2016
Isang Templo sa Kabilang Panig ng Mundo
July 2016


Isang Templo sa Kabilang Panig ng Mundo

Robin Estabrooks, Virginia, USA

Noong nagdadalaga ako sumapi ako sa Simbahan nang labag sa kalooban ng pamilya ko. Noong nasa edad 20s na ako, sinimulan kong gawin ang aking family history matapos pumanaw ang aking ama. Hindi nagtagal, naging abalang asawa at ina ako ng maliliit na anak, at natigil ang paggawa ko ng family history.

Dahil wala akong kapamilya sa Simbahan, nagkaroon ako ng matinding hangaring magsaliksik ng aking family history. Gustung-gusto kong gawin ito at matagal ko nang inasam na magkaroon ng mas maraming oras para dito.

Pagsapit ko sa edad na 33, hindi inaasahang nagsimulang manghina ang katawan ko. Bagama’t nakakapag-hiking ako noon kasama ang pamilya ko, ngayo’y hirap na akong maglakad sa paligid namin. Ang paglilinis ng bahay nang dalawang oras sa araw ng Sabado ay naging imposible, at masaya na ako kung makatapos akong mag-vacuum. Bagama’t marami akong kaibigan noon, ngayo’y kaunti na lang ang mga kabarkada ko dahil hindi na nila ako makasama sa lakaran na gaya ng dati.

Sa panahong ito sinimulan kong balikan ang paggawa ng aking family history. Nagsimulang magsaliksik ang anak kong babae sa panig ng tatay niya at isang gabi lang ay tinapos niya ang gawaing natapos ko nang maraming taon. Nakumpleto ko ang ilang henerasyon ng aking mga ninuno at isinumite ko ang mga pangalan sa templo para matapos ang gawain. Noon ko pa gusto na ako mismo ang magpunta sa templo para sa aking mga kapamilya, pero hindi ito naging posible dahil mahina ang kalusugan ko at malayo rin ang templo.

Matapos isumite ang mga pangalan, napaiyak ako, na para bang binigo ko ang aking mga kapamilya dahil wala ako roon sa espesyal na araw na ginagawa ang mga ordenansa para sa kanila. Pagkaraan ng isang linggo nang mag-log in ako sa FamilySearch.org para tingnan ang progreso ng ginagawa para sa kanila sa templo, may nakita akong isang kagila-gilalas na bagay. Hindi lamang kinukumpleto ang gawain, kundi mga miyembro sa Accra Ghana Temple ang nagsasagawa ng gawain! Gulat na gulat akong malaman na mga miyembro sa kabilang panig ng mundo ang nagsasagawa ng gawain sa templo para sa aking maliit na pamilya. Muli akong napaluha nang maisip ko ang mga sakripisyo ng mga tao sa Ghana sa paglalakbay nila papunta sa templo para sa aking pamilya. Labis akong nagpapasalamat sa mga miyembrong iyon ng Accra Ghana Temple district na ginawa ang hindi ko kayang gawin: pumunta sa templo at ipagkaloob sa pamilya ko ang mga pagpapala ng mga ordenansa sa templo.