2017
Tinawag sa Gawain
May 2017


Tinawag sa Gawain

Ang pagkakatalaga na maglingkod sa isang partikular na lugar ay kinakailangan at mahalaga subalit pangalawa lamang sa tawag sa gawain.

Pangulong Monson, kaming lahat ay natutuwa na marinig ang inyong tinig at makatanggap ng inyong tagubilin. Mahal ka namin at sinasang-ayunan, at lagi ka naming ipinagdarasal.

Dalangin ko ang tulong ng Espiritu Santo habang sama-sama nating pinag-iisipan ang mga alintuntunin na may kinalaman sa dakilang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao.1

Tinawag na Maglingkod at Itinalagang Maglingkod

Bawat taon, pinananabikan ng sampu-sampung libong kabataang lalaki at babae, at maraming senior couple, ang pagtanggap ng espesyal na sulat mula sa Salt Lake City. Ang laman ng sulat ay makakaapekto magpakailanman sa taong tatanggap nito, gayundin sa mga miyembro ng pamilya at sa iba pang tao. Sa pagdating nito, maaaring buksan ang sulat nang maayos at matiyaga o di kaya ay punitin ito dahil sa kasabikan at pagmamadali. Ang pagbasa sa espesyal na sulat na ito ay isang karanasang hindi malilimutan kailanman.

Ang sulat ay nilagdaan ng Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang dalawang unang pangungusap ay ganito ang sinasabi: “Ikaw ay tinatawag na maglingkod bilang isang missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ikaw ay itinalagang maglingkod sa ______ Mission.”

Alalahanin na ang unang pangungusap ay isang tawag na maglingkod bilang isang full-time missionary sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Ang pangalawang pangungusap ay nagsasaad ng pagkakatalaga na maglingkod sa isang partikular na lugar at misyon. Importanteng maunawaan nating lahat ang mahalagang pagkakaiba sa mga inihayag sa dalawang pangungusap na ito.

Sa kultura ng Simbahan, madalas nating pag-usapan ang tawag na maglingkod sa isang bansang tulad ng Argentina, Poland, Korea, o Estados Unidos. Subalit ang isang missionary ay hindi tinawag sa isang lugar; bagkus, siya ay tinawag na maglingkod. Tulad ng ipinahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith noong 1829, “Kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain.”2

Ang bawat tawag at pagkakatalaga o isa pang pagkakatalaga kalaunan sa misyon, ay dahil sa paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng mga tagapaglingkod ng Panginoon. Ang tawag na maglingkod ay nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng Pangulo ng Simbahan. Ang pagkakatalaga sa isa sa mahigit 400 misyon na mayroon ngayon sa buong mundo ay nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na kumikilos nang may awtorisasyon ng buhay na propeta ng Panginoon. Lahat ng mga tawag at pagkakatalaga sa misyon ay dulot ng mga espirituwal na kaloob na propesiya at paghahayag.

Nakatala sa Bahagi 80 ng Doktrina at mga Tipan ang tawag sa misyon ni Stephen Burnett na ibinigay ni Propetang Joseph Smith noong 1832. Ang pag-aaral sa tawag na ito kay Brother Burnett ay makatutulong sa atin na (1) mas malinaw na maunawaan ang pagkakaiba ng “tinawag na maglingkod” bilang missionary sa “itinalagang maglingkod” sa isang partikular na lugar at (2) mas lubos na pahalagahan ang ating indibidwal at itinalaga ng Diyos na tungkulin na magpahayag ng ebanghelyo.

Ang talata 1 ng bahaging ito ay isang tawag na maglingkod: “Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa iyo na aking tagapaglingkod na si Stephen Burnett: Humayo ka, humayo ka sa sanlibutan at ipangaral ang ebanghelyo sa bawat nilalang na lumalapit sa ilalim ng tunog ng iyong tinig.”3

Nakakatuwang malaman na ipinaaalam kay Brother Burnett sa talata 2 ang tungkol sa kanyang itinalagang kompanyon sa misyon: “[At dahil] ninanais mo ang isang kasama, ibibigay ko sa iyo ang aking tagapaglingkod na si Eden Smith.”4

