2016
Pananatiling Matatag sa France
July 2016


Mga Profile ng Young Adult

Pananatiling Matatag sa France

Bilang miyembro ng Simbahan na nasa French Army, umaasa si Pierre sa pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan para maipakita ang halimbawa ng kanyang pananampalataya.

pierre-in-france

Ang training para maging piloto ng helicopter ay isang oportunidad na hindi nakakamtan ng karamihan. Ngunit nang magpasiyang umanib si Pierre O., edad 24, sa French Army, nakamtan niya iyon. Ngayon sa kanyang ikalawang taon ng apat-na-taong training, ginagawa ni Pierre ang lahat para mamuhay bilang halimbawa ng mga nagsisisampalataya, sa kabila ng sitwasyon sa kanyang paligid.

Nakadestino sa labas ng Bordeaux, sa timog-kanlurang France, na isang oras at kalahati ang layo, malayo si Pierre sa kanyang mga kaibigan, pamilya, at sa bayan ng Rennes kung saan siya ipinanganak. Ang pinakamalapit na meetinghouse ay isang oras ang layo, ibig sabihin ay hindi niya gaanong nakakasalamuha ang mga miyembro sa buong linggo. “Hindi madaling maging miyembro ng Simbahan kapag nasa army,” sabi ni Pierre, “dahil napakaraming tukso at talagang magkaiba ang dalawang mundong ito. Huhusgahan kang masyado sa army hindi batay sa ginagawa mo kundi sa kung sino ka.” Nais ni Pierre na makita ng mga nakapaligid sa kanya na hindi siya umiinom ng alak, naninigarilyo, nanonood ng pornograpiya, o nakikipag-party—na karaniwang ginagawa sa army—dahil sa kung sino siya: isang miyembro ng Simbahan. Bagama’t nahihirapan siyang makuha ang respeto ng mga nakapaligid sa kanya, nakakatulong ang pagdarasal at pag-aaral ng banal na kasulatan para manatiling matatag ang kanyang patotoo. “Sinisikap kong huwag matulog nang hindi muna nagbabasa ng aking mga banal na kasulatan,” paliwanag niya, “at sinisikap kong magdasal tuwing may pagkakataon ako.”

“Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal ay nakatulong nang malaki sa akin habang nag-aaral ako na malaman na mayroong Diyos, na nariyan Siya—kahit hindi ko talaga nauunawaan ang iba pang bagay tungkol sa ebanghelyo,” paliwanag ni Pierre. “Alam ko lang na naroon ang Diyos, kaya nakatulong ito sa akin na manatili sa tamang landas.”

Ang pundasyong iyon ng pag-aaral ng banal na kasulatan ay nagpalakas kay Pierre sa buong panahon ng kanyang pag-aaral at kahit ngayon sa kanyang army training. Bago umanib sa army, nagmisyon si Pierre sa Montreal, Quebec, Canada, kung saan tumatag ang kanyang patotoo at pag-unawa sa ebanghelyo.

“Ang mga banal na kasulatan ay isa sa mga pinakatiyak na paraan na sinasagot tayo ng Ama sa Langit,” wika niya.

Sa pamamagitan ng kanyang araw-araw na pagdarasal at pag-aaral ng banal na kasulatan, hindi lamang tumatanggap ng inspirasyon si Pierre kundi nagiging halimbawa pa siya sa kanyang army unit. Magkakaiba man sila ng mga kaklase niya sa maraming bagay maliban sa pagmamahal sa bayan, alam ni Pierre na sa pagsunod sa mga turo ng mga banal na kasulatan, magiging isang tao siya na rerespetuhin nila dahil sa at hindi sa kabila ng kanyang mga paniniwala.