan sila ng kanilang mga inapo, tulad ng pasasalamat ko sa lola ko na nag-iwan ng kanyang napakahalagang salaysay.