2017
Sa mga Kaibigan at Investigator ng Simbahan
May 2017


Sa mga Kaibigan at Investigator ng Simbahan

Kung kayo ay magsisikap na tumanggap ng paghahayag, magpapakumbaba, magbabasa, magdarasal, at magsisisi, mabubuksan ang kalangitan at malalaman ninyo na si Jesus ang Cristo.

Isang Biyernes ng hapon, Setyembre 16, 1988, sa Vicente López Ward meetinghouse sa Buenos Aires, Argentina, nabinyagan akong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bininyagan ako ng aking napakabuting kaibigan na si Alin Spannaus noong araw na iyon, at masaya ako, magaan ang pakiramdam ko, at sabik akong matuto pa.

Binyag ni Elder Costa

Ngayon, gusto kong magbahagi ng ilang aral na natutuhan ko sa aking landas patungo sa binyag—mga aral na sana’y makatulong sa mga nakikinig na hindi miyembro ng Simbahan. Dalangin ko na tulad ko ay maantig din ng Espiritu ang mga puso ninyo.

Una, Pakikipagkilala sa mga Missionary

Bakit magiging interesado ang isang taong walang mahihirap na hamon, pangangailangan, o tanong na makilala ang mga missionary at makinig sa mga itinuturo nila? Sa sitwasyon ko, pag-ibig ang dahilan—pag-ibig sa isang babae, si Renee. Umibig ako sa kanya, at gusto ko siyang pakasalan. Iba siya at iba ang mga pamantayan niya kaysa halos lahat ng dalagang kilala ko. Pero umibig ako sa kanya at inalok ko siya ng kasal—at tumanggi siya!

Elder at Sister Costa

Nalito ako. Akala ko ay kaibig-ibig ako! Guwapo ako, 24 anyos, tapos ng kolehiyo at maganda ang trabaho. Sinabi niya ang mga pangarap niya—na magpakasal lang sa isang lalaking magdadala sa kanya sa templo, na magkaroon ng walang-hanggang pamilya—at tinanggihan niya ang alok ko. Gusto kong ipagpatuloy ang relasyon, kaya pumayag akong makinig sa mga missionary. Magandang dahilan ba ito para kausapin ang mga missionary? Para sa akin, oo.

Nang una kong makausap ang mga missionary, hindi ko naunawaan ang karamihan sa mga sinabi nila, at para sabihin sa inyo ang totoo, hindi ko yata sila masyadong pinakinggan. Hindi ako interesado sa isang bagong relihiyon. Gusto ko lang patunayan na mali sila at magkaroon ng panahon na kumbinsihin si Renee na magpakasal pa rin sa akin.

Ngayon ay may mga anak na ako na nakapagmisyon at nasa misyon, at nauunawaan ko ang mga sakripisyong ginagawa ng mga binata’t dalagang ito para maituro ang ebanghelyo ni Jesucristo. Sana ay mas nakinig ako kina Elder Richardson, Elder Farrell, at Elder Hyland, ang mababait na missionary na nagturo sa akin.

Kaya, mula sa unang lesson ko, sinasabi ko sa inyo mga kaibigan at investigator ng Simbahan: kapag nakilala ninyo ang mga missionary, seryosohin sana ninyo sila; nag-uukol sila ng mahahalagang taon ng kanilang buhay para lang sa inyo.

Pangalawa, Pagsisimba

Noong una akong dumalo sa isang pulong ng Simbahan, marami akong narinig na walang katuturan sa akin. Sino ang mga Beehive? Ano ang Aaronic Priesthood? ang Relief Society?

Kung ngayon lang kayo nakadalo sa isang pulong ng Simbahan at nalilito kayo sa isang bagay na hindi ninyo maunawaan, huwag mag-alala! Wala rin akong alam noon. Pero naaalala ko pa ang mga impresyon, ang damdamin ng kapayapaan at kagalakan na bago sa akin. Hindi ko iyon alam noon, pero ibinubulong ng Espiritu Santo sa mga tainga at puso ko, “Tama ito.”

Kaya pahintulutan akong ibahagi ang aral na ito sa isang pangungusap: kung nalilito kayo, huwag mag-alala; alalahanin ang nadama ninyo; nagmumula iyon sa Diyos.

Pangatlo, Pagbabasa ng Aklat ni Mormon

Pagkaraan ng ilang pakikipag-usap sa mga missionary, hindi ako gaanong sumusulong. Pakiramdam ko ay hindi ko natanggap ang pagpapatibay sa katotohanan ng ebanghelyo.

Isang araw, tinanong ako ni Renee, “Binabasa mo ba ang Aklat ni Mormon?”

Sabi ko, “Hindi.” Nakikinig ako sa mga missionary—hindi pa ba sapat iyon?

May luha sa kanyang mga mata na tiniyak sa akin ni Renee na alam niya na ang Aklat ni Mormon ay totoo at ipinaliwanag na kung gusto kong malaman kung totoo ito, ang tanging paraan ay—hulaan ninyo—basahin ito! At pagkatapos ay magtanong!

Magbasa, magbulay-bulay sa inyong puso, at “itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, … nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo” (Moroni 10:4) kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, kung ito ang totoong Simbahan.

