2017
Ang Panguluhang Diyos at ang Plano ng Kaligtasan
May 2017


Ang Panguluhang Diyos at ang Plano ng Kaligtasan

Dahil nasa atin ang katotohanan tungkol sa Panguluhang Diyos at sa kaugnayan natin sa Kanila, nasa atin ang pinakamaaasahang gabay at tiyak na kaligtasan sa ating paglalakbay sa mortalidad.

I.

Ipinahayag sa ating unang saligan ng pananampalataya, “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.” Nakikiisa tayo sa iba pang mga Kristiyano sa paniniwalang ito tungkol sa Ama at Anak at sa Espiritu Santo, ngunit ang paniniwala natin tungkol sa Kanila ay naiiba sa paniniwala ng iba. Hindi tayo naniniwala sa tinatawag ng Kristiyanismo na doktrina ng Holy Trinity. Sa kanyang Unang Pangitain, nakakita si Joseph Smith ng dalawang magkaibang katauhan, dalawang nilalang, na nagpapatunay na ang laganap na paniniwala noon tungkol sa Diyos at sa Panguluhang Diyos ay hindi totoo.

Taliwas sa paniniwala na ang Diyos ay hindi maarok at mahiwaga, naniniwala tayo na ang katotohanan tungkol sa likas na katangian ng Diyos at ang ating kaugnayan sa Kanya ay maaaring mabatid at mahalaga sa lahat ng iba pa sa ating doktrina. Nakatala sa Biblia ang nakaaantig na Panalangin ng Pamamagitan ni Jesus, kung saan inihayag Niya na, “ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3).

Banal na Biblia

Ang pagsisikap na makilala ang Diyos at ang Kanyang gawain ay nagsimula bago pa man ang mortalidad na ito at hindi matatapos dito. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Matagal pang panahon matapos na kayo ay magdaan [sa] tabing bago ninyo matutuhan [ang lahat ng alituntunin ng kadakilaan].”1 Pinagbabatayan natin ang kaalamang natamo natin sa premortal na daigdig ng mga espiritu. Kaya upang maituro sa mga Israelita ang likas na katangian ng Diyos at ang Kanyang kaugnayan sa Kanyang mga anak, ipinahayag ng propetang si Isaias, ayon sa nakatala sa Biblia:

“Kanino nga ninyo itutulad ang Dios? o anong wangis ang iwawangis ninyo sa kaniya? …

“Hindi ba ninyo naalaman? hindi ba ninyo narinig? hindi ba nasaysay sa inyo mula ng una? hindi ba nasaysay sa inyo bago nalagay ang mga patibayan ng lupa?” (Isaias 40:18, 21).

Alam natin na magkahiwalay at magkaibang mga nilalang ang tatlong miyembro ng Panguluhan. Nalaman natin ito mula sa itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din; subalit ang Espiritu Santo ay walang katawang may laman at mga buto, kundi isang personaheng Espiritu. Kung hindi ganito, ang Espiritu Santo ay hindi makapananahanan sa atin” (D at T 130:22).

Tungkol sa pinakadakilang katayuan ng Diyos Ama sa Panguluhang Diyos, at gayundin sa kani-kanyang ginagampanan ng bawat personahe, ipinaliwanag ni Propetang Joseph:

Ang Propetang si Joseph Smith

“Sinumang nakakita na nabuksan ang langit ay alam na may tatlong personahe sa kalangitan na mayhawak ng mga susi ng kapangyarihan, at may isang namumuno sa lahat. …

“… Ang mga personaheng ito … ay tinatawag na unang Diyos, ang Lumikha; pangalawang Diyos, ang Manunubos; at pangatlong Diyos, ang Saksi oTestigo.

“Karapatan ng Ama na mamuno bilang Pinuno o Pangulo, si Jesus bilang Tagapamagitan, at ang Espiritu Santo bilang Testigo o Saksi.”2

II. Ang Plano

Nauunawaan natin ang ating kaugnayan sa mga miyembro ng Panguluhang Diyos ayon sa inihayag tungkol sa plano ng kaligtasan.

