2016
Pagsamba sa Templo: Ang Susi sa Pagkilala sa Diyos
July 2016


Mga Klasikong Ebanghelyo

Pagsamba sa Templo: Ang Susi sa Pagkilala sa Diyos

Mula sa mensaheng ibinigay noong Pebrero 1993 sa Brigham Young University; nakalimbag ang buong teksto sa Temples of the Ancient World, inedit ni Donald W. Parry (1994).

Sa loob ng templo maaari tayong matutong mamuhay na tulad ni Cristo noong Siya ay nasa lupa at maghandang mamuhay na katulad Niya at ng Ama ngayon.

tijuana-mexico-temple

Photograph of Tijuana Mexico Temple

Malinaw ko pang naaalala ang isa sa una kong masayang pakikipag-usap sa isang dumalo sa templo pagkatapos magsimula ang aking paglilingkod bilang pangulo ng Salt Lake Temple. Isang mapag-isip na dalaga ang nakabasa ng mga talata tungkol sa layunin ng templo bilang tahanan ng pag-aaral at pagtuturo. Naunawaan niya agad na ang makilala ang Diyos at si Cristo, ang “iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo,” ay “buhay na walang hanggan” (Juan 17:3). Alam din niya na matututuhan nating makilala ang ating Ama at sa huli ay makababalik sa Kanya sa pamamagitan ni Cristo.

Nagpatotoo ako sa kanya noon na, para sa akin, ang lahat ng bagay sa templo ay patungo pa rin sa huli kay Cristo at sa ating Ama. Ang bisa ng mga ordenansa at tipan ay nasa Kanyang nagbabayad-salang pagmamahal at ipinagkaloob na awtoridad—ang awtoridad ng “Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos” (D at T 107:3). Ngunit hindi pa niya malinaw na naikokonekta sa kanyang puso at isipan kung gaano kahalaga ang pagsamba sa templo sa pagkilala sa Panginoon. …

Si Cristo, mga Banal na Kasulatan, Templo, Tahanan

Napakahalaga ng templo para sa pagpapadalisay at dahil dito napapabanal ang ating sarili, na, kapag natututo tayo tungkol kay Cristo, magkakaroon tayo ng personal na kaalaman at patotoo tungkol sa Kanya na hahantong sa pinakamahalagang kaloob sa buhay.

Ang pagkatuto at pagsamba sa templo ay maaaring maging unibersidad ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo. Sa panalangin ng paglalaan sa Kirtland, inihandog ang pagsamong ito sa Panginoon: “At inyong ipahintulot, Banal na Ama, na ang lahat ng yaong sasamba sa bahay na ito ay maturuan ng mga salita ng karunungan … ;

“At nang sila ay lumaki sa inyo, at makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo” (D at T 109:14–15).

Natutupad ba ito sa mga seremonya at ritwal? Oo, kahit paano, kung nauunawaan natin ang layunin at ang simbolismo, katulad nina Eva at Adan na nakaunawa sa mga ito sa mga unang araw ng buhay sa mundo. Ngunit talagang natututo tayo sa pamamagitan ng katunayan ng mga mensahe, ng mga alituntunin ng walang-hanggang pag-unlad, ng buhay na walang hanggan. Hinggil sa ilang simpleng alituntunin ang pakikipagtipan natin sa Panginoon. Alalahanin ang pahayag ni Pablo sa Mga Taga Roma na tayo ay pinakipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo, at naligtas ng “kaniyang buhay” (Mga Taga Roma 5:10). Sinasabi nito sa akin na inaakay tayo ng mga alituntunin ng Kanyang banal na buhay tungo sa kabuuan ng kaligtasan na tinatawag na kadakilaan—buhay na puno ng pagmamahal, pag-aaral, paglilingkod, pag-unlad, paglikha tulad sa buhay ng Diyos sa piling ng mga mahal sa buhay at ng Ama at Anak. Sa loob ng templo maaari tayong matutong mamuhay tulad ni Cristo noong Siya ay nasa lupa at mamuhay na katulad Niya at ng Ama.

Mahahalagang Alituntunin sa Buhay ni Cristo

Ano ang mga alituntuning iyon na mahalaga sa Kanyang buhay na itinuturo sa templo at may kaugnayan sa mga tipang ginagawa natin sa Panginoon? …

Nagmahal Siya sa paraang marahil Siya at ang Ama lamang ang nakauunawa. Ngunit narito tayo upang malaman iyon, ang matutong magmahal nang sapat para magbigay. Sa digmaan at sa mga silid ng ospital at sa mga tahimik at dakilang pagkakataon na puno ng di-makasariling pagmamahal sa magulang o anak, nakita ko na may mga taong natutong tunay na magmahal at magsakripisyo ayon sa Kanyang paraan.

