Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos
Nais ng Diyos Ama na makauwing muli ang Kanyang mga anak, sa mga pamilya at sa kaluwalhatian.
Mahal kong mga kapatid, nagagalak ako sa pagkakataong makasama kayo sa pagsisimula ng sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya. Malugod ko kayong binabati.
Ang pangkalahatang kumperensya ay lagi nang isang panahon ng pagtitipon para sa mga Banal sa Huling Araw. Hindi na natin kayang pisikal na magtipon sa isang lugar, ngunit naglaan ng mga paraan ang Panginoon upang makarating ang mga pagpapala ng pangkalahatang kumperensya saanman kayo naroon. Kahanga-hanga mang tingnan ang pagtitipon ng mga Banal sa malaking Conference Center na ito, kami na nakatayo sa pulpitong ito ay palaging naiisip ang milyun-milyong taong nakikipagtipon sa atin sa buong mundo upang manood at makinig sa kumperensya. Marami sa inyo ang katipon ang inyong mga pamilya; ang ilan ay maaaring katipon ang mga kaibigan at kapwa-miyembro ng Simbahan.
Saanman kayo naroroon at paano man ninyo naririnig ang aking tinig, nais kong malaman ninyo na kahit hindi namin kayo kasama nang personal, nadarama namin na kasama namin kayo sa espiritu. Umaasa kami na madarama ninyong lahat na kaisa namin kayo—na madarama ninyo ang pagdating ng espirituwal na lakas tuwing nagtitipon ang mga nananalig sa pangalan ni Jesucristo.
Nahikayat akong magsalita sa inyo ngayon tungkol sa isa pang uri ng pagtitipon. Hindi ito tuwing ikaanim na buwan lamang nangyayari, na tulad ng pangkalahatang kumperensya. Sa halip, patuloy na itong nangyayari simula pa noong mga unang araw ng Pagpapanumbalik ng Simbahan, at bumibilis na ito nitong mga huling taon. Ang tinutukoy ko ay ang pagtitipon sa pamilya ng Diyos.
Para mailarawan ang pagtitipong ito, pinakamainam na magsimula noong bago pa tayo isinilang, bago sumapit ang tinatawag sa Biblia na “pasimula” (Genesis 1:1). Sa panahong iyon, kapiling natin ang Ama sa Langit bilang Kanyang mga espiritung anak. Totoo ito sa bawat taong nabuhay sa daigdig.
Alam ninyo, ang pagtawag ng “brother” at “sister” ay hindi lamang magiliw na pagbati o pagpapadama ng pagmamahal para sa atin. Ito ay pagpapahayag ng isang walang-hanggang katotohanan: ang Diyos ay literal na Ama ng buong sangkatauhan; bawat isa sa atin ay bahagi ng Kanyang walang-hanggang pamilya. Dahil mahal Niya tayo na tulad ng pagmamahal ng isang perpektong Ama, nais Niya tayong lumago at sumulong at maging katulad Niya. Gumawa Siya ng isang plano kung saan paparito tayo sa mundo, sa mga pamilya, at magkakaroon ng mga karanasan na maghahanda sa atin upang makabalik sa Kanya at mabuhay na tulad Niya.
Ang pinakamahalagang bahagi ng planong ito ay ang pangako na iaalay ni Jesucristo ang Kanyang buhay bilang isang sakripisyo, upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Ang tungkulin natin sa planong iyon ay tanggapin ang sakripisyo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. Tinanggap ko at ninyo ang planong ito. Katunayan, nagalak tayo rito, kahit mangahulugan pa ito na lilisanin natin ang presenya ng ating Ama at malilimutan natin ang mga naranasan natin doon sa piling Niya.
Ngunit hindi tayo ipinadala rito na walang kaalam-alam. Bawat isa sa atin ay binigyan ng kaunting liwanag ng Diyos, na tinatawag na “Liwanag ni Cristo,” upang tulungan tayong matukoy ang mabuti sa masama, ang tama sa mali. Kaya nga kahit yaong mga nabubuhay na may kakaunti o walang kaalaman sa plano ng Ama ay nadarama pa rin, sa kanilang puso, na ang ilang gawain ay makatarungan at mabuti samantalang ang iba ay hindi.
Mas matindi ang pag-unawa natin sa tama at mali lalo na sa pagpapalaki sa ating mga anak. Likas sa halos lahat ng magulang ang pagnanais na turuan ng mabubuting asal ang kanyang mga anak. Bahagi ito ng himala ng plano ng Ama sa Langit. Nais Niyang pumarito sa mundo ang Kanyang mga anak, na sinusunod ang walang-hanggang huwaran ng mga pamilya na umiiral sa langit. Ang mga pamilya ang pangunahing unit ng organisasyon sa kawalang-hanggan, kaya nga layon Niyang maging pangunahing unit din sila sa mundo. Kahit malayo sa pagiging perpekto ang mga pamilya sa mundo, binibigyan nila ang mga anak ng Diyos ng pinakamagandang pagkakataon na malugod na tanggapin sa mundo na may pagmamahal na halos katulad ng nadama natin sa langit—ang pagmamahal ng magulang. Ang mga pamilya rin ang pinakamabuting paraan upang maipreserba at maipasa ang mabubuting asal at mga tunay na alituntunin na malamang na umakay sa atin pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.
