2016
Nadama Ko na Hindi Sapat ang Kakayahan Ko
July 2016


Nadama Ko na Hindi Sapat ang Kakayahan Ko

Hindi ibinigay ang pangalan, Stockholm, Sweden

women-sitting-on-the-couch

Paglalarawan ni Allen Garns

Nang matawag akong Relief Society president, abala ako sa mga gawain ng isang ina. Lumaki ako sa Simbahan at namuhay ayon sa mga turo nito, pero alam kong hindi ako perpekto at nabahala ako tungkol sa kakayahan kong tulungan ang mga kababaihang may pangangailangan sa aming ward.

Isang araw ng Linggo sa simbahan, pinanghinaan talaga ako ng loob. Buong araw akong nilapitan at kinausap ng mga sister na may kailangan sa akin. Ang ilan sa kanila ay kailangan ng tulong, at ang ilan naman ay kailangan lang na pakinggan ko sila. Pagkatapos ay hinikayat ako ng Espiritu na huwag pumunta sa sacrament meeting nang magsimula ito, at nagulat ako nang makita ko ang isang di-gaanong aktibong sister sa bulwagan na nangangailangan ng pag-alo at tulong at hindi na mahintay na matapos ang miting.

Nang matapos ang simba, pagod na pagod ako! Umiyak ako sa kotse habang pauwi. Malinaw kong narinig sa isipan ko ang mga salitang: “Kausapin mo ang bishop!” Nadama ko na may matalinong payo ang bishop kung paano ako di-gaanong mabibigatan sa calling ko, pero ayaw ko siyang abalahin matapos ang nakakapagod na maghapon sa simbahan. Nakapagpasiya na akong huwag muna siyang tawagan nang tumunog ang telepono. Ang bishop ko iyon. May naghikayat sa kanya na tawagan ako.

Sinabi ko sa bishop na nakakapagod ang napakaraming gawaing kailangang asikasuhin nang sabay-sabay at kung gaano ako nalungkot na hindi ko matulungan ang iba pang kababaihan. Matiyaga siyang nakinig. Pinag-usapan din namin ang ilang tanong tungkol sa welfare na nabanggit sa araw na iyon, at gumaan ang pakiramdam ko.

Nang matapos ang pag-uusap namin, sinabi ko, “Akala ko po may matalinong payo kayo sa akin kung paano ako di-gaanong mabibigatan sa calling ko.” Sumagot siya na sana nga ay may maipayo siyang gayon, ngunit sa kasamaang-palad ay wala raw.

Kahit hindi nasagot ang tanong ko, masaya ako nang ibaba ko na ang telepono. Pakiramdam ko’y natugunan na ng Panginoon ang kailangan kong patnubay at suporta.

Sa sumunod na mga linggo muli akong pinanghinaan ng loob, at ipinagdasal ko na maunawaan ko ang kailangan kong gawin para maging mas mabuting Relief Society president. Isang araw, habang nakikinig ako sa pangkalahatang kumperensya, natuon ang pansin ko sa ilang salitang narinig ko, at nangusap nang malakas ang Espiritu sa puso ko. Naunawaan ko na kaya ko nadama na hindi sapat ang kakayahan ko ay dahil hindi sapat ang kakayahan ko sa sarili ko.

Sa pamamagitan ng kanyang halimbawa, ipinakita sa akin ng bishop ko kung gaano kahalaga ang makinig sa Espiritu Santo. Ang Espiritu ang mahalaga sa mga calling natin sa Simbahan, hindi ang ating sariling mga talento o kasanayan. Sa unang pagkakataon pagkaraan ng mahabang panahon, nakadama ako ng kapayapaan at pagtiyak.

Kulang pa rin ang karanasan ko at abala pa rin ako sa aking pamilya tulad ng dati, pero hindi na ako naniniwala na dapat kong gampanan nang perpekto ang calling ko. Mabibigyan ako ng Ama sa Langit ng mga bagay na kailangan ko para maisagawa ang Kanyang kalooban at madaragdagan Niya ang ating mga pagsisikap basta’t sinusunod natin ang Kanyang mga utos.