Kaya ang pangatlong aral, sa isang pangungusap: Kapag natanggap ninyo ang mga bagay na ito—ang Aklat ni Mormon—at pinayuhan kayong basahin ito at magtanong sa Diyos kung ito ay totoo, sumunod lang kayo!

Ang huli, Pagsisisi

Ang huling karanasang gusto kong ibahagi ay tungkol sa pagsisisi. Nang matapos ko ang lahat ng lesson ng mga missionary, hindi pa rin ako kumbinsido na may kailangan akong baguhin sa buhay ko. Si Elder Cutler, isang binata at kumpyansang missionary na kakaunti ang alam na Spanish, ang nagsabi isang araw, “Joaquin, basahin nating dalawa ang Alma 42, at isasama natin ang pangalan mo habang binabasa natin ito.”

Sa isip ko ay kalokohan iyon, pero ginawa ko ang ipinagawa ni Elder Cutler at binasa ko ang talata 1: “At ngayon, [Joaquin,] anak ko, nahihiwatigan ko na kahit paano ay mayroon pang bumabalisa sa iyong isipan, na hindi mo maunawaan.” Naku! Kinakausap ako ng aklat.

At binasa namin ang talata 2: “Ngayon masdan, [Joaquin,] anak ko, ipaliliwanag ko sa iyo ang bagay na ito,” at pagkatapos ay inilarawan ang Pagkahulog ni Adan.

At pagkatapos sa talata 4: “At sa gayon ating nakikita na may isang panahong ipinagkaloob [kay Joaquin] upang magsisi.”

Patuloy kaming nagbasa nang dahan-dahan, talata sa talata, hanggang sa marating namin ang huling tatlong talata. Pagkatapos ay naapektuhan ako ng isang malakas na puwersa. Nagsalita ang aklat nang tuwiran sa akin, at nagsimula akong umiyak habang nagbabasa ako, “At ngayon, [Joaquin,] anak ko, hinihiling ko na ang mga bagay na ito ay huwag nang gumulo pa sa iyo, at hayaan na ang iyong mga kasalanan na lamang ang bumagabag sa iyo, sa yaong pangbabagabag na magdadala sa iyo sa pagsisisi” (talata 29).

Natatanto ko ngayon na inasahan kong tumanggap ng paghahayag nang walang ibinibigay na kapalit. Hanggang sa sandaling iyon hindi pa ako talaga nakipag-usap sa Diyos, at parang kahangalan ang ideyang makipag-usap sa isang taong wala roon. Kinailangan kong magpakumbaba at gawin ang ipinagagawa sa akin kahit, sa aking makamundong isipan, parang kalokohan iyon.

Noong araw na iyon, binuksan ko ang aking puso sa Espiritu, ginusto kong magsisi, at magpabinyag! Bago ang sandaling iyon, akala ko ay negatibo ang magsisi na nauugnay lamang sa kasalanan at pagkakamali, pero biglang nag-iba ang pananaw ko rito—na isang bagay ito na positibo na nagbigay-daan sa paglago at kaligayahan.

Narito si Elder Cutler ngayon, at gusto ko siyang pasalamatan sa pagmumulat sa akin. Bawat desisyong nagawa ko sa buhay simula noon ay naimpluwensyahan ng sandaling iyon na nagpakumbaba ako at nagdasal na mapatawad, at naging bahagi ng buhay ko ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo para sa akin.

Kaya ang huling lesson, sa isang pangungusap: magsisi; walang mas maglalapit sa inyo sa Panginoong Jesucristo kaysa sa hangarin ninyong magbago.

Mahal kong mga investigator, kaibigan ng Simbahan, kung nakikinig kayo ngayon, malapit na ninyong maranasan ang pinakamalaking kagalakan. Kay lapit na ninyo!

Inaanyayahan ko kayo, nang buong lakas ng puso at mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa: humayo at magpabinyag! Iyan ang pinakamagandang bagay na magagawa ninyo. Babaguhin nito hindi lamang ang inyong buhay kundi maging ang buhay ng inyong mga anak at apo.

Araw ng kasal nina Elder at Sister Costa

Nabiyayaan ako ng Panginoon ng isang pamilya. Pinakasalan ko si Renee, at may apat kaming magagandang anak. At dahil nabinyagan ako, gaya ng propetang si Lehi noong unang panahon, ay maaari ko silang anyayahan na makibahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay, na siyang pag-ibig ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 8:15; 11:25). Matutulungan ko silang lumapit kay Cristo.

Kaya pag-isipan sana ninyo ang mga karanasan ko, at (1) seryosohin ang mga missionary, (2) magsimba at alalahanin ang mga espirituwal na damdamin, (3) basahin ang Aklat ni Mormon at itanong sa Panginoon kung ito ay totoo, at (4) magsisi at magpabinyag.

Pinatototohanan ko sa inyo na kung kayo ay magsisikap na tumanggap ng paghahayag, magpapakumbaba, magbabasa, magdarasal, at magsisisi, mabubuksan ang kalangitan at malalaman ninyo na si Jesus ang Cristo, na Siya ang akin at ang inyong Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.