Kakaunti lamang sa mga anak ng Diyos ang nagtatamo sa buhay na ito ng lubos na pang-unawa sa plano ng Diyos, kabilang na ang pagkakataong makinabang sa mga ordenansa at tipan ng priesthood na ginagawang lubos na epektibo ang kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay. Kahit yaong mga may napakababait na magulang ay maaaring mamuhay nang tapat ayon sa liwanag na taglay nila ngunit hindi kailanman makarinig tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala o maanyayahang magpabinyag sa Kanyang pangalan. Totoo ito para sa milyun-milyon sa ating mga kapatid sa buong kasaysayan ng mundo.
Maaaring isipin ng iba na hindi ito patas. Maaari pa nga nila itong gawing ebidensya na walang plano, walang partikular na mga kinakailangan para maligtas—nadaramang ang isang makatarungan at mapagmahal na Diyos ay hindi lilikha ng isang plano na para lamang sa kakaunti sa Kanyang mga anak. Maaaring ipalagay ng iba na naipasiya na ng Diyos kung sinu-sino sa Kanyang mga anak ang Kanyang ililigtas at ibinigay ang ebanghelyo sa kanila, samantalang yaong mga hindi nakarinig sa ebanghelyo kailanman ay talagang hindi “pinili.”
Ngunit alam ko at ninyo, dahil sa ipinanumbalik na mga katotohanan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, na ang plano ng Diyos ay mas mapagmahal at makatarungan kaysa riyan. Nasasabik ang ating Ama sa Langit na tipunin at pagpalain ang Kanyang buong pamilya. Kahit alam Niya na hindi lahat sa kanila ay pipiliing matipon, binibigyan ng Kanyang plano ang bawat anak Niya ng pagkakataong tanggapin o tanggihan ang Kanyang paanyaya. At ang mga pamilya ang pinakamahalaga sa planong ito.
Ilan daang taon na ang nakalipas, sinabi ng propetang si Malakias na darating ang araw, isusugo ng Diyos si Elijah upang “papagbalikingloob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang” (Malakias 4:6).
Napakahalaga ng propesiyang ito kaya binanggit ito ng Tagapagligtas nang bumisita Siya sa mga lupain ng Amerika matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa 3 Nephi 25:5–6). At nang dalawin ng anghel na si Moroni si Propetang Joseph Smith, binanggit din niya ang propesiya tungkol kay Elijah at sa mga puso, mga ama, at mga anak (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–39).
Ngayon ay Abril 1. Dalawang araw mula ngayon, Abril 3, ang ika-181 taon mula sa araw na natupad ang propesiya ni Malakias. Sa araw na iyon, dumating nga si Elijah, at ibinigay niya kay Joseph Smith ang kapangyarihan ng priesthood na ibuklod ang mga pamilya magpakailanman (tingnan sa D at T 110:13–16).
Mula sa araw na iyon hanggang ngayon, labis na lumago ang interes na magsaliksik ng family history. Sa patuloy na pagdami ng mga taong interesado, tila hindi lamang pag-uusisa ang nakaengganyo sa kanila na saliksikin ang kanilang mga ninuno. Lumitaw ang mga genealogical library, samahan, at teknolohiya sa buong mundo upang suportahan ang interes na ito. Ang kapangyarihan ng internet na mapahusay ang mga komunikasyon ay nagbigay ng kakayahan sa mga pamilya na magtulungan sa paggawa ng family history sa bilis at pagkadetalyado na hindi naging posible noon.
Bakit nangyayari ang lahat ng ito? Dahil walang ibang mas magandang kataga, tinatawag natin itong “diwa ni Elijah.” Matatawag din natin itong “katuparan ng propesiya.” Nagpapatotoo ako na dumating nga si Elijah. Ang puso ng mga anak—sa inyo at sa akin—ay bumaling na sa ating mga ama, sa ating mga ninuno. Ang pagmamahal na nadarama ninyo para sa inyong mga ninuno ay bahagi ng katuparan ng propesiyang iyon. Nakabatay itong masyado sa inyong pag-unawa kung sino kayo. Ngunit hindi lang ito tungkol sa namanang DNA.