Isinasaad sa talata 3 kung saan maglilingkod ang dalawang ito: “Dahil dito, magsihayo kayo at ipangaral ang aking ebanghelyo, maging sa hilaga o sa timog, sa silangan o sa kanluran, hindi ito mahalaga, sapagkat kayo ay hindi maaaring malihis.”5

Hindi ako naniniwalang ang pariralang “hindi ito mahalaga,” gaya ng pagkakagamit ng Panginoon sa banal na kasulatang ito ay nagsasabing hindi Siya nag-aalala kung saan man maglilingkod ang Kanyang mga tagapaglingkod. Katunayan, lubos Niya itong inaalala. Subalit dahil ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo ay gawain ng Panginoon, binibigyang-inspirasyon, ginagabayan, at pinapatnubayan Niya ang Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod. Kapag nagsisikap ang mga missionary na maging mas marapat at may kakayahang kasangkapan sa Kanyang mga kamay at ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para matapat na matupad ang kanilang mga tungkulin, kung ganoon, sa tulong Niya ay “hindi [sila] maaaring malihis”—saanman sila naglilingkod. Marahil ang isa sa mga itinuturo sa atin ng Tagapagligtas sa paghahayag na ito ay ang aral na ang pagkakatalaga na maglingkod sa isang partikular na lugar ay kinakailangan at mahalaga subalit pangalawa lamang sa tawag sa gawain.

Binibigyang-diin sa susunod na talata ang mahahalagang kwalipikasyon para sa lahat ng mga missionary: “Kaya nga, ipahayag ang inyong mga narinig, at tunay na pinaniniwalaan, at alam na totoo.”6

Ipinaaalala ng huling talata kay Brother Burnett at sa ating lahat kung kanino tunay na nanggagaling ang isang tawag, “Masdan, ito ang kalooban niya na tumawag sa inyo, ang inyong Manunubos, maging si Jesucristo. Amen.”7

Paano Itama ang Maling Pagkaunawa

Marahil ang ilan sa inyo ay nagtatanong sa inyong mga sarili kung bakit ko piniling talakayin sa priesthood session ng pangkalahatang kumperensya ang kitang-kita namang pagkakaiba ng tinawag na maglingkod sa itinalagang maglingkod [sa isang partikular na lugar]. Lubos na tuwiran ang sagot ko sa tanong ninyo: natutuhan ko sa aking karanasan na ang mga alituntuning ito ay hindi lubusang nauunawaan ng maraming miyembro ng Simbahan.

Ang pinakamalaking dahilan kung bakit ako nagsasalita tungkol sa bagay na ito ay ang nalaman ko sa paglipas ng panahon tungkol sa problema, alalahanin, at maging sa pagkabagabag na nararamdaman ng maraming missionary na sa iba’t ibang kadahilanan ay itinalaga sa ibang lugar sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang panibagong pagkakatalagang ito ay kinakailangan kung minsan dahil sa mga kaganapan at pangyayaring tulad ng pisikal na mga aksidente at pinsala, mga pagkaantala at problema sa pagkuha ng mga visa, kaguluhang politikal, paglikha at paglalagay ng mga tauhan sa mga bagong misyon, o ang nagiging mas komplikado at patuloy na nagbabagong mga pangangailangan sa buong mundo ng gawain sa pangangaral ng ebanghelyo.8

Kapag ang isang missionary ay inilipat sa ibang lugar na paglilingkuran, ang proseso ay katulad na katulad ng unang pagtatalaga. Ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa ay humihingi ng inspirasyon at patnubay sa paggawa ng mga panibagong pagkakatalagang ito.

Kamakailan ay nakausap ko ang isang matapat na lalaki na nagbahagi sa akin ng kanyang saloobin. Sa isang pulong, ipinaliwanag ko ang kaibahan ng tinawag na maglingkod sa itinalagang maglingkod. Kinamayan ako ng mabuting kapatid na ito at sinabi niya sa akin nang may luha sa kanyang mga mata, “Ang mga bagay na tinulungan ninyo akong matutuhan ngayon ay nag-alis ng pasan sa aking mga balikat na dinala ko nang mahigit 30 taon. Bilang isang batang missionary, una akong itinalagang maglingkod sa Timog Amerika. Pero hindi ako nakakuha ng visa, kaya binago at naging Estados Unidos ang assignment ko. Sa paglipas ng mga taon, iniisip ko kung bakit hindi ako nakapaglingkod sa lugar kung saan ako tinawag. Ngayon ay alam ko na na tinawag ako sa gawain at hindi sa isang lugar. Hindi ko masasabi kung gaano nakatulong sa akin ang pagkaunawang ito.”

