2016
Pag-unawa sa mga Kabataang Tinuturuan Ninyo
July 2016


PAGTUTURO SA PARAAN NG TAGAPAGLIGTAS

Pag-unawa sa mga Kabataang Tinuturuan Ninyo

Ang pagsisikap na alamin ang tungkol sa mga kabataang tinuturuan ninyo ay maaaring magbukas ng pinto sa kanilang pagbabalik-loob.

teacher-with-youth

Maraming kabataan ang masigla at masigasig kaya’t ang pagtuturo sa kanila ay nagiging kalugud-lugod. Ngunit ang ilan ay nahaharap din sa mga hamon habang sila ay lumalaki at nagkakaroon ng hustong kaisipan—lahat ng bagay mula sa mga pagbabago sa kanilang katawan, problema sa paaralan, at mga impluwensya ng kultura na pumipigil sa kanila upang ipamuhay ang ebanghelyo. Kailangan ng mga kabataan ng mga guro na nakauunawa at nagmamalasakit sa kanila. Kailangan nila ng mga tagapagturo na magbibigay ng ligtas na kapaligiran kung saan maaari silang matuto at kumilos ayon sa natututuhan nila.

Narito ang ilang bagay tungkol sa mga kabataan na kapag alam ninyo ay maaaring makatulong habang kayo ay nagpaplano, naghahanda, at nagtuturo sa kanila ayon sa paraan ng Tagapagligtas:

1. Gusto at kinakailangan ng mga kabataan na matutuhan ang doktrina. Sa isang mundong lumalayo sa mga pamantayan ng ebanghelyo, matindi ang hangarin ng mga kabataan na malaman ang walang-hanggang katotohanan. Gusto nilang maturuan “ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito” (Jacob 4:13). Ang mga bagay na ito ay matatagpuan sa doktrina ng ebanghelyo. Kapag nagtuturo kayo, pagtuunan ng pansin ang doktrinang matatagpuan sa mga banal na kasulatan, mga turo ng mga buhay na propeta at apostol, at iba pang opisyal na mga materyal ng Simbahan. Hikayatin ang mga kabataan na pag-aralan nang sarilinan ang mga sangguniang ito. Ang doktrina ay may mabisang epekto (tingnan sa Alma 31:5).

2. Inaalam ng mga kabataan ang kanilang pagkatao. Sinisikap nilang alamin kung sino sila at kung sino ang nais nilang maging. Habang naghahanda sila para sa mga tungkulin sa hinaharap, maaaring iniisip nila kung ano ang plano ng Panginoon para sa kanila at kung magagawa nila ang lahat ng inaasahan sa kanila. Bilang magulang o guro, maaari ninyong palakasin ang loob nila tungkol sa hinaharap at gabayan sila sa paghahanda para dito. Tulungan silang mapalapit sa Diyos at mamuhay ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Ituro sa kanila ang kahalagahan ng templo at ng kanilang tungkulin sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

3. Alam ng mga kabataan kapag nagmamalasakit kayo. Upang mahikayat ang mga kabataan na talagang pag-aralan ang ebanghelyo, kailangan nilang malaman na mahal ninyo sila at interesado kayo sa kanila bilang mga indibiduwal. Pakinggan sila. Alamin ang mabubuting katangian nila at tulungan silang mas pagbutihin ang mga ito. Ipahayag ang tiwala ninyo sa kanila at magbigay ng katiyakan na sila ay pinahahalagahan at kinakailangan.

4. Maraming interes o kinawiwilihan ang mga kabataan. Bawat kabataan ay natatanging indibiduwal. Alamin ang kanilang mga interes o kinawiwilihan, pangangailangan, at mga hamon sa buhay. Para magawa ito, maaari silang puntahan at kausapin bukod pa sa regular na nakaiskedyul na mga miting, klase, at mga aktibidad. Sa pagkilala sa kanila, magkakaroon kayo ng mga ideya at inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu tungkol sa kanilang mga pangangailangan. Makatutulong ang mga ito sa paraan ng pagtuturo ninyo sa kanila. Kapag naramdaman ng mga kabataan na kayo ay tunay na nagmamalasakit sa kanilang buhay, magiging mas bukas ang kanilang puso para sa inyong pagtuturo at patotoo.

