2017
Gawin Ninyo ang Anomang sa Inyo’y Kaniyang Sabihin
May 2017


Gawin Ninyo ang Anomang sa Inyo’y Kaniyang Sabihin

Kapag nagpasiya tayong gawin ang “anomang sabihin ng [Diyos]” sa atin, nangangako tayo nang buong katapatan na iaayon sa kalooban ng Diyos ang pag-uugali natin sa araw-araw.

Ginawa ng Tagapagligtas ang Kanyang unang nakatalang himala sa isang piging ng kasal sa Cana ng Galilea. Naroon din si Maria, ang Kanyang ina; at ang Kanyang mga disipulo. Tila nadama ni Maria na may responsibilidad rin siya para sa ikatatagumpay ng piging. Sa oras ng pagdiriwang, nagkaroon ng problema—naubusan ng alak ang mga nagdaos ng kasalan. Nag-alala si Maria at lumapit siya kay Jesus. Nag-usap sila sandali; at pagkatapos ay bumaling si Maria sa mga tagapaglingkod at sinabing:

“Gawin ninyo ang anomang sa inyo’y kaniyang sabihin.

“Mayroon nga roong anim na tapayang bato. … [Ang mga tapayang ito ay hindi ginagamit na imbakan ng inuming tubig kundi ginagamit para sa seremonyal na mga paghuhugas sa ilalim ng batas ni Moises.]

“Sinabi ni Jesus [sa mga alila], Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan. At kanilang pinuno hanggang sa labi.

“At sinabi niya sa kanila, Kunin ninyo ngayon, at inyong iharap sa pangulo ng kapistahan. At kanilang iniharap.

“[At tinikman] ng pangulo ng kapistahan ang tubig na naging alak” at namangha na ang pinakamasarap na alak ay naisilbi sa pinakahuling araw ng piging.1

Madalas nating maalaala ang pangyayaring ito dahil ang tubig na naging alak ay pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos—ito ay isang himala. Mahalaga ngang mensahe iyon, subalit may iba pang mahalagang mensahe sa ulat ni Juan. Si Maria ay “mahalaga at piniling nilikha,”2 na tinawag ng Diyos upang ipanganak, alagaan, at palakihin ang mismong Anak ng Diyos. Walang sinuman sa mundo ang mas nakakakilala kay Jesus kaysa sa kanya. Alam niya ang katotohanan tungkol sa Kanyang mahimalang pagsilang. Alam niyang walang bahid ng anumang kasalanan si Jesus at “hindi siya nangungusap nang tulad ng ibang tao, ni kailangan siyang turuan; sapagkat hindi siya kinakailangang turuan pa ng sinumang tao.”3 Alam ni Maria ang Kanyang pambihirang kakayahang lumutas ng mga problema, kabilang ang paglalaan ng alak para sa piging ng kasal. Di-matitinag ang tiwala niya sa Kanya at sa Kanyang banal na kapangyarihan. Ang kanyang simple at direktang utos sa mga alila ay walang kundisyon, walang alinlangan, walang limitasyon: “Gawin ninyo ang anomang sa inyo’y kaniyang sabihin.”

Si Maria ay isang dalaga nang magpakita sa kanya ang anghel na si Gabriel. Noong una ay “nagulumihanan” siya sa pagbati sa kanya na “totoong pinakamamahal” at “ang Panginoon ay sumasaiyo … iniisip sa kaniyang sarili kung anong bati kaya ito.” Muling tiniyak sa kanya ni Gabriel na wala siyang dapat na ikatakot—mabuti ang balitang kanyang dala. “[Ipag]lilihi [niya] sa [kanyang] tiyan … [ang] Anak ng Kataastaasan” at “manganganak … ng isang lalake … [na] maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man.”

Nagtatakang naibulalas ni Maria, “Paanong mangyayari ito, sa ako’y hindi nakakakilala ng lalake?”

Maikling nagpaliwanag ang anghel at tiniyak sa kanya na “walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.”

Mapagpakumbabang tumugon si Maria na gagawin niya anuman ang iutos ng Diyos, nang hindi hinihinging malaman ang detalye at nang walang pag-aalinlangan sa kabila ng napakaraming tanong tungkol sa mga idudulot nito sa kanyang buhay. Sumunod siya nang hindi lubos na nauunawaan kung bakit iniutos Niya iyon sa kanya o kung paano mangyayari ang mga bagay-bagay. Tinanggap niya ang salita ng Diyos nang walang pasubali at sa mismong oras na iyon,4 na kakaunti ang alam sa kung ano ang mangyayari. Nang may simpleng pagtitiwala sa Diyos, sinabi ni Maria, “Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.”5

