Paggalang sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagtupad sa Ating mga Tipan
Ang mga pinakadakilang pagpapala sa ating pananampalataya sa Diyos ay matatagpuan sa paggalang sa Kanya sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tipan.
Noong 1985 nakilala namin ni Sister Sitati ang isang lalaking nagngangalang Roger Howard sa Nairobi, Kenya. Siya at ang asawa niyang si Eileen ay naglilingkod noon bilang senior missionary couple. Inanyayahan nila kaming dumalo sa isang maliit na kongregasyon na nagpupulong sa kanilang tahanan. Iyon ang una naming pagdalo sa pulong ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nadama namin ang Espiritu sa unang pulong na iyon, at mula noon ay nagsisimba na kami tuwing Linggo.
Pagkaraan ng ilang buwan, bininyagan kami ni Roger, pati na ang aming siyam-na-taong-gulang na anak. Di-nagtagal, umuwi na sina Roger at Eileen pagkatapos ng kanilang misyon. Patuloy kaming nakakabalita mula sa kanila kada ilang taon.
Noong mga unang buwan ng 2010, muli naming nakita ni Sister Sitati si Roger. Halos 90 taong gulang na siya noon. Dahil matanda na at mahina na ang kalusugan, nakaasa siya nang husto sa walker niya. Nang magkaharap kami sa unang pagkakataon pagkaraan ng maraming taon, pareho naming hindi maipaliwanag ang galak sa aming puso. Napaluha kami nang husto nang magiliw kaming nagyakap. Nakadama kami ng malaking pasasalamat para sa isa’t isa at para sa napakagandang kaloob na ebanghelyo. Nagkaisa kami sa pananampalataya bilang kapwa mamamayan sa kaharian ng Diyos.
Nang pakaisipin ko ang sandaling iyon, sumagi sa isipan ko ang isang talata sa banal na kasulatan: “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos; …
“At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” (D at T 18:10, 15).
Ang ilan sa pinakadakilang mga pagpapala ng Diyos ay ipinangako sa mga nagdadala ng mga kaluluwa sa Kanyang kaharian. Sinabi ng Tagapagligtas: “Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo’y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga: upang ang anomang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay niya sa inyo” (Juan 15:16).
Pumanaw si Roger kalaunan nang taon ding iyon. Damang-dama ko na payapa siya sa piling ng Diyos. Naimpluwensyahan niya nang husto ang aming buhay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Ang kanyang halimbawa ng tapat na paglilingkod sa kanyang kapwa-tao, pati na sa malaking hukbo ng mga bata pang missionary at mga senior missionary na naglilingkod sa Simbahan, ay nagpapakita ng isang paraan na maigagalang natin ang Diyos.
Ang Ating Pakikipagtipan sa Diyos
Salamat at naging miyembro tayo ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, lahat tayo ay nagkaroon ng matibay at personal na kaugnayan sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga tipan. Bawat tipan ay pinagtitibay sa pamamagitan ng ordenansa, at kusa nating tinatanggap ito at nangangako tayong tutuparin ang tipan. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, nagagampanan natin ang ating mga obligasyon sa bawat tipan kapag sumasampalataya tayo sa Kanya.
Iginagalang natin ang Ama sa Langit kapag pinalalalim natin ang ating kaugnayan sa Kanya sa paggawa at pagtupad ng lahat ng nakapagliligtas na mga tipan at ordenansa. Pinagpapala Niya ang mga tumutupad ng kanilang mga tipan sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu na gumagabay at nagpapalakas sa kanila. Narito ang pinakamahahalagang pakikipagtipan natin sa Ama sa Langit.
Ang Tipan sa Binyag
Ang binyag ang ating unang pakikipagtipan sa Diyos. Karapat-dapat tayo para sa ordenansa kapag tayo ay “nagpapakumbaba ng [ating] sarili sa harapan ng Diyos, … [humaharap] nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at pinatutunayan sa simbahan na [tayo] ay tunay na nagsisisi sa lahat ng [ating] kasalanan … at tunay na ipinakikita sa pamamagitan ng [ating] mga gawa na natanggap [natin] ang Espiritu ni Cristo tungo sa kapatawaran ng [ating] mga kasalanan” (D at T 20:37).
Kapag ipinakita natin sa ating mga kilos na tayo ay pumapayag na “taglayin sa [ating] sarili ang pangalan ni Jesucristo, na may matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas” (D at T 20:37), “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan” (Mosias 18:8–9), tinutupad natin ang tipan.
Bunga nito, bibigyan tayo ng Diyos ng kaloob na Espiritu Santo, upang laging sumaatin ang Espiritu Santo, na nagbibigay ng patnubay at direksyon sa lahat ng ating ginagawa, tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Mosias 18:9–10).
Nakadama ako ng malaking kagalakan at napuspos ng Espiritu matapos akong binyagan, at patuloy ko itong nararanasan lalo na kapag malapit ako sa Diyos.