5. Makakahanap ang kabataan ng mga sagot sa kanilang mga katanungan. Lahat ng nag-aaral anuman ang edad nila ay natutuwang matuklasan ang mga kaalaman tungkol sa ebanghelyo, ngunit higit itong mahalaga sa mga tinedyer sa pagpapatatag nila ng kanilang mga pinahahalagahan at mga paniniwala. Ang mga aral ng ebanghelyo ay may epekto habambuhay kapag personal nilang natutuhan ang mga ito—at isinabuhay. Sa halip na ibigay sa kabataan ang mga sagot, maaari ninyong gamitin ang mga pamamaraan sa pagtuturo na hihikayat at magbibigay-inspirasyon sa kanila na sila mismo ang maghanap ng mga sagot. Ito ay hahantong sa mas malalim na pananampalataya at pagbabago—ang pinakalayunin ng lahat ng pagtuturo ng ebanghelyo.

6. Maaaring turuan ng mga kabataan ang isa’t isa. Ang mga kabataan ay interesadong magbigay ng mga ideya tungkol sa mga bagay na itinuro sa kanila at sabik magbahagi ng nalalaman nila. Sa inyong halimbawa at pagtuturo, matutulungan ninyo sila na matutong magturo ayon sa paraan ng Tagapagligtas. Sa paggabay ninyo maaari silang magsimula sa pagtuturo ng isang bahagi ng lesson o mamuno sa maikling talakayan. Kapag naranasan nila ang magturo at nagkaroon sila ng tiwala sa sarili, maaari silang bigyan ng paminsan-minsang pagkakataon na magturo ng isang buong aralin. Kapag natututo ang mga kabataan sa isa’t isa, tinutulungan nilang palakasin ang isa’t isa laban sa impluwensya ng mga taong hindi nila katulad ang mga pinahahalagahan.

7. Ang mga kabataan ay natututong mamuno. Ang mga class at quorum presidency ay may mga sagradong tungkulin na pamunuan ang mga kasama nila sa klase o korum. Ngunit kahit may karanasan na sila sa pamumuno, kakailanganin pa rin nila ang inyong paggabay kung paano mangasiwa sa mga miting, tulungan ang iba na matuto, at maglingkod. Ang iba pang mga pagkakataon sa pamumuno ay maaaring magmula sa tahanan kapag ang mga kabataan ay binibigyan ng mga makabuluhang responsibilidad.

8. Natututo ang mga kabataan mula sa mga magulang at iba pang adult na mabubuting huwaran. Isang mahalagang bahagi ng inyong responsibilidad bilang guro ang tumulong na mapatibay ang ugnayan ng mga kabataan sa kanilang mga lider, at kanilang mga magulang. Matutulungan ninyo ang mga kabataan na makahanap ng sagot sa marami nilang katanungan, ngunit ang ilan sa kanilang mga tanong ay mas masasagot ng kanilang mga magulang o lider. Payuhan ang mga kabataan na magpatulong sa kanilang mga magulang at hikayatin sila na patibayin ang ugnayan nila sa kanilang pamilya. Regular na makipag-ugnayan sa mga magulang tungkol sa pinag-aaralan ninyo sa klase at ikuwento sa kanila ang mga talento, pag-unlad, at magagandang kontribusyon na nakikita ninyo sa kanilang mga anak. Itanong kung ano ang maitutulong ninyo sa pagtuturo nila sa kanilang mga anak.

Ang pagtulong sa mga kabataan na magbalik-loob at magbago ay nangangailangan ng pinagsamang pagsisikap ng mga magulang, lider, adviser, at guro, kabilang na ang mga guro sa seminary. Matuturuan ninyo nang mas epektibo ang mga kabataan kung sama-sama kayo kaysa kung magkakahiwalay kayo.