Halimbawa, kapag sinunod ninyo ang mga pahiwatig na magsaliksik tungkol sa inyong family history, maaari ninyong matuklasan na ang isang malayong kamag-anak ay kamukha ninyo o mahilig ding magbasa ng aklat o may talento rin sa pag-awit na katulad ninyo. Maaari itong maging kawili-wili at makapagbigay pa ng pang-unawa. Ngunit kung hanggang doon lang ang ginagawa ninyo, madarama ninyo na may kulang pa. Ito ay dahil sa ang pagtitipon at pagkakaisa ng pamilya ng Diyos ay nangangailangan ng higit pa sa mainit na pakiramdam.Nangangailangan ito ng mga sagradong tipan na ginagawa sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood.
Marami sa inyong mga ninuno ang hindi nakatanggap ng mga ordenansang iyon. Ngunit sa awa ng Diyos, natanggap ninyo ang mga iyon. At alam ng Diyos na mapapalapit ang damdamin ninyo sa inyong mga ninuno nang may pagmamahal at na magkakaroon kayo ng teknolohiyang kailangan para matukoy sila. Alam din Niya na mabubuhay kayo sa isang panahon na mas malaki ang pagkakataon na makapasok kayo sa mga banal na templo, kung saan maisasagawa ang mga ordenansa, kaysa sa anumang panahon sa kasaysayan.At alam Niya na maaari Siyang magtiwala na isasagawa ninyo ang gawaing ito para sa inyong mga ninuno.
Siyempre, lahat tayo ay maraming kailangan at mahalagang responsibilidad na kailangan nating asikasuhin at harapin. Lahat tayo ay nakakakita ng mga bahagi ng inaasahan ng Panginoon na gagawin natin na hindi natin kaya. Mabuti na lang, naglaan ng paraan ang Panginoon para magkaroon ng tiwala at kasiyahan ang bawat isa sa atin sa lahat ng ating paglilingkod, kabilang na ang paglilingkod sa family history. Nagtatamo tayo ng lakas na gawin ang Kanyang ipinagagawa sa pamamagitan ng ating pananampalataya na ang Panginoon ay hindi nagbibigay ng anumang kautusan “maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa [atin] upang [ating] maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos” (1 Nephi 3:7).
Alam kong totoo ito dahil naranasan ko ito. Maraming taon na ang nakalipas, noong estudyante ako sa unibersidad, nakilala ko ang isang lalaki na nagtatrabaho sa pinakamalaking computer company sa mundo. Bagu-bago pa lang noon ang computer, at nagkataon lang na pinagbenta siya ng kanyang kompanya ng mga computer sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang masasabi ko, walang relihiyon ang salesman na ito. Subalit sinabi niya nang may pagkamangha at pagkayamot, “Sa simbahang ito ginagawa nila ang tinatawag nilang ‘genealogy,’ naghahanap ng mga pangalan ng mga taong patay na, at sinisikap na matukoy ang kanilang mga ninuno. Palipat-lipat ng filing cabinet ang mga tao, na karamihan ay mga babae, sa paghahanap ng impormasyon sa maliliit na card.” Kung tama ang pagkaalala ko, sinabi niya na ang mga babae ay nakasuot ng tennis shoes para mas mabilis silang makatakbo. Sabi pa ng lalaki, “Nang makita ko ang lawak ng sinisikap nilang gawin, natanto ko na alam ko na kung bakit naimbento ang mga computer.”
At, medyo tama siya. Magiging mahalagang bahagi ng kinabukasan ng gawain sa family history ang mga computer—hindi nga lang ang mga computer na ibinebenta niya. Ipinasiya ng isang inspiradong pinuno ng Simbahan na hindi bilhin ang mga computer niya. Hihintayin pa ng Simbahan ang teknolohiya na sa panahong iyon ay wala pang nakakaisip. Ngunit nalaman ko sa maraming taon simula noon na kahit ang pinakamahusay na teknolohiya ay hinding-hindi mapapalitan ang paghahayag mula sa langit, tulad ng paghahayag na natanggap ng pinunong iyon ng Simbahan. Ito ay isang espirituwal na gawain, at pinamamahalaan ito ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu.
Ilang linggo na ang nakararaan, ginagawa ko ang aking family history na katabi ang isang consultant at isa pang tumutulong na nasa telepono. Nasa computer screen sa harap ko ang isang problemang hindi kayang lutasin ng aking mortal na kaalaman. Nakakita ako ng dalawang pangalan, na ipinadala sa akin ng mga hiwaga ng teknolohiya, ng mga tao na maaaring naghihintay na magawan ng isang ordenansa sa templo. Ngunit ang problema ay magkaiba ang mga pangalan, ngunit may dahilan para paniwalaan na iisang tao lang sila. Ang trabaho ko ay alamin kung ano ang totoo.
