2017
Ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon
May 2017


Ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon

Hinihikayat ko ang bawat isa sa atin na pag-aralan at pagnilayan nang may panalangin ang Aklat ni Mormon araw-araw.

Mahal kong mga kapatid, malugod ko kayong binabati sa pagtitipon nating muli sa magandang pangkalahatang kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bago ko simulan ang aking mensahe sa araw na ito, gusto kong ibalita ang bagong limang templo na itatayo sa mga sumusunod na lugar: Brasília, Brazil; greater Manila, Philippines, area; Nairobi, Kenya; Pocatello, Idaho, USA; at Saratoga Springs, Utah, USA.

Ngayong umaga magsasalita ako tungkol sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon at sa pangangailangang basahin, pagnilayan, at ipamuhay ng mga miyembro ng Simbahan ang mga turo nito. Ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matatag at matibay na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon ay nararapat lamang na bigyang-diin.

Nabubuhay tayo sa panahong puno ng matinding kaguluhan at kasamaan. Ano ang poprotekta sa atin mula sa kasalanan at kasamaan na laganap na sa mundo ngayon? Inihahayag ko na ang matibay na patotoo tungkol sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at sa Kanyang ebanghelyo ang tutulong sa paggabay sa atin patungo sa kaligtasan. Kung hindi ninyo binabasa ang Aklat ni Mormon araw-araw, mangyaring gawin ninyo ito. Kung babasahin ninyo ito nang may panalangin at nang may tapat na hangaring malaman ang katotohanan, ipapakita ng Espiritu Santo ang katotohanan nito sa inyo. Kung ito ay totoo—at taos-puso kong pinatototohanan na totoo ito—ibig sabihin si Joseph Smith ay isang propeta na nakita ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo.

Dahil ang Aklat ni Mormon ay totoo, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay Simbahan ng Panginoon dito sa lupa, at ang banal na priesthood ng Diyos ay naipanumbalik para sa kapakinabangan at pagpapala ng Kanyang mga anak.

Kung wala pa kayong matibay na patotoo sa mga bagay na ito, gawin ninyo ang kailangan para matamo ito. Mahalagang magkaroon kayo ng sariling patotoo sa mahihirap na panahong ito, dahil hindi kayo lubos na matutulungan ng patotoo ng ibang tao. Gayunpaman, kapag nagkaroon na kayo ng patotoo, kailangan itong manatiling masigla at buhay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos at araw-araw na panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Mahal kong mga kasama sa gawain ng Panginoon, hinihikayat ko ang bawat isa sa atin na pag-aralan at pagnilayan nang may panalangin ang Aklat ni Mormon araw-araw. Kapag ginawa natin ito, maririnig natin ang tinig ng Espiritu, mapaglalabanan ang tukso, madaraig ang pag-aalinlangan at pangamba, at tatanggap ng tulong ng langit sa ating buhay. Pinatototohanan ko ito nang buong puso, sa pangalan ni Jesucristo, amen.