Elder Taniela B. Wakolo
General Authority Seventy
Inilaan na ni Elder Taniela Biu Wakolo ang bawat araw ng kanyang buhay sa paglilingkod sa Panginoon mula nang binyagan siya noong Marso 1994.
Isinilang noong 1967 sa maliit na isla ng Lomaloma, Lau, Fiji, kina Taniela Vosa at Temalesi Buadromo Wakolo, si Elder Wakolo ang bunso sa anim na anak. “Lumaki ako sa isang napakaabang tahanan, pero mayaman kami sa pagmamahal sa isa’t isa,” wika niya.
Sa edad na 12, umalis si Elder Wakolo sa bahay ng kanyang mga magulang para mag-aral sa boarding school na may mahigit 500 kabataang lalaki, na edad 12 hanggang 19. “Napakagandang training ground iyon para sa akin,” wika niya. “Dito ako natuto ng disiplina sa sarili.”
Idineyt niya si Anita Herberta Moimoi, isang bagong convert, nang mahigit isang taon. Ikinasal sila noong Agosto 22, 1987, sa Suva, Fiji.
Ang conversion ay hindi dumating nang magdamag para kay Elder Wakolo, at sa unang walong taon ng pagsasama nilang mag-asawa, nakausap niya ang maraming missionary. “Natapos ko ang mga talakayan [ng missionary] nang apat na beses sa loob ng walong taon,” sabi niya. “Naka-24 na missionary ako.”
Isang simpleng tanong mula sa isa sa mga missionary na iyon tungkol sa pangalan ng Simbahan ang nagpabago ng kanyang isip tungkol sa pagpapabinyag. “Kailangang ipangalan ang Simbahan sa may-ari nito,” sabi niya. “Iyon na ang sagot para sa akin.”
Si Elder Wakolo at ang kanyang asawa ay ibinuklod sa Nuku‘alofa Tonga Temple noong 1995. Dalawa ang anak nila.
Agad sinundan ng mga pagkakataong maglingkod ang kanyang binyag. Dalawang linggo matapos siyang mabinyagan, tinawag siya sa ward Young Men presidency at pinagturo sa seminary kasama ng kanyang asawa. Wala pang isang taon pagkaraan, tinanggap niya ang tawag na maglingkod bilang branch president. Kalaunan ay naglingkod siya bilang counselor sa stake presidency, stake president, at Area Seventy. Nang tawagin siya bilang General Authority Seventy, siya ang nangungulo sa Arkansas Little Rock Mission.
Si Elder Wakolo ay nag-aral ng management at public administration at nagtamo ng master‘s degree sa management. Nitong huli, naging manager siya sa Fiji Service Center ng Simbahan.