Pinakiusapan ko ang mga consultant ko na sabihin sa akin. Sabi nila, “Hindi, kailangan mong pumili.” At siguradung-sigurado sila na matutuklasan ko ang katotohanan. Nabiyayaan ako ng computer, taglay ang lahat ng kapangyarihan at impormasyon, na matitigan ang mga pangalang iyon sa screen, masuri ang ibinigay na impormasyon, magsaliksik pa, manalangin nang tahimik, at matuklasan kung ano ang totoo. Habang nagdarasal ako, nalaman ko nang may katiyakan kung ano ang gagawin—tulad ng nangyari sa ibang mga sitwasyon na kinailangan kong umasa sa tulong ng langit para lutasin ang isang problema.
Hindi natin alam kung anong mga hiwaga ng Diyos ang magbibigay-inspirasyon sa mga tao na lumikha upang makatulong sa Kanyang gawain na tipunin ang Kanyang pamilya. Ngunit anumang kagila-gilalas na mga imbensyon ang dumating, ang paggamit dito ay mangangailangan ng Espiritu na iimpluwensya sa mga taong katulad ko at ninyo. Hindi na tayo dapat masorpresa rito. Tutal, minamahal na mga anak ng Diyos naman sila. Ipadadala Niya ang anumang inspirasyong kailangan upang bigyan sila ng pagkakataong makabalik sa Kanya.
Nitong mga nagdaang taon, tumugon na ang mga kabataan ng Simbahan sa diwa ni Elijah sa isang nakasisiglang paraan. Marami na ngayon ang mayhawak ng sarili nilang limited-use temple recommend at madalas nila itong gamitin. Mas abala na ngayon ang mga bautismuhan sa templo nang higit kailanman; kinailangan pa nga ng ilang templo na i-adjust ang kanilang mga iskedyul para mabigyang-daan ang dumaraming bilang ng mga kabataang dumadalo sa templo.
Bihira noon ngunit nakasisiyang eksepsyon para sa mga kabataan na magdala ng mga pangalan ng kanilang sariling mga ninuno sa templo. Ngayon ay karaniwan na ito, at napakadalas na ang mga kabataan mismo ang nakahanap sa mga ninunong ito.
Bukod pa rito, maraming kabataan ang nakatuklas na ang pagbibigay ng panahon sa paggawa ng family history at gawain sa templo ay nagpalalim sa kanilang patotoo sa plano ng kaligtasan. Napalakas nito ang impluwensya ng Espiritu sa kanilang buhay at napahina ang impluwensya ng kaaway. Natulungan sila nito na mas mapalapit sa kanilang pamilya at sa Panginoong Jesucristo. Natutuhan nila na hindi lamang ang mga pumanaw ang inililigtas ng gawaing ito; lahat tayo ay inililigtas nito (tingnan sa D at T 128:18).
Kahanga-hanga na naunawaan ng mga kabataan ang pananaw na ito; ngayon ay kailangan namang humabol ang kanilang mga magulang. Marami nang tao ang nabinyagan ngayon sa daigdig ng mga espiritu dahil sa ginawa ng mga kabataan, at hinihintay nila ang iba pang mga ordenansa na tanging mga nakatatanda ang makagagawa sa templo sa daigdig na ito. Ang gawain ng pagtitipon sa pamilya ng Ama sa Langit ay hindi lamang para sa mga kabataan, at hindi lamang ito para sa mga lolo’t lola. Ito’y para sa lahat. Lahat tayo ay tagapagtipon.
Ito ang gawain ng ating henerasyon, na tinawag ni Apostol Pablo na “[dispensasyon ng] kaganapan ng mga panahon,” kung kailan sinabi niya na “[titipunin ng Diyos] ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa” (Mga Taga Efeso 1:10). Naging posible ito sa pamamagitan ng nagbabayad-salang gawain ng Pinakamamahal na Anak ng Diyos na si Jesucristo. Dahil sa Kanya, ang mga miyembro ng ating pamilya, “na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo. Sapagka’t siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay [sa atin]” (Mga Taga Efeso 2:13–14). Nadama na ninyo ito, tulad ko, nang maranasan ninyo ang paglago ng pagmamahal nang tingnan ninyo ang larawan ng isang ninuno. Nadama na ninyo ito sa templo nang tila hindi lang isang pangalan ang pangalang nakasulat sa kard, at hindi ninyo napigilang madama na kilala kayo ng taong ito at nadama niya ang inyong pagmamahal.
Pinatototohanan ko na nais ng Diyos Ama na makauwing muli ang Kanyang mga anak, sa mga pamilya at sa kaluwalhatian. Ang Tagapagligtas ay buhay. Pinamamahalaan at pinagpapala Niya ang gawaing ito, at binabantayan at ginagabayan Niya tayo. Nagpapasalamat Siya sa inyo dahil sa inyong matapat na paglilingkod sa pagtitipon sa pamilya ng Kanyang Ama, at nangangako sa inyo ng inspiradong tulong na hinahangad at kailangan ninyo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.