Pag-alaala sa Tagapagligtas
Dumarating ang malalaking pagpapala kapag inalaala natin si Jesucristo sa pamamagitan ng pakikibahagi sa sakramento.
Sa ating pagsisimba linggu-linggo, mapalad tayong magkaroon ng pagkakataong makibahagi ng sakramento. Sa katunayan, ito ang isa sa mga pangunahing dahilan ng ating pagsisimba sa araw ng Linggo. Ngunit alam ba ninyo kung bakit napakahalaga ng sakramento? May isang bagay tayong ipinapangakong gawin na siyang dahilan kung bakit isa ito sa pinakamahalaga at sagradong ordenansa sa Simbahan: ang alalahanin si Jesucristo.
Pag-isipan ninyo: ang pag-alaala sa Tagapagligtas ay isang mahalagang bahagi ng mga panalangin sa sakramento. Nangangako tayo rito na “lagi siyang [a]alalahanin” (D at T 20:77, 79), hindi lamang sa araw ng Linggo, kundi palagi. Kapag lagi nating inalaala ang Tagapagligtas, mababanaag sa ating buhay ang Kanyang mga pamantayan at turo, at madarama rin natin ang matindi at nagpapalakas Niyang impluwensya sa ating buhay.
Paano Nakatulong sa Isang Kabataang Lalaki ang Pag-alaala sa Tagapagligtas
Halimbawa, nang pagsisihin ng isang anghel ng Diyos si Nakababatang Alma, bumagsak siya sa lupa at hindi nakapagsalita at nakagalaw nang ilang araw. Sa panahong ito, pinahirapan siya ng alaala ng kanyang mga kasalanan, ngunit “naalaala [niya na] … narinig [niya] ang [kanyang] ama na nagpropesiya … hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.” Pagkatapos ay sinabi niya: Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang hanggang tanikala ng kamatayan. At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit” (Alma 36:17–19).
Ang pag-alaala lang kay Cristo ay nagtulak na kay Alma na humingi ng awa sa panalangin, na nagpalis sa panunurot ng kanyang budhi, nagpagaan sa kanyang pasakit, at tumulong sa kanya na magsisi. Tulad ni Alma, maaari nating ilaan ang ating buhay kay Cristo at maranasan ang kaligayahang nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo. Lahat ng ito ay nagsisimula sa ating pasiyang alalahanin si Jesucristo at ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Narito ang lima pang pagpapalang nagmumula sa pagtupad sa ating pangako na laging alalahanin ang Tagapagligtas.
-
Mapapasaatin ang Kanyang Espiritu
Kapag nakibahagi kayo ng sakramento tuwing Linggo, maaalaala ninyo ang pangako na, kung aalalahanin ninyo si Cristo, susundin ang Kanyang mga utos, at tataglayin sa inyong sarili ang Kanyang pangalan, laging pasasainyo ang Kanyang Espiritu. Sa isang mundong puno ng mga pagsubok, madaling maligaw ng landas. Ngunit kung sumasainyo ang Espiritu Santo, “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5). Maaari kayong gabayan ng Espiritu ng Panginoon at biyayaan ng patnubay, tagubilin, at proteksyon.
-
Mabibigyan Niya Tayo ng Lakas na Labanan ang Tukso
Ang ating pinakamainam at pinakamabisang depensa laban sa tukso ay ang ating pananampalataya kay Jesucristo (tingnan sa Alma 37:33). Kapag itinuon natin ang ating isipan kay Jesucristo, makikilala natin ang mga kasinungalingan ni Satanas at matutukoy natin ang kanyang mga pagtatangkang linlangin tayo. Dahil si Jesucristo ay nakaranas ng tukso ngunit hindi kailanman nagpadala rito, makakaasa tayo sa Kanya kapag naharap tayo sa mga tukso. Itinuro ni Nephi na ang mga taong “mahigpit na [kumakapit sa salita ng Diyos] kailanman … ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila” (1 Nephi 15:24). Kapag inalaala natin ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo, mapapasigla at mapapalakas Niya tayo laban sa mga tukso.
-
Gagabayan Tayo ng Kanyang Halimbawa
Hindi lamang sinasabi sa atin ni Jesucristo kung saan tayo aasa para sa buhay na walang hanggan; inaakay pa Niya tayo sa daan. Sinabi Niya, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Si Cristo ang ating perpektong halimbawa. Noong Kanyang mortal na ministeryo, nagturo at nagpamalas si Jesus ng pagmamahal, kaamuan, pagpapakumbaba, at pagkahabag. Ginugol niya ang Kanyang panahon sa pagtuturo, paglilingkod, at pagmamahal sa iba.
Sa lahat ng ginawa Niya, sinunod Niya ang kalooban ng Kanyang Ama (tingnan sa Juan 5:30). Sa lahat ng bagay, nagpakita ng huwaran ang Tagapagligtas kung paano tayo dapat mamuhay, at inaanyayahan Niya tayong lahat na sundin ang Kanyang halimbawa.
Kung malaman ninyo na hindi ninyo alam kung saan pupunta o ano ang gagawin, alalahanin ang Tagapagligtas. Sabi Niya, “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12).
-
Matutulungan Niya Tayong Paglingkuran ang Iba
Laging inuuna ni Jesus ang mga pangangailangan ng iba kaysa sa sarili Niyang mga pangangailangan. Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Ang mga Gawa 10:38). Pinagaling Niya ang mga maysakit at tinulungan ang mga nasa paligid Niya. Kapag inalaala natin si Jesus, naaalala natin ang di-makasariling mga paglilingkod na nakita sa Kanyang buhay. Naaalala rin natin na sinabihan Niya tayo na maglingkod sa Kanya sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. “Kapag kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).
Bubuksan ng Panginoon ang inyong mga mata para makita ang mga taong nangangailangan ng inyong tulong. Gagabayan din kayong malaman kung paano ninyo sila higit na mapaglilingkuran. Magiging mas maligaya at mas makabuluhan ang inyong buhay kapag naglingkod kayo sa maliliit at simpleng paraan. Ang paglilingkod sa iba ay maghahatid ng kapayapaan at kagalakan sa inyong buhay.
-
Maaari Tayong Magsisi
Lahat tayo ay nagkukulang sa pagsunod sa mga kautusan, kahit taos-puso tayong nagsisikap, ngunit dahil sa buhay at misyon ni Jesucristo, may paraan para makabalik sa Kanya.
Ang pag-alaala kay Jesucristo ay ipinaaalala sa atin ang kaloob na pagsisisi na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Inaanyayahan tayong lahat ni Jesus na magsisi, at nagagalak tayo kapag tinatalikuran natin ang kasalanan at bumabaling tayo sa Kanya. Kapag taos ang hangarin nating magbago at sundin ang mga kautusan, nangako ang Panginoon na, “Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, siya rin ay patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (D at T 58:42).
Kapag nakibahagi kayo ng sakramento, nangangako kayo na laging aalalahanin ang Tagapagligtas. Kapag lalo ninyong inaalaala si Cristo, lalo Siyang nagiging sentro ng inyong buhay at lalo Niya kayong gagabayan at papatnubayan para marating ninyo ang inyong buong potensyal. Ang pag-alaala sa Tagapagligtas sa tuwina ay magpapala sa inyong buhay.