2016
Maghanda—at Kumilos
July 2016


Maghanda—at—at Kumilos

Ang paghahanda ng inyong sarili at paggawa ng gawain ng Panginoon ay magpapabago sa inyong buhay.

young women talking

Anim na taon akong naging guro sa seminary. Tuwing alas-6 ng umaga kami nagkaklase sa bahay ko sa Puerto Rico. Matrabahong maghanda ng mga aralin araw-araw, mula Lunes hanggang Biyernes. Pero masaya ako rito, at nakatulong ito sa akin na lalo pang mahalin ang mga kabataan ng Simbahan.

young man reading scriptures

Napansin ko na malaking bahagi ng natututuhan ng mga estudyante sa seminary ang nakasalalay sa kanilang paghahanda. Kaya kung gusto ninyong maraming matutuhan sa isang lesson sa seminary, inaanyayahan ko kayong pag-aralan ang aralin bago pumasok sa klase at talagang magnilay-nilay. Pumasok sa klase nang may matinding hangaring tumanggap ng kaalaman. Pumasok na tulad sa isang bata, na laging gustong matuto. Maghanda para makabahagi sa klase upang maturuan ninyo ang isa’t isa. At pumasok nang may nakahandang mga tanong. Baka masagot ng isa pang kabataan, isang binasang talata sa banal na kasulatan, o siguro’y ng isang komento ng inyong guro ang mga tanong ninyo.

Ang pinakamagandang turo sa anumang klase o miting sa Simbahan ay dumarating kapag nakapaghanda at tumanggap kayo ng mga espirituwal na pahiwatig sa inyong isipan. Isulat ang mga ito, at saka kayo kumilos ayon dito. Maghanap ng iba pang mga talata sa banal na kasulatan o mensahe sa pangkalahatang kumperensya o artikulo mula sa mga magasin ng Simbahan tungkol sa mga ideyang iyon. Pagnilayan ang mga ito sa inyong puso’t isipan at maging handang maglingkod, dahil kapag nasa isip ninyo ang mga katotohanang ito, gagamitin kayo ng Panginoon para tulungan ang iba.

Kalaunan, nang maglingkod ako bilang mission president kasama ang asawa ko, natanto ko na ang seminary ay napakagandang paghahanda sa paglilingkod bilang missionary. Sa paglipas ng mga taon, nakita ko na pinagpapala ng kagila-gilalas na kapangyarihan ng ebanghelyo ang matatapat na estudyante ng seminary. Ipinamuhay nila ang mga itinuro sa seminary sa malalaking hamon sa kanilang buhay at nalagpasan nila ang mga ito, at bumalik pa sa Simbahan matapos maging di-gaanong aktibo.

Napakahalaga ninyo sa Panginoon. Totoo iyan. Ang gawain ng mga kabataan ay ang maghandang makibahagi sa gawaing misyonero at pagkatapos ay gumawa ng gawaing misyonero. Ngayon, kailangan ninyong maunawaan na kapag patuloy kayong gumawa ng gawaing misyonero, at patuloy kayong naghanda, ito ang hihikayat at gagabay sa higit ninyong pag-unlad bilang missionary ng Panginoon. Hindi ninyo kailangan ng missionary name tag para gumawa ng gawaing misyonero, dahil taglay ninyo ang pangalan ni Jesucristo na nakasulat sa inyong puso dahil sa inyong mga tipan.

friends

Totoo rin iyan sa gawain sa templo at family history. Halimbawa, sa Caribbean Area, kung saan ako naglilingkod, ang mga stake na gumagamit ng mga kabataan bilang mga family history consultant ay may mas mataas na porsiyento ng mga miyembrong nakahanap ng mga pangalan para sa gawain sa templo at gumagawa ng mga gawain sa templo. May 20 kabataan sa isang stake na tinawag na maging mga family history consultant sa loob ng isang taon bago sila tumuntong sa edad ng pagmimisyon. Kapag binibisita nila ang mga miyembro sa bahay nila upang ipakita kung paano gumawa ng family history, kinakausap nila ang mga taong nakakasalubong nila at nagkukuwento sila tungkol sa family history at sa templo. Iyan ang gawaing misyonero!

Sana kapag nasa misyon na sila, nadama na nila ang Espiritu sa matinding paraan—sana sa bahay nila, at kung hindi roon, siguradong sa paggawa nila ng gawaing misyonero, family history, at gawain sa templo. Pagkatapos, kapag pumasok sila sa missionary training center, sana walang sinuman sa kanila ang magsabi sa akin ng, “Nadama ko na nang mas matindi ang Espiritu rito kaysa rati.” Dapat ay nadama na nila ang Kanyang impluwensya bago pa man iyon.

Mahal kayo ng Panginoon. Nais Niya na kayo ang gumawa ng gawain sa family history, sa templo, at sa gawaing misyonero. Kayo ay may mga kasanayan at kaalaman. Kapag naghanda kayong mabuti, magagawa ninyo ang gawaing ito. Pagpapalain at babaguhin nito ang inyong buhay.