Ang mga tanong tulad ng “Saan tayo nanggaling?” “Bakit tayo narito?” at “Saan tayo pupunta?” ay sinasagot sa tinatawag sa mga banal na kasulatan na “plano ng kaligtasan,” ang “dakilang plano ng kaligayahan”, o ang “plano ng pagtubos” (Alma 42:5, 8, 11). Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay napakahalaga sa planong ito.

Bilang mga espiritung anak ng Diyos, sa premortal na daigdig, nais nating magkaroon ng buhay na walang hanggan ngunit hindi natin matatamo ito kung hindi tayo mabubuhay sa mundo at magkakaroon ng pisikal na katawan. Upang maibigay ang oportunidad na iyan, pinamunuan ng ating Ama sa Langit ang Paglikha ng daigdig na ito, at dahil inalis sa atin ang alaala ng buhay natin bago tayo isilang sa mundo, mapapatunayan natin na handa tayong sumunod sa Kanyang mga kautusan at tayo ay magkakaroon ng mga karanasan at uunlad sa pamamagitan ng iba pang mga hamon ng mortalidad. Ngunit kasabay ng buhay sa mundo, at ng ibinunga ng Pagkahulog ng ating unang mga magulang, daranas tayo ng espirituwal na kamatayan na maglalayo sa atin sa presensya ng Diyos, mababahiran tayo ng kasalanan, at mamamatay ang ating katawan. Inasahan na sa plano ng Ama na mangyayari ito at nagbigay ng mga paraan upang madaig ang lahat ng hadlang na iyon.

III. Ang Panguluhang Diyos

Ngayong alam na natin ang dakilang plano ng Diyos, talakayin na natin ang kani-kanyang tungkuling ginagampanan ng tatlong miyembro ng Panguluhan sa planong iyan.

Magsimula tayo sa isang turo mula sa Biblia. Sa pagtatapos ng kanyang ikalawang sulat sa mga taga-Corinto, walang alinlangang binanggit ni Apostol Pablo ang Panguluhang Diyos ng Ama, Anak, at Espiritu Santo: “Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo, at ang pagibig ng Dios, at ang pakikipisan [o pakikipag-isa3] ng Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat” (II Mga Taga Corinto 13:14).

Ipinakita sa banal na kasulatang ito sa Biblia ang Panguluhang Diyos na naglalarawan ng tunay at nagbibigay-inspirasyong pagmamahal ng Diyos Ama, at ng mahabagin at nakapagliligtas na misyon ni Jesucristo, at ng pakikipag-isa ng Espiritu Santo.

Diyos Ama

Nagsimula ang lahat ng ito sa Diyos Ama. Bagama’t kaunti lamang ang alam natin tungkol sa Kanya, sapat na ang alam natin para maunawaan ang Kanyang dakilang katayuan, ang ating kaugnayan sa Kanya, at ang Kanyang pamamahala sa plano ng kaligtasan, sa Paglikha, at sa lahat ng iba pang kasunod nito.

Tulad ng isinulat Elder Bruce R. McConkie bago siya mamatay: “Sa pinakadakila at pinakamahalagang kahulugan ng salita, mayroon lamang iisang tunay at buhay na Diyos. Siya ang Ama, ang Pinakamakapangyarihang Elohim, ang Pinakadakilang Nilalang, ang Tagapaglikha at Tagapamahala ng Sansinukob.”4 Siya ang Diyos at Ama ni Jesucristo, at nating lahat. Itinuro ni Pangulong David O. McKay na “ang unang pangunahing katotohanan na itinuro ni Jesucristo ay ito, na sa likod, sa itaas, at saan mang dako ay naroon ang Diyos Ama, Panginoon ng langit at lupa.”5

Karamihan sa nalaman natin tungkol sa likas na katangian ng Diyos Ama ay mula sa natutuhan natin mula sa ministeryo at mga turo ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo. Tulad ng itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland, isa sa mga pinakamahalagang layunin ng ministeryo ni Jesus ay ang ihayag sa mga tao “kung sino at ano ang pagkatao ng Diyos Amang Walang Hanggan, … ihayag at ipaalam nang husto sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit.”6 Ang Biblia ay naglalaman ng pagsaksi ng mga apostol na si Jesus ay “tunay na larawan” ng pagka-Diyos ng Kanyang Ama (Sa Mga Hebreo 1:3), na lalong naglinaw sa itinuro ni Jesus na “ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama” (Juan 14:9).

