2017
Lumakad Kang Kasama Ko
May 2017


“Lumakad Kang Kasama Ko”

Ang ating ordenasyon sa priesthood ay isang paanyaya mula sa Panginoon na lumakad kasama Niya, gawin ang ginawa Niya, maglingkod ng tulad sa Kanyang paglilingkod.

Mahal kong mga kapatid sa priesthood, ang layunin ko ngayon ay panatagin at pasiglahin kayo sa inyong paglilingkod bilang maytaglay ng priesthood. Sa ilang kaparaanan, ito ay katulad sa layuning naisip ko na mayroon ang Tagapagligtas nang makatagpo Niya ang isang mayamang binata na nagtanong, “Ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako’y magkaroon ng buhay na walang hanggan?” (Mateo 19:16). Marahil dumalo kayo sa kumperensyang ito, tulad ng paglapit ng binatang ito sa Tagapagligtas, na iniisip kung naging katanggap-tanggap ang inyong paglilingkod. At maaaring nadama rin ninyo na marami pang gagawin—marahil mas marami pa! Dalangin ko na maiparating ko sa inyo ang magiliw na pagsang-ayon ng Panginoon para sa nagawa na ninyo, at kasabay nito ay maipasulyap sa inyo ang maaari pa ninyong magawa, sa tulong Niya, bilang maytaglay ng Kanyang banal na priesthood.

Ang mayamang binata ay inutusang ipagbili ang lahat ng tinatangkilik niya at sumunod sa Tagapagligtas; maaaring hindi iyan iutos sa inyo sa pagsulong ninyo sa hinaharap, ngunit maaaring kailanganin ang ibang uri ng pagsasakripisyo. Alinman dito, umaasa ako na ang aking mensahe ay hindi magiging dahilan upang “yumaon [kayong] namamanglaw” tulad ng binata. (Tingnan sa Mateo 19:20–22.) Sa halip ay tiwala ako na “[hahayo] kayong nagagalak” (D at T 84:105) dahil nais ninyong mas umunlad at iniisip na kaya ninyo ito.

Gayunpaman, normal lang na makadama ng ilang kakulangan kapag inisip natin ang tungkuling iniatas sa atin ng Panginoon. Sa katunayan, kung sasabihin ninyo sa akin na kayang-kaya ninyong gampanan ang inyong mga tungkulin sa priesthood, maaaring mag-alala ako na hindi ninyo nauunawaan ang mga ito. Sa kabilang banda, kung sasabihin ninyo sa akin na parang gusto na ninyong sumuko dahil hindi ninyo ito kaya, sa gayon ay gusto ko kayong tulungan na maunawaan kung paano mas pinatatatag at pinalalakas ng Panginoon ang mga maytaglay ng Kanyang priesthood para magawa ang mga bagay na hindi nila magagawa nang mag-isa.

Totoo rin ito sa akin sa aking tungkulin pati na rin sa inyo sa inyong tungkulin. Walang sinuman sa atin ang makagagawa ng gawain ng priesthood, at magagawa ito nang mahusay, na umaasa lamang sa sarili nating karunungan at mga talento. Iyan ay sa kadahilanang hindi natin ito gawain—ito ay gawain ng Panginoon. Kaya’t ang tanging paraan para magtagumpay ay umasa sa Kanya, ikaw man ay bagong tawag na deacon na binigyan ng gawain na magdala ng kaunting espirituwal na lakas sa ordenansa ng sakramento; o isang home teacher na inatasan ng Panginoon na mahalin at paglingkuran ang pamilya na hindi mo kilala at tila ayaw tanggapin ang iyong pagmamahal at paglilingkod; o isang ama na nakaaalam na kailangan mong pamunuan ang iyong tahanan sa kabutihan, ngunit marahil ay hindi nakatitiyak kung paano ito gawin, at ang oras ay tila napakabilis, dahil ang mga anak ay mabilis na naglalakihan at ang mundo ay tila napakalupit at napakasama.

