Pagliligtas sa Aking Sabbath
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Huli na ako! Dali-dali akong nagsuot ng magandang damit, kumuha ng panali sa buhok, nagmaneho papuntang simbahan, pumarada, at nagmamadaling pumasok. Hay, salamat! Nakakita ako ng mauupuan sa harapan bago tumayo ang bishop para simulan ang sacrament meeting.
Isa ako sa mga magsasalita sa Linggong iyon, kaya dali-dali kong binasa ang aking kodigo, at tiniyak ko na wala akong nakalimutan. Hindi naglaon, parang tapos na agad ang sacrament meeting, at papunta na ako sa Sunday School. Isa na namang matagumpay na sacrament meeting!
Pero matagumpay nga kaya ito?
Nang sumunod na linggo nagsimula akong mag-isip. Sumapit na naman ang araw ng Linggo, at habang nakaupo ako sa sacrament meeting, na iniisip ang kahulugan ng sakramento sa akin, biglang pumasok sa isipan ko: muli akong nangangako bawat linggo na lagi kong aalalahanin si Jesucristo, pero gaano ako kaseryoso sa paggawa niyon?
Gusto kong magbago, kaya nagpasiya akong gumawa ng lingguhang plano.
-
Sa buong linggo, maglalaan ako ng panahon na pag-isipang mabuti ang pag-uugali ko at ihingi ng tawad ang mga kasalanan ko. Sisiguraduhin ko ring dumating nang maaga sa simbahan para makinig sa prelude music at madama ang Espiritu.
-
Sa oras ng sakramento, aalalahanin ko si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Mapanalangin kong rerebyuhin kung ano ang nagawa kong tama at nagawa kong mali. Itatanong ko sa aking sarili, “Panginoon, ano pa ang kulang sa akin?” (tingnan sa Mateo 19:20).
-
Sa araw-araw pagkatapos ng sakramento, ipagdarasal ko na tulungan akong magpakabait at alalahanin si Cristo.
Nang sundin ko ang aking plano, talagang lalong napamahal sa akin ang sakramento! Gustung-gusto kong magdasal sa Ama sa Langit at kausapin Siya tungkol sa buhay ko. Anuman ang pag-uugali ko sa nakaraang linggo, lagi kong pinasasalamatan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang pagkakataong magbago at maging mas mabait. Ngayo’y alam ko nang hindi lang para sa araw ng Linggo ang sakramento; ito’y para sa bawat araw.