Christ-with-the-woman-at-the-well

Bumangon, at Lumakad, ni Harry Anderson

Kapag pinili at tinahak natin ang landas ng pagbibigay, pagmamalasakit, kabutihang-loob at kabaitan, mauunawaan natin na ito ay hindi opsyonal na bahagi ng ebanghelyo; ito ang pinakamahalagang bahagi. Ang kagandahang-asal at karangalan, pagiging di-makasarili, mabuting ugali, at mahusay na pagpili ay inaasahan sa atin. Ang talagang mahalaga, matapos ang lahat, ay kung anong klaseng tao tayo, kung ano ang handa nating ibigay. … Pinagpapasyahan natin ito araw-araw, oras-oras, habang natututo tayo at tinatanggap natin ang tagubilin ng Panginoon.

Matapos ang Pagpapako sa krus, Pagkabuhay na Mag-uli, at Pag-akyat sa Langit ng Tagapagligtas, may nangyari sa naiwang mga disipulo, na pinamunuan ni Pedro, na sa oras ng kagipitan ay binigo Siya. Naganap ang Pentecostes—ang pagparito ng Espiritu—at ang mga taong nanghina sa pananampalataya ay lumakas sa patotoo at pagpapatotoo. Nakasaad ito sa kabanata 1 hanggang 5 ng aklat ng Ang Mga Gawa. Ang mga huling talata ng kabanata 5 ay may malaking epekto. Sinabi ni Gamaliel sa kanyang mga kasamahan na bigyan ang mga disipulo ng isa pang pagkakataon, ng kaunting panahon. Kaya ang mga disipulo ay sinabihang muli na tumigil sa pagtuturo at pangangaral tungkol kay Cristo, muling binugbog, at pinakawalan. Ayon sa tala, nilisan nila ang lugar na nagagalak dahil sila ay natagpuang karapat-dapat na magdusa dahil kay Cristo. Pagkatapos, “araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, ay hindi sila nagsisipagtigil ng pagtuturo at pangangaral, na si Jesus ang siyang Cristo” (Ang Mga Gawa 5:42).

Sa gayon ding paraan dapat ay may mangyari sa atin sa pag-alis natin sa templo na tulad ng nangyari sa 3 Nephi 17:3: “Kaya nga, magsiuwi kayo sa inyong mga tahanan, at bulay-bulayin ang mga bagay na aking sinabi, at tanungin ang Ama, sa aking pangalan, upang kayo’y makaunawa, at ihanda ang inyong mga isip para sa kinabukasan, at ako ay paparitong muli sa inyo.”

Ang Nagpapadalisay na Kapangyarihan ng Pagsamba sa Templo

Dahil pamilyar na tayo ngayon sa espesyal na paraan sa landas na tinahak at tinanglawan ng Panginoon—at minamahal natin Siya—tutulungan tayo ng nagpapadalisay na espiritu na maging bagong nilalang, na nagmamahal at nagtutulungan, magkakasama sa pagsunod sa kalooban ng Panginoon, naglilingkod, nagbabahagi, mapagmahal, tapat sa mabubuting pamantayan, at inuuna ang kaharian ng Diyos.

Kailangan nating padalisayin ang ating buhay-pamilya at gawin ang ating tahanan na lugar kung saan “itinuturo at ipinapangaral” natin ang tungkol kay Jesucristo araw-araw at sinusunod Siya palagi. Ang ating tahanan, ating pamilya, ang buhay ng bawat isa ay dapat maging sentro ng pag-aaral at sentro ng pagiging di-makasarili at paglilingkod. Sa mga salita ni Rufus Jones, “Ang mga banal ay hindi nilayon na magmistulang anghel at para sa pansariling kasiyahan. Nilikha sila para maging sentro ng liwanag at kapangyarihan. Ang tunay na banal ay mabuting ina, mabuting kapwa, nakatutulong sa lipunan, masayang kasama at isang pagpapala. Ang tunay na banal ay masigasig na Kristiyano na ipinapakita sa kanyang pamumuhay ang uri ng buhay na makakamtan nang lubos sa langit.”1