Kaya’t kung tila nadarama ninyong nahihirapan kayo, isipin na iyan ay isang magandang palatandaan. Ipinapakita nito na nadarama ninyo ang malaking pagtitiwala na ibinigay sa inyo ng Diyos. Ibig sabihin nito ay nauunawaan ninyo nang kaunti kung ano talaga ang priesthood.

Kakaunting tao sa mundo ang lubos na nakauunawa nito. Kahit ang mga taong alam ang kahulugan nito ay maaaring hindi ito tunay na nauunawaan. May ilang banal na kasulatan na, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu na dala nito, ay makapagpapalalim ng ating pagpapahalaga sa banal na priesthood. Narito ang ilan sa mga banal na kasulatang iyon:

“Ang kapangyarihan at karapatan ng … Pagkasaserdoteng Melquisedec, ay humawak ng mga susi ng lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan—

“Upang magkaroon ng pribilehiyong makatanggap ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, upang mabuksan ang langit sa kanila, upang makipag-usap sa pangkalahatang pagpupulong at simbahan ng Panganay, at upang ikalugod ang pakikipag-usap at pagharap ng Diyos Ama, at ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan.

“Ang kapangyarihan at karapatan ng … Pagkasaserdoteng Aaron, ay hawakan ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel” (D at T 107:18–20).

“Sa mga ordenansa [ng priesthood], ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita. …

“Sapagkat kung wala nito walang tao ang makakikita sa mukha ng Diyos, maging ng Ama, at mabubuhay” (D at T 84:20, 22).

“Itong mataas na pagkasaserdote [ay] alinsunod sa orden ng kanyang Anak [ng Diyos], kung aling orden ay mula pa sa pagkakatatag ng daigdig; o sa ibang salita, walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon, na inihanda mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, alinsunod sa kanyang kaalaman sa mula’t mula pa ng lahat ng bagay” (Alma 13:7).

“Bawat taong maordenan alinsunod sa ordeng ito at tungkulin ay magkakaroon ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng pananampalataya, na guhuin ang mga bundok, hatiin ang mga karagatan, patuyuin ang mga tubig, na iliko ang mga ito mula sa kanilang mga pinagdadaluyan;

“Na mapaglabanan ang mga hukbo ng mga bansa, hatiin ang lupa, pagwatak-watakin ang bawat pangkat, na makatindig sa harapan ng Diyos; na maisagawa ang lahat ng bagay alinsunod sa kanyang kalooban, alinsunod sa kanyang utos, na supilin ang mga pamunuan at kapangyarihan; at ito ay alinsunod sa kalooban ng Anak ng Diyos na naroroon na bago pa man ang pagkakatatag ng daigdig” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:30–31 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]).

Ang isang paraan ng pagtugon sa gayong napakagandang paglalarawan ng kapangyarihan ng priesthood ay ang isipin na hindi ito angkop sa atin. Ang isa pang paraan ng pagtugon ay sa pamamagitan ng mga tanong na sumusuri sa kaibuturan ng kaluluwa, na itinanong sa ating sariling puso, tulad nito: Nadama ko ba na nabuksan ang kalangitan sa akin? Gagamit ba ang sinuman ng pariralang “paglilingkod ng mga anghel” para ilarawan ang paglilingkod ko bilang maytaglay ng priesthood? Nadala ko ba ang “kapangyarihan ng kabanalan” sa buhay ng mga pinaglilingkuran ko? Nakapagpaguho na ba ako ng isang bundok, nalabanan ko na ba ang isang hukbo, napagwatak-watak ko na ba ang mga pangkat ng tao, o nasupil ang mga kapangyarihan sa mundo—kahit sa patalinghagang paraan lang—upang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos?

Ang gayong pagsusuri sa sarili ay palaging nagdudulot ng pakiramdam na marami pa tayong magagawa sa paglilingkod sa Panginoon. Umaasa ako na magdudulot din ito sa inyo ng pakiramdam na gusto ninyong marami pang magawa—pag-asam na lubos na makibahagi sa mahimalang gawain ng Panginoon. Ang gayong pakiramdam ay unang hakbang sa pagiging uri ng mga kalalakihan na siyang layunin ng paglilingkod bilang maytaglay ng priesthood.