Talagang nalungkot ako para sa mabuting lalaking ito. Sa pagtuturo ko ng mga pangunahing alituntuning ito sa buong mundo, di-mabilang na mga indibidwal ang pribadong nagpahayag sa akin ng katulad na damdamin na kakalarawan ko lamang. Nagsasalita ako tungkol sa paksang ito ngayon dahil wala ni isang miyembro ng Simbahan ang dapat magdala ng pasanin dahil sa maling pagkaunawa, kawalang-katiyakan, o pagkabagabag tungkol sa itinalagang lugar na paglilingkuran.

“Dahil dito, magsihayo kayo at ipangaral ang aking ebanghelyo, maging sa hilaga o sa timog, sa silangan o sa kanluran, hindi ito mahalaga, sapagkat kayo ay hindi maaaring malihis.”9 Habang pinag-iisipan ninyo ang mga salita sa banal na kasulatang ito at binubuksan ang inyong mga puso, umaasa at nananalangin ako na aanyayahan ninyo ang Espiritu Santo na dalhin sa kaibuturan ng inyong mga puso ang pang-unawa, kagalingan, at paggaling na maaaring kailangan ninyo.

Ang isa pang dahilan kung bakit ako ginabayang talakayin ang paksang ito ay dahil sa aking personal na karanasan sa pagtatalaga ng mga missionary sa maraming taon. Para sa Labindalawa, wala nang mas makapagpapatunay ng katotohanan ng patuloy na paghahayag sa mga huling araw kaysa sa paghahangad na malaman ang kalooban ng Panginoon habang tinutupad namin ang tungkulin na magtalaga ng lugar kung saan maglilingkod ang mga missionary. Pinatototohanan ko na nakikilala at inaalala tayo ng Tagapagligtas at alam Niya ang ating pangalan.

Paghahanda sa Tawag na Maglingkod

Ngayon, gusto kong talakayin nang bahagya ang isang mahalaga subalit kadalasan ay hindi napapansing aspeto ng paghahanda para sa tawag sa gawain.

Tatlong magkakaugnay na salita ang nagdedetermina ng paghahanda at pag-unlad ng mga anak na lalaki ng Diyos: priesthood, templo, misyon. Kung minsan, bilang mga magulang, kaibigan, at mga miyembro ng Simbahan, masyado tayong nakatuon sa paghahanda sa misyon ng mga kabataang lalaki kaya maaaring nakakalimutan natin ang ibang mahahalagang hakbang sa landas ng pakikipagtipan na dapat tuparin bago magsimula sa paglilingkod ng full-time mission. Ang paglilingkod bilang isang missionary ay tiyak na isa, subalit hindi nag-iisang batong-tuntungan sa proseso ng paglikha ng isang matatag na pundasyon para sa patuloy na espirituwal na pag-unlad at paglilingkod. Ang mga basbas ng priesthood at templo, na natatanggap bago pa dumating sa lugar na itinalagang maglingkod, ay kinakailangan din upang patibayin at palakasin ang ating espirituwalidad sa buong buhay natin.

Mga kabataang lalaki, habang tinutupad ninyo ang inyong tungkulin sa priesthood at iginagalang ang inyong Aaronic o nakabababang priesthood, kayo ay naghahandang tumanggap at tuparin nang mabuti ang inyong sumpa at tipan sa Melchizedek Priesthood o nakatataas na priesthood.10 Ang personal na pagkamarapat ay ang pinakamahalagang kailangan upang makatanggap ang nakatataas na priesthood. Ang patuloy na di-makasariling paglilingkod ng priesthood ay nasa inyong hinaharap. Maghanda ngayon sa pamamagitan ng madalas na pagbibigay ng makabuluhang paglilingkod. Nakikiusap ako na matutuhan ninyo na maging marapat at patuloy na maging gayon. Maging marapat. Manatiling marapat.