Pag-isipan ang para sa akin ay malinaw at mahalagang bagay upang maunawaan ang kahulugan ng mga templo at ng pagsamba sa templo. Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith noong 1836 ang panalangin na inihandog sa paglalaan ng Kirtland Temple. Ang panalangin ay nakatala sa bahagi 109 ng Doktrina at mga Tipan. Babasahin ito nang paulit-ulit ng taong may taos-pusong hangarin na maunawaan ang pangunahing kahulugan ng templo, lalo na ang nakaaantig na unang dalawampu’t apat na talata. Ang talata 5 ay magandang pahayag na dapat isiping mabuti: “Sapagkat inyong alam na aming ginawa ang gawaing ito sa pamamagitan ng labis na paghihirap; at mula sa aming kahirapan kami ay nagbigay ng aming ari-arian upang magtayo ng isang bahay sa inyong pangalan, nang ang Anak ng Tao ay magkaroon ng lugar na pagpapakitaan ng kanyang sarili sa kanyang mga tao” (D at T 109:5; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Paano Siya nagpapakita sa Kanyang mga tao sa templo?

Sa paniniwala ko, karaniwang ito ay sa pamamagitan ng kagandahan at impluwensya ng mga alituntunin, ordenansa, at mga tipan sa templo, sa pamamagitan ng pagsamba sa templo—sa pamamagitan ng diwa ng paghahayag at iba pang mga pagpapala ng Espiritu na natatamo roon ng mga tao na ang isipan at puso ay nakaayon dito, at matiyaga at gustong matuto at tularan sa kanilang buhay ang mga halimbawa ni Cristo (tingnan sa 3 Nephi 27:21, 27).

Maaaring sapat na ang isang halimbawa para ipakita ang espirituwal na lakas na natatanggap ng mga taong masigasig sa paglilingkod sa Panginoon sa mga templo. Isang araw ay dumating ako sa templo ng mga alas-4:30 n.u., nagpapasalamat na maayos akong nakapaglakbay sa kabila ng matinding pagbagyo ng niyebe mula sa aming tahanan papunta sa templo. Sa isang tagong silid, nakita ko ang isang nakatatandang kaibigan na labis kong hinahangaan. Siya ay tahimik na nakaupo at matamang nag-iisip at nakahilig sa kanyang baston. Tulad ko, siya ay nakasuot ng puting damit na kasuotan ng mga temple worker. Masaya ko siyang binati at tinanong kung ano ang ginagawa niya roon nang gayon kaaga.

Ang sabi niya, “Alam ninyo ang ginagawa ko dito, Pangulong Hanks. Ako ay ordinance worker na narito para gampanan ang aking tungkulin.”

“Alam ko iyan,” sabi ko, “pero iniisip ko kung paano ka nakarating dito sa kabila ng masamang panahon. Narinig ko sa radyo na sarado ang Parley’s Canyon sa lahat ng mga sasakyan, at hinarangan pa ito.”

Sabi niya, “May sasakyan akong four-wheeler na kayang dumaan kahit saan.”

Sabi ko, “Ako rin, kung hindi ay wala ako dito. Ilang milya lamang ang layo ng bahay ko dito.”

Pagkatapos ay tinanong ko siya kung paano siya nakadaan sa mga harang na inilagay roon. Ang sagot niya ay karaniwan sa isang rantsero at stake president na una kong nakilala bilang masigla at malakas na lalaking nakasakay sa kanyang kabayo nang minsang nakasama ko siya isang hapon bago ang mga miting ng stake conference. At ngayon literal siyang napaliit ng arthritis at katandaan, at hindi magtatagal ay magiging dahilan ng kanyang pagpanaw. Nakadarama siya ng labis na sakit kapag kumikilos siya. Ang sagot niya nang umagang iyon ay, “Pangulong Hanks, kilala ko na ang mga pulis na nakatalaga roon, marami sa kanila, mula pa noong sila ay isinilang. Alam nila na kailangang makaraan ako roon at na maghahanap ako ng ibang daan kung kinakailangan! Alam din nila ang kakayahan ko at ng aking trak, at inaalis na lang nila ang harang kung kinakailangan.”

Naroon siya, puno ng pananalig at katapatan nang gayon kaaga, upang simulan ang kanyang sagradong gawain. Ang gayong tao na may gayon katinding pananampalataya at katapatan ang tinutulungan ng templo na mas tumatag sa espirituwal.

Tala

  1. Rufus Jones Speaks to Our Time (1961), 199.