Ang susunod na hakbang ay inilarawan sa pag-uusap ni Jehova at ni Enoc. Alam natin na si Enoc ay isang makapangyarihang propeta na nagtayo ng Sion sa gitna ng matinding kasamaan. Ngunit bago siya naging isang makapangyarihang propeta, nakita ni Enoc ang kanyang sarili bilang “isang bata lamang, … mabagal sa pagsasalita,” at kinamuhian ng lahat ng tao (Moises 6:31). Pakinggan ang mga salitang ginamit ng Panginoon para palakasin ang loob ni Enoc. Ito rin ang mga salita Niya sa inyo na mga tinawag upang maglingkod sa iba bilang mga maytaglay ng priesthood:

“At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Humayo at gawin mo gaya ng aking ipinag-utos sa iyo, at walang taong mananakit sa iyo. Ibuka mo ang iyong bibig, at ito ay mapupuno, at akin kitang bibigyan ng sasabihin, sapagkat ang lahat ng laman ay nasa aking mga kamay, at aking gagawin ang inaakala kong makabubuti. …

“Masdan, ang aking Espiritu ay nasa iyo, dahil dito ang lahat ng iyong salita ay pangangatwiranan ko; at ang mga bundok ay maglalaho sa harapan mo, at ang mga ilog ay liliko mula sa pinag-aagusan nito; at ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo; kaya nga, lumakad kang kasama ko” (Moises 6:32, 34).

Mga kapatid, ang ating ordenasyon sa priesthood ay isang paanyaya mula sa Panginoon na lumakad kasama Niya. At ano ang ibig sabihin ng lumakad kasama ng Panginoon? Ibig sabihin nito ay gawin ang ginawa Niya, maglingkod tulad sa paraan ng Kanyang paglilingkod. Isinakripisyo Niya ang sarili Niyang kaginhawahan para pagpalain ang mga nangangailangan, at iyan ang pinagsisikapan nating gawin. Tila partikular Niyang pinagtuunan ng pansin ang mga taong nakaligtaan at itinakwil ng lipunan, at iyan din ang dapat pagsikapan nating gawin. Nagpatotoo Siya nang buong tapang subalit nang may pagmamahal tungkol sa totoong doktrinang natanggap Niya mula sa Kanyang Ama, bagama’t hindi ito gusto ng maraming tao, at dapat ganyan din ang gawin natin. Sinabi Niya sa lahat, “Magsiparito sa akin” (Mateo 11:28), at sinasabi natin sa lahat, “Magsilapit sa Kanya.” Bilang mga maytaglay ng priesthood, tayo ay Kanyang mga kinatawan. Hindi tayo kumikilos para sa ating sarili kundi para sa Kanya. Hindi natin sinasalita ang ating mga salita kundi ang Kanyang mga salita. Mas nakikilala Siya ng mga taong pinaglilingkuran natin dahil sa ating paglilingkod.

Kapag tinanggap natin ang paanyaya ng Panginoon na “Lumakad kang kasama ko,” nagbabago ang uri ng paglilingkod natin bilang mga maytaglay ng priesthood. Ito ay nagiging mas mataas at dakila ngunit mas kayang magawa, dahil alam nating hindi tayo nag-iisa. Tumimo ito nang matindi sa akin nang ipatong ni Pangulong Thomas S. Monson ang kanyang mga kamay sa aking ulo siyam na taon na ang nakararaan at binasbasan ako sa pagsisimula ng aking paglilingkod sa kasalukuyan kong tungkulin. Sa basbas na iyan, binanggit niya ang mga salitang ito ng Tagapagligtas: “At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).

Nagtiwala ako sa pangakong iyan nang maraming beses, at nakita kong natupad ito sa maraming paraan sa buong 72 taong paglilingkod ko bilang maytagaly ng priesthood. Nangyari ito noong ako ay isang bagong Aaronic Priesthood holder na may tungkuling magpasa ng sakramento. Takot na baka magkamali ako, lumabas ako ng chapel bago magsimula ang sacrament meeting at nanalangin nang husto na tulungan ako ng Diyos. Dumating ang sagot. Nadama ko na kasama ko ang Panginoon. Nadama ko ang Kanyang pagtitiwala sa akin, kaya’t nagtiwala ako na bahagi ako ng Kanyang gawain.