Matapos matanggap ang Melchizedek Priesthood at ang tawag na maglingkod, ang isang kabataang lalaki ay maaaring masakbitan ng kapangyarihan11 sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ng banal na templo. Ang pagpunta sa templo at ang pagtaglay ng diwa ng templo ay kinakailangan upang epektibong makapaglingkod bilang isang full-time missionary. Ang pagiging marapat ang pinakamahalagang kailangan upang matanggap ang mga pagpapala ng templo para sa inyo na mga kabataang lalaki at sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Kapag kayo ay namumuhay nang naaayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo, makakapasok kayo sa tahanan ng Panginoon at makakabahagi sa mga banal na ordenansa sa buong panahon ng inyong kabataan. Ang pagmamahal at pang-unawa ninyo sa mga ordenansa sa templo ang magpapalakas at magpapala sa inyo habambuhay. Nakikiusap ako na matutuhan ninyo na maging marapat at patuloy na maging gayon. Maging marapat. Manatiling marapat.

Maraming kabataang lalaki at babae ang mayroon nang current limited-use temple recommend. Bilang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood, naghahanap kayo ng mga pangalan ng mga kapamilya at nagsasagawa ng mga binyag at kumpirmasyon sa templo para sa mga miyembro ng inyong pamilya. Ang pagpapanatili ng inyong temple recommend ay nagpapakita ng inyong pagkamarapat, at ang paglilingkod sa iba sa templo ay isang mahalagang bahagi ng paghahanda para sa Melchizedek Priesthood.

Mga kabataan, ang bawat isa sa inyo ay isang missionary ngayon. Nasa buong paligid ninyo, bawat araw, ang mga kaibigan at kapwa-tao na “napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”12 Sa paggabay ng Espiritu, makapagbabahagi kayo ng mensahe, paanyaya, text o tweet na magiging daan para malaman ng mga kaibigan ninyo ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Hindi ninyo kailangang hintayin ang opisyal na tawag para maging masigasig sa gawaing misyonero.

Kapag ang mga pagpapala ng priesthood, templo, at misyon ay tinipong “lahat … kay Cristo”13 at mabisang nagtulung-tulong sa puso, isip, at kaluluwa ng isang batang missionary, magagawa niyang maging marapat para sa gawain.14 Uunlad ang kanyang kakayahan para matupad ang tungkulin na maging awtorisadong kinatawan ng Panginoong Jesucristo. Ang espirituwal na makapangyarihang kombinasyon ng paggalang sa priesthood at mga tipan sa templo, ang pagtanggap ng “kapangyarihan ng kabanalan”15 sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood,16 ang di-makasariling paglilingkod, at ang paghahayag ng walang hanggang ebanghelyo sa mga anak ng Diyos ang nagbibigay-kakayahan sa isang kabataang lalaki na maging “matibay at matatag sa pananampalataya”17 at “nangauugat at nangatatayo [kay Cristo].”18

Sa ating mga tahanan at sa simbahan, dapat nating bigyang-diin ang lahat ng tatlong elemento ng huwaran ng Panginoon sa paghahanda at pag-unlad para sa matatapat na anak na lalaki ng Diyos: priesthood, templo, misyon. Hinihingi sa atin ng tatlong ito na matututuhan natin na maging marapat at patuloy na maging gayon. Maging marapat. Manatiling marapat.

Pangako at Patotoo

Mga minamahal na kapatid, ipinapangako ko ang impluwensiya ng espirituwal na kaloob ng paghahayag ay mapapasainyo sa pangangaral ninyo ng ebanghelyo at sa lugar na itinalaga kayong maglingkod. Kapag masigasig kayong naghahanda ngayon sa pamamagitan ng di-makasariling paglilingkod ng priesthood at sa templo, ang inyong patotoo na buhay ang Panginoon ay mapalalakas. Mapupuno ang inyong puso ng pagmamahal para sa Kanya at sa Kanyang gawain. Kapag natutuhan ninyong maging marapat, kayo ay magiging makapangyarihang kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon upang pagpalain at paglingkuran ang maraming tao.

Pinatototohanan ko nang may kagalakan na buhay ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo. Ang makibahagi sa paglilingkod sa Kanila ay isa sa mga pinakadakilang pagpapala na maaari nating matanggap. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.