Ang Diyos Ama ang Ama ng ating mga espiritu. Tayo ay Kanyang mga anak. Mahal Niya tayo, at lahat ng ginagawa Niya ay para sa ating walang hanggang kapakinabangan. Siya ang may-akda ng plano ng kaligtasan, at sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ay nakakamit ng Kanyang plano ang mga layunin nito para sa walang hanggang kaluwalhatian ng Kanyang mga anak.

Ang Anak

Sa mga tao, ang pinaka-nakikitang miyembro ng Panguluhang Diyos ay si Jesucristo. Ang doktrinang ipinahayag ng Unang Panguluhan noong 1909 ay naglalarawan sa Kanya bilang “panganay sa lahat ng mga anak ng Diyos—ang unang isinilang sa espiritu, at ang tanging isinilang sa laman.”7 Ang Anak, ang pinakadakila sa lahat, ay pinili ng Ama upang isagawa ang plano ng Ama—na gamitin ang kapangyarihan ng Ama para lumikha ng daigdig na di mabilang (tingnan sa Moises 1:33) at iligtas ang mga anak ng Diyos mula sa kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ang dakilang sakripisyong ito ay tunay na matatawag na “sentro ng buong kasaysayan ng tao.”8

Ang Panginoong Jesucristo

Sa mga natatangi at sagradong pagkakataon na ipinakilala mismo ng Diyos Ama ang Anak, sinabi Niya, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya” (Marcos 9:7; Lucas 9:35; tingnan din sa 3 Nephi 11:7; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Kung gayon, si Jesucristo, ang Jehova, ang Panginoong Diyos ng Israel, ang nangungusap sa mga propeta at sa pamamagitan nila.9 Ito ang dahilan kung bakit noong nagpakita si Jesus sa mga Nephita matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ipinakilala Niya ang Sarili na “Diyos ng buong sangkatauhan,” (3 Nephi 11:14). Ito ang dahilan kung bakit madalas na nakikipag-usap si Jesus sa mga propeta sa Aklat ni Mormon at sa mga Banal sa mga Huling Araw bilang “ang Ama at ang Anak,” isang katawagang ipinaliwanag sa inspiradong pagpapahayag ng doktrina ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa 100 taon pa lamang ang nakararaan.10

Ang Espiritu Santo

Ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos ay ang Espiritu Santo, na tinutukoy din bilang Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Panginoon, at ang Mang-aaliw. Siya ang miyembro ng Panguluhang Diyos na tagapagbigay ng personal na paghahayag. Bilang isang personaheng Espiritu (tingnan sa D at T 130:22), Siya ay makapananahanan sa atin at magagampanan ang mahalagang tungkulin Niya bilang tagapaghatid ng mensaheng mula sa Ama at sa Anak para sa mga anak ng Diyos sa lupa. Itinuturo sa maraming banal na kasulatan na ang Kanyang misyon ay patotohanan ang Ama at ang Anak (tingnan sa Juan 15:26; 3 Nephi 28:11; D at T 42:17). Ipinangako ng Tagapagligtas na ituturo sa atin ng Mang-aaliw ang lahat ng mga bagay, ipapaalaala sa atin ang lahat, at papatnubayan tayo sa buong katotohanan (tingnan sa Juan 14:26; 16:13). Samakatwid, ang Espiritu Santo ay tumutulong sa atin na malaman ang pagkakaiba ng katotohanan at kabulaanan, gumagabay sa atin sa mahahalagang desisyon, at tumutulong sa atin na makayanan ang mga hamon sa buhay.11 Sa pamamagitan din Niya tayo ay pinababanal, ibig sabihin, nililinis at dinadalisay mula sa kasalanan (tingnan sa 2 Nephi 31:17; 3 Nephi 27:20; Moroni 6:4).

IV.

Kaya, paano nakatutulong sa mga hamon natin sa buhay ngayon ang maunawaan ang doktrinang ito na ipinahayag ng langit tungkol sa Panguluhang Diyos at sa plano ng kaligtasan?