Nangyari itong muli noong naglilingkod ako bilang bishop. Nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa isang babae na nakagawa ng mabigat na kasalanan at ngayon ay nahaharap sa mahirap na desisyon. Nang kausapin ko siya, nadama ko na alam ko na ang sagot sa kanyang problema, ngunit nadama ko rin na hindi ko dapat ibigay ang sagot na iyon sa kanya—kailangang siya mismo ang maghanap nito. Ang sinabi ko sa kanya ay “Naniniwala ako na sasabihin sa iyo ng Diyos kung ano ang dapat gawin kung tatanungin mo Siya.” Kalaunan ay ibinalita niya sa akin na tinanong niya ang Diyos, at sinagot siya.

Sa isa pang pangyayari, isang pang tawag sa telepono ang dumating noong bishop ako—at sa pagkakataong ito mula sa pulis. Ikinuwento sa akin na isang lasing na drayber ang ibinunggo ang kanyang sasakyan sa lobby ng isang bangko. Nang makita ng natarantang drayber na nakaumang sa kanya ang baril ng guwardya, humiyaw siya ng, “Huwag po kayong magpaputok! Mormon ako!”

Napag-alamang ang lasing na drayber ay miyembro ng aming ward, na kamakailan lang nabinyagan. Habang naghihintay ako na makausap siya sa opisina ng bishop, binalak kong pagsabihan siya para makadama siya ng pagsisisi dahil hindi niya tinupad ang kanyang mga tipan at ipinahiya ang Simbahan. Ngunit habang nakaupo ako at nakatingin sa kanya, narinig ko ang isang tinig sa aking isipan na nagsabing, “Ipapakita ko sa iyo ang nakikita ko sa kanya.” At pagkatapos, sa maikling sandali, nagbago ang buong kaanyuan niya. Hindi ko nakita ang isang tulirong binata kundi isang malinis, masaya, at marangal na anak ng Diyos. Bigla kong nadama ang pagmamahal ng Panginoon para sa kanya. Binago ng nakita kong iyon ang aming pag-uusap. Binago rin ako nito.

Natuto ako ng mahahalagang aral mula sa karanasang ito sa paglakad kasama ng Panginoon sa paggawa ng Kanyang gawain. Nais kong ibahagi sa inyo ang tatlo sa mga ito. Ang una ay pinapansin at tutulungan ng Diyos maging ang pinakabago at pinakabatang deacon. Hindi ninyo kailangang madama na napakaliit ninyo o hindi kayo mahalaga para sa Kanya para hindi Niya kayo pansinin at ang paglilingkod na ibinibigay ninyo sa Kanyang pangalan.

Ang pangalawang aral ay ang gawain ng Panginoon ay hindi lamang upang lumutas ng mga problema; kundi upang palakasin at patatagin ang mga tao. Kaya kapag lumalakad kayo kasama Niya sa paglilingkod bilang maytaglay ng priesthood, malalaman ninyo na kung minsan ang tila pinakamahusay na solusyon ay hindi ang gustong solusyon ng Panginoon dahil hindi ito nagdudulot ng pag-unlad sa mga tao. Kung makikinig kayo, ituturo Niya ang Kanyang mga paraan. Tandaan na ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay hindi lang ang pamahalaan nang epektibo ang organisasyon; ito ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Kaya nga, ito ang dahilan kung bakit Niya ibinigay ang Kanyang priesthood sa mga mortal na may kahinaan tulad ko at ninyo at inaanyayahan tayo na makibahagi sa Kanyang gawain. Ang ating pag-unlad ay Kanyang gawain!

