Elder John C. Pingree Jr.
General Authority Seventy
“Ang aking patotoo ay nabuo sa paglipas ng panahon, unti-unti, sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga sagot sa mga panalangin, pagdama sa Espiritu habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagsisisi, at paglilingkod sa Panginoon,” sabi ni Elder John C. Pingree Jr., na sinang-ayunan noong Abril 1, 2017, bilang General Authority Seventy.
Isinilang noong 1966 sa Salt Lake City Utah, USA, kina Carmen at John C. Pingree Sr., utang niya ang lahat sa katapatan ng kanyang mga magulang sa pagtulong na hubugin ang kanyang buhay.
“Kinabukasan matapos akong isilang, sinulatan ako ng aking ama,” sabi ni Elder Pingree. “Itinabi niya ang liham na iyon, at kalaunan, nang paalis na ako para sa full-time mission, ipinadala niya ito sa akin. Ang sulat ay may ilang pahina ng kanyang patotoo at mga aral na gusto niyang matutuhan ko sa aking buhay. Habang binabasa ko ito, pinatotohanan sa akin ng Espiritu na ang naituro sa akin ng mga magulang ko tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo.”
Naglingkod si Elder Pingree sa Massachusetts Boston Mission, kung saan Espanyol ang salita.
Nagtamo siya ng mga degree sa English at political science mula sa University of Utah at master of business administration degree mula sa Harvard Business School. Pinakasalan niya si Anne Pugsley noong Marso 1990, at mayroon silang limang anak.
Nakatuon ang malaking bahagi ng kanyang propesyon sa pagtulong sa iba. Naging pangulo siya ng isang medical humanitarian aid organization at bise-presidente sa dalawang health care company.
Naging pangulo siya ng Texas Houston Mission mula 2011 hanggang 2014 at naglingkod bilang Area Seventy, stake president, bishop, elders quorum president, at institute at seminary teacher.
“Sabi ng Panginoon, ‘Kung iyong nanaisin, ikaw ang magiging daan upang magawa ang maraming kabutihan sa salinlahing ito’ (D at T 11:8),” sabi ni Elder Pingree. “Para sa akin, sinasabi ng Panginoon, ‘Magagamit kita para makagawa ng kaunting kabutihan sa buhay ng ibang mga tao, kung papayagan mo ako.’ Kung maghahanap tayo ng mga oportunidad, gagamitin tayo ng Ama sa Langit upang pagpalain ang ibang tao.”