Ang Sumpa at Tipan ng Priesthood
Ang kalalakihang tumutupad sa tipan ng binyag ay karapat-dapat pumasok sa sumpa at tipan ng priesthood. Tinatanggap natin ito sa pamamagitan ng ordenansa ng pagpapatong ng mga kamay. Ang tipan ng priesthood ay tipan ng paglilingkod para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos. Iginagalang natin ang Diyos kapag ginagampanan natin ang ating mga tungkulin (tingnan sa D at T 84:33) at “pinaglilingkuran [natin] siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (D at T 4:2) at nang may “pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos” (D at T 4:5).
Kabilang sa mga pagpapala ng Panginoon na dumarating sa matatapat na mayhawak ng priesthood ang pagpapabanal “sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan” (D at T 84:33). Sila ay nagiging mga tagapagmana ng mga pagpapalang ibinigay kina Moises at Abraham (tingnan sa D at T 84:34). Ang mga propeta at apostol sa mga huling araw ay magagandang halimbawa ng mga taong ginagampanan nang mabuti ang kanilang tungkulin sa priesthood. Ang kanilang buhay ay patotoo na kinikilala sila ng Panginoon.
Mga Ordenansa at Tipan sa Templo
Ang kalalakihang karapat-dapat na may hawak ng mas mataas na priesthood at ang mga karapat-dapat na kababaihan ay maaaring tumanggap ng mga sagradong ordenansa at gumawa ng mga sagradong tipan sa templo. Sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan sa templo, natututo tayong unawain ang layunin ng buhay na ito at nagiging handa tayo para sa buhay na walang hanggan. Tinatanggap natin ang ordenansa at pumapasok sa tipan ng kasal na walang hanggan at ng pagbubuklod sa ating mga pamilya. Nangangako tayo na ilalaan natin ang ating buhay sa Diyos at sa gawain ng kaligtasan para sa lahat ng Kanyang mga anak. Sa matapat na pagtupad sa mga tipang ito, may karapatan tayong tumanggap ng espirituwal na patnubay at lakas na makayanan ang mga pagsubok ng mortalidad at magtamo ng kadakilaan, ang pinakadakilang pagpapalang maibibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak (tingnan sa D at T 14:7). Ang ibig sabihin ng kadakilaan, o buhay na walang hanggan, ay ang matamo bilang pamilya ang uri ng buhay ng ating Ama sa Langit.
Ang Sakramento
Para sa mga miyembro ng Simbahan, ang karapat-dapat na pakikibahagi ng sakramento tuwing araw ng Sabbath ay mahalaga. Sa ordenansang ito, pinagtitibay natin ang ating patuloy na kahandaang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at panibaguhin ang ating pangako na tuparin ang lahat ng tipan na ginawa natin. Sumasamo tayo na tulungan tayo ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na magtiis hanggang wakas sa kabutihan. Kapag ginagawa natin ito, magiging marapat tayo sa lahat ng pagpapala ng lahat ng tipang ginawa natin.
Mabubuting Hangarin
Ang paglabag sa tipan ay kasalanan sa Diyos at nawawalan ng bisa ang mga ipinangakong pagpapala dahil dito (tingnan sa D at T 82:10).
Sa I Samuel 2:12–17, 22–34, nalaman natin ang kasamaang ginawa ng mga anak ng saserdoteng si Eli. Sinamantala nila ang katungkulan ng kanilang ama para labagin ang tipan ng priesthood. Isinakatuparan nila ang kanilang mahahalay na hangarin sa mga gawaing imoral kasama ang mga babaeng sumasamba at walang karapatan nilang kinuha ang mga handog na hain ng mga mamamayan ng Israel. Naghayag ang Panginoon ng matinding paghatol sa mga anak ni Eli at kay Eli mismo dahil sa kabiguan nitong pigilan sila.
Ang gayong mga makamundong hangarin ay madaraig ng determinasyon na tuparin ang ating mga tipan sa Diyos, tulad ng ipinakita ni Jose ng Egipto nang tuksuhin siya ng isang babaeng mahalay na walang pananampalataya (tingnan sa Genesis 39:9, 12). Pinarangalan ng Diyos si Jose at tinulungan siyang madaig ang lahat ng balak na kasamaan laban sa kanya. Siya ang naging pangalawang pinakamakapangyarihang tao sa Egipto at naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos para mapangalagaan ang mag-anak ni Israel (tingnan sa Genesis 45:7–8).
Kung nadaraig tayo ng tukso, ang hangaring ipanumbalik ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit ang aakay sa atin na taos-pusong magsisi. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang tutulong sa atin na maging karapat-dapat muli.
Pagsunod sa mga Propeta
Nang itatag ni Cristo ang Kanyang Simbahan, pumili Siya ng mga apostol, propeta, evangelista, pastor, at guro “sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:
“Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo” (Mga Taga Efeso 4:12–13).
Itinuro ng ating mga buhay na propeta at apostol na “ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129).
Ang ating mga tahanan at pamilya ang nagsisilbing pundasyon sa pagkakaroon ng matatag na pakikipag-ugnayan sa Diyos batay sa mga tipan. Ang pagsunod sa mga inspiradong turo ng ating mga buhay na propeta ay tutulong sa atin na magkaroon ng matatatag na pamilya, magbibigay sa atin ng lakas na tuparin ang ating mga tipan, at titiyak sa pinakadakilang mga pagpapala ng ating pananampalataya.