2016
Pagmamahal sa mga Taong Iba ang mga Pinahahalagahan
July 2016


Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo

Pagmamahal sa mga Taong Iba ang mga Pinahahalagahan

Sinisikap kong palakihin ang aking mga anak na may mataas na moralidad. Ngunit nang makagawa ng maling pagpapasya ang isa sa kanilang mga hinahangaan, nabahala ako na baka mabalewala ang lahat ng bagay na sinikap kong ituro sa kanila.

mother-with-daughters

Ang hipag kong si Janey (binago ang pangalan) ay lumaki sa ebanghelyo at napakatapat na miyembro ng Simbahan. Matapos mapawalang-bisa ang tila masaya niyang kasal sa templo, sinimulan siyang siraan at husgahan ng mga tao sa kanyang maliit na komunidad. Inilayo niya ang sarili mula sa kanyang mga kaibigan at paglaon ay sa Simbahan.

Nagsimula siyang makipagdeyt sa isang binatang si Andy at hindi nagtagal ay nagsama na sila. Nag-alala ako kung ano ang sasabihin ko sa aking mga anak. Mahal ng tatlong babae kong anak ang kanilang tita Janey. Hindi lamang malapit ang aming mga pamilya, siya rin ang nagtuturo sa kanila ng sayaw kaya nagkikita sila nang ilang beses sa isang linggo.

Maraming buwan na inakala nilang madalas lamang na bumibisita si Andy, ngunit sa huli ay kinailangan ko nang sabihin sa kanila na nagsasama na sina Janey at Andy. Ipinaliwanag ko na ang mga pasiyang ginawa nila ay isang mabigat na kasalanan. Parang naintindihan naman ito ng mga anak ko, at nagkaroon kami ng magandang talakayan tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo.

Pagkatapos ay dumating ang masamang balita. Masayang ibinalita ni Janey sa pamilya na magkakaanak na sila ni Andy. Muli nag-alala ako kung paano maaapektuhan ang mga anak ko sa balitang ito. Hindi ba nila alam na hindi sa ganitong paraan nais ng Ama sa Langit na isilang ang Kanyang mga anak sa mundo? Kung sila ang nasa sitwasyong ito, katanggap-tanggap at normal lang ba para sa kanila ito?

Maraming linggo akong nabalisa, dahil ayaw kong sabihin sa mga anak ko ang bagong balitang ito. Pagkaraan ng isang buwan nagpasya sina Janey at Andy na magpakasal. Bakit hindi na lang nila ibinalita ang pagdadalantao pagkatapos ng kanilang kasal?

Sumama ang loob ko. Paano ko mamahalin si Janey pero hindi ang ginawa niya? Paano ko matuturuan ang mga anak ko na patuloy na mahalin ang kanilang tita ngunit hindi ang mga pagpapasiyang nagawa niya?

Isang araw sinabi sa akin ng kapatid ko ang tungkol sa isang dalagita sa kanyang ward na nagdalantao. Ang dalagitang ito ay nagpatuloy sa pagsisimba at tila masaya at sabik sa darating na pangyayari sa kanyang buhay. Naguluhan ang iba pang mga dalagita sa nakita nilang pag-uugali niya na parang walang masamang nangyari.

Ngunit nalaman ng kapatid ko, na visiting teacher ng ina ng dalagita, ang maraming gabing pag-iyak ng dalagita hanggang sa makatulog ito, sa matinding pagdadalamhati sa pagpiling ginawa niya na humantong sa kalagayang ito. Pagkaraan ng maraming linggo ng pagdurusa, nagpasiya ang dalagita na maaari siyang patuloy na magdalamhati dahil sa ginawa niya, o maaari siyang sumulong at maging maligaya. Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo, maaari niyang tanggapin ang mga bunga ng kanyang mga desisyon at muling maging malinis sa pamamagitan ng pagsisisi.

Inisip ko kung naranasan din ni Janey ang ganito. Pinagsisihan kaya niya ang kanyang desisyon pero, dahil hindi na niya kayang baguhin ang ibinunga nito, tinanggap na lang niya at nagpasiyang magpatuloy at sumulong.

Nakadama ako ng pagkapahiya sa malupit na panghuhusga ko at sa kakulangan kong magmahal sa paraang inaasahan ni Jesucristo na ipadarama natin. Nang isipin kong mabuti ang buhay ng Tagapagligtas, naalala ko na hinahanap Niya palagi ang mga makasalanan, tinuturuan sila sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at halimbawa, at minamahal sila. Ang pagmamahal na ito ang nagpapalambot sa puso at nagpapabago sa mga tao.

Natanto ko na madalas na minamahal ko ang mga tao kapag kumikilos sila nang ayon sa inaasahan ko, ngunit kapag nagkamali sila, isinusumpa ko sila sa aking puso. Napaka-ipokrita ko! Natanto ko na kailangan kong magsisi. Kailangan kong matutuhang mahalin ang nagkasala nang hindi kinukunsinti ang kasalanan. Sa huli, napawi ko ang sama-ng-loob ko kay Janey at minahal siyang muli nang lubusan.

Nagkaroon ako ng isa pang magandang talakayan sa aking mga anak. Binigyang-diin ko ang kahalagahan ng kasal bago ang pagkakaroon ng anak. Kinasabikan namin ang pagsilang ng isang sanggol sa aming pamilya. Gusto naming lahat na suportahan si Janey at maging bahagi sa espesyal na panahong ito ng kanyang buhay. Natanto ng mga anak ko na nakagawa ng mali ang Tita Janey nila, ngunit mahal pa rin nila siya at ang kanilang Tito Andy at umaasa na balang-araw ay magpapasiyang bumalik ang kanilang magandang pamilya sa naghihintay na bisig ng atingTagapagligtas na si Jesucristo.