Dahil nasa atin ang katotohanan tungkol sa Panguluhang Diyos at sa kaugnayan natin sa Kanila, sa layunin ng buhay, at sa katangian ng ating walang hanggang tadhana, nasa atin ang pinakamaaasahang gabay at tiyak na kaligtasan sa ating paglalakbay sa mortalidad. Alam natin kung sino ang sinasamba natin at kung bakit tayo sumasamba. Alam natin kung sino tayo at ano ang kahihinatnan natin (tingnan sa D at T 93:19). Alam natin kung sino ang kumilos upang maging posible ang lahat ng ito, at alam natin kung ano ang dapat nating gawin upang matamasa ang mga pinakadakilang pagpapalang darating sa pamamagitan ng plano ng kaligtasan ng Diyos. Paano natin nalaman ang lahat ng ito? Nalaman natin ito mula sa mga paghahayag ng Diyos sa Kanyang mga propeta at sa bawat isa sa atin.

Ang pagtamo sa sinasabi ni Apostol Pablo na “hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo” (Mga Taga Efeso 4:13) ay nangangailangan ng higit pa sa pagtatamo ng kaalaman. Hindi magiging sapat para sa atin na maniwala lang sa ebanghelyo; dapat tayong kumilos at mag-isip upang tayo ay mapabalik-loob nito. Kumpara sa mga institusyon sa daigdig, na nagtuturo sa atin na alamin ang isang bagay, ang plano ng kaligtasan at ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghihikayat sa atin na maging isang taong natatangi.

Pangulong ThomasS. Monson

Tulad ng itinuro sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson noong nakaraang kumperensya:

“Napakahalaga sa plano [ng kaligtasan] ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kung wala ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, lahat tayo ay maliligaw ng landas. Hindi sapat, gayunman, ang maniwala lamang sa Kanya at sa Kanyang misyon. Kailangan tayong gumawa at matuto, magsaliksik at magdasal, magsisi at magpakabuti pa. Kailangan nating malaman ang mga batas ng Diyos at ipamuhay ang mga ito. Kailangan nating matanggap ang Kanyang nakapagliligtas na mga ordenansa. Sa paggawa lamang nito natin matatamo ang tunay at walang-hanggang kaligayahan. …

“Mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa, buong pagpapakumbaba kong pinatototohanan,” pahayag ni Pangulong Monson, “ang dakilang kaloob na plano ng ating Ama para sa atin. Ito ay perpektong landas tungo sa kapayapaan at kaligayahan dito at sa mundong darating.”12

Idaragdag ko ang aking patotoo sa patotoo ng ating mahal na propeta at pangulo. Pinatototohanan ko na tayo ay may Ama sa Langit na nagmamahal sa atin. Pinatototohanan ko na tayo ay may Espiritu Santo, na gumagabay sa atin. At pinatototohanan ko si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas, na ginawang posible ang lahat, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 312.

  2. Mga Turo: Joseph Smith, 49.

  3. Ito ay isang karaniwang kahulugan ng pakikipisan nang piliin ang salitang iyan ng mga tagasalin ng King James (tingnan sa The Oxford Universal Dictionary, Ika-3 ed., binago [1955], 352).

  4. Bruce R. McConkie, A New Witness for the Articles of Faith (1985), 51.

  5. David O. McKay, sa Conference Report, Okt. 1935, 100.

  6. Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 70.

  7. Unang Panguluhan, “The Origin of Man,Ensign, Peb. 2002, 26, 29.

  8. Tingnan, halimbawa, sa Russell M. Nelson, “Drawing the Power of Jesus Christ into Our Lives,” Liahona, Mayo 2017, 40; “The Living Christ: The Testimony of the Apostles,” Liahona, Abr. 2000, 2.

  9. Tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie (1954), 1:27.

  10. Tingnan sa First Presidency and Quorum of the Twelve Apostles, “The Father and the Son,” Ensign, Abr. 2002, 13–18.

  11. Tingnan sa Robert D. Hales, “Ang Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2016, 105–7.

  12. Thomas S. Monson, “Ang Perpektong Landas Tungo sa Kaligayahan,” Liahona, Nob. 2016, 80–81.