Ngayon ang pangatlong aral: Ang paglakad kasama ng Tagapagligtas sa paglilingkod bilang maytaglay ng priesthood ay magpapabago sa paraan ng pagtingin ninyo sa iba. Tuturuan Niya kayo na makita sila sa pamamagitan ng Kanyang mga mata, ibig sabihin hindi tumitingin sa panlabas na anyo kundi sa puso (tingnan sa I Samuel 16:7). Ganito tiningnan ng Tagapagligtas si Simon, hindi bilang isang pabigla-biglang mangingisda kundi bilang si Pedro, ang matapat na lider ng Kanyang Simbahan sa hinaharap (tingnan sa Lucas 5:1–11). Ganito Niya tiningnan si Zaqueo hindi bilang tiwaling maniningil ng buwis tulad ng inisip ng iba kundi isang matapat, matwid na anak ni Abraham (tingnan sa Lucas 19:1–9). Kung matagal na kayong lumalakad kasama ng Tagapagligtas, matututuhan ninyong tingnan ang lahat bilang anak ng Diyos na may walang hanggang potensyal, anuman ang naging nakaraan niya. At kung patuloy kayong lalakad kasama ng Tagapagligtas, magkakaroon kayo ng isa pang kaloob na taglay Niya—ang kakayahang tulungan ang mga tao na makita ang potensyal na iyan sa kanilang sarili at magsisi.

Mga kapatid sa priesthood, sa maraming paraan, para tayong tulad ng dalawang disipulong naglakad sa daan patungo sa Emaus sa unang Linggo ng Pagkabuhay. Umaga iyon ng Pagkabuhay na Mag-uli, ngunit hindi pa nila tiyak kung nangyari nga ang pagkabuhay na mag-uli o kung ano ang kahulugan ng pagkabuhay na mag-uli. “Hinihintay [nila si Jesus ng Nazaret na] tutubos sa Israel,” ngunit “makukupad ang mga pusong magsisampalataya” sa lahat ng bagay na itinuro ng mga banal na kasulatan tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Habang naglalakad sila at nag-uusap, “si Jesus din ay lumapit, at nakisabay sa kanila. Datapuwa’t sa mga mata nila’y may nakatatakip upang siya’y huwag nilang makilala.” (Tingnan sa Lucas 24:13-32.)

Nagpapatotoo ako na kapag tinahak natin ang landas ng paglilingkod bilang mga maytaglay ng priesthood, sumasama sa atin si Jesucristo, dahil ito ang Kanyang landas, ang Kanyang daan. Ginagabayan tayo ng Kanyang liwanag, at nakapaligid sa atin ang Kanyang mga anghel. Maaaring hindi natin lubos na nauunawaan kung ano ang priesthood o kung paano ito gamitin tulad ng paggamit Niya nito. Ngunit kung titingnan nating mabuti ang mga sandaling iyon noong ang ating mga puso ay “nagaalab sa loob natin” (Lucas 24:32), mabubuksan ang ating mga mata, at makikita natin ang Kanyang kamay sa ating buhay at sa ating paglilingkod. Nagpapatotoo ako na makikilala natin Siya nang lubusan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Kanya at paglilingkod sa Kanya sa dakilang gawain na pagdadala ng kaligtasan sa mga anak ng Diyos. “Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?” (Mosias 5:13). Si Jesucristo ang ating Panginoon. Ito ang Kanyang Simbahan. Sa Kanya ang priesthood na taglay natin. Nawa’y piliin ng bawat isa sa atin na lumakad kasama Niya at malaman kung paano Siya lumalakad kasama natin.

Taimtim akong nagpapatotoo sa inyo na si Jesus ang Cristo, ang ating nabuhay na mag-uling Panginoon. Pinatototohanan ko sa inyo na ang priesthood na ipinagkatiwala Niya sa atin ay ang kapangyarihan na mangusap at kumilos sa Kanyang pangalan. Tayo ay mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit na sumasagot sa ating mga panalangin at nagsusugo ng Espiritu Santo upang palakasin tayo sa lahat ng ating mga responsibilidad sa priesthood na mapalad nating natanggap. Nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak. Natanggap niya ang mga susi ng priesthood na ipinasa at ipinagkaloob hanggang kay Pangulong Thomas S. Monson, na gumagamit nito ngayon. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.