Kapag nagpasiya tayong gawin ang “anomang sabihin ng [Diyos]” sa atin, nangangako tayo nang buong katapatan na iaayon sa kalooban ng Diyos ang pag-uugali natin sa araw-araw. Ang mga simpleng gawa ng pananampalataya tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, regular na pag-aayuno, at pananalangin nang may tunay na layunin ay nagpapalakas sa ating espirituwal na kakayahan upang matugunan ang mga pangangailangan ng buhay. Sa paglipas ng panahon, ang mga simpleng gawa ng pananampalataya ay nagbubunga ng mga himala. Ang maliit nating pananampalataya ay lumalaki para sa ikabubuti ng ating buhay. Sa gayon, kapag dumating ang mga pagsubok at hamon sa atin, ang pundasyon natin kay Cristo ay magbibigay ng katatagan sa ating kaluluwa. Pinalalakas tayo ng Diyos upang madaig natin ang ating mga kahinaan, dinaragdagan ang ating mga kagalakan, at pinapangyari na ang “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti.”6

Ilang taon na ang nakararaan, nakausap ko ang isang bata pang bishop na nag-uukol ng oras bawat linggo sa pagpapayo sa mga miyembro ng kanyang ward. May mahalagang bagay siyang napansin. Ang mga problemang nararanasan ng mga miyembro ng kanyang ward, ayon sa kanya, ay yaong mga nararanasan ng mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako—mga isyung tulad ng paano magiging masaya ang pagsasama ng mag-asawa; pagsisikap na maibalanse ang mga tungkulin sa trabaho, pamilya, at Simbahan; problema sa Word of Wisdom, trabaho, o pornograpiya; o hindi kumbinsido tungkol sa isang patakaran ng Simbahan o tanong tungkol sa kasaysayan na hindi nila naunawaan.

Madalas na kabilang sa kanyang mga payo sa mga miyembro ng ward ang muling pagtutuon sa mga simpleng gawain na nagpapalakas ng pananampalataya, tulad ng araw-araw na pagbabasa ng Aklat ni Mormon—tulad ng ipinayo ni Pangulong Thomas S. Monson na gawin natin—pagbabayad ng ikapu, at paglilingkod nang tapat sa Simbahan. Gayunman, madalas ay may pagdududa ang tugon nila sa kanya: “Hindi ako sang-ayon sa iyo, Bishop. Alam nating lahat na mabuting gawin ang mga bagay na iyon. Palagi nating pinag-uusapan ang mga bagay na iyon sa Simbahan. Pero hindi ako sigurado kung nauunawaan mo ako. Ano ang kinalaman ng paggawa sa alinman sa mga bagay na iyon sa mga problemang kinahaharap ko?”

Magandang tanong ito. Sa paglipas ng panahon, nakita namin ng bishop na iyon na yaong nagsisikap na gawin ang “maliliit at mga karaniwang bagay”7—pagsunod sa tila maliliit na paraan—ay nabibiyayaan ng pananampalataya at lakas na higit pa sa pagsunod mismo at, sa katunayan, tila lubos na walang kinalaman sa mga ito. Tila mahirap iugnay ang pagsunod sa araw-araw at ang mga solusyon sa malalaki at mahihirap na problemang nararanasan natin. Ngunit magkaugnay ang mga ito. Sa karanasan ko, ang wastong paggawa ng mga maliliit na bagay nang may pananampalataya sa araw-araw ay pinakamainam na paraan para patatagin ang ating sarili sa mga problema ng buhay, anuman ang mga ito. Ang maliliit na gawa ng pananampalataya, kahit na tila hindi mahalaga o wala talagang kaugnayan ang mga ito sa mga partikular na problema na nagpapahirap sa atin, ay tinutulungan tayo sa lahat ng ating ginagawa.

Isipin si Naaman, isang “punong kawal ng hukbo … sa Siria, … malakas na lalake na may tapang,” at siya ay may ketong. Nabanggit ng isang tagapaglingkod na batang babae ang tungkol sa isang propeta sa Israel na makapagpapagaling kay Naaman, kaya’t naglakbay si Naaman patungong Israel kasama ang isang pangkat ng mga tagapaglingkod, mga kawal, at mga handog sa Israel, hangga’t makarating sila sa tahanan ni Eliseo. Ipinaalam kay Naaman ng tagapaglingkod ni Eliseo, hindi mismo si Eliseo, na iniutos ng Panginoon na siya ay “maligo sa [Ilog] Jordan na makapito.” Isang simpleng bagay. Marahil naisip ng magiting na mandirigma na ang simpleng tagubiling ito ay hindi makatwiran, karaniwan, o hindi angkop sa kanyang katayuan kaya’t nainis siya. Sa madaling salita, walang kabuluhan para kay Naaman ang tagubilin ni Eliseo, kaya “pumihit siya at umalis sa paginit.”

Ngunit ang mga lingkod ni Naaman ay lumapit sa kanya at sinabing gagawin niya marahil ang “anomang mahirap na bagay” kung ipagagawa ito sa kanya ni Eliseo. Sinabi nila na dahil maliit na bagay lamang ang ipinagagawa sa kanya, hindi ba niya gagawin ito, kahit hindi niya maunawaan ang dahilan? Pinag-isipang muli ni Naaman kung gagawin niya ito at marahil nang may pag-aalinlangan, ay sumunod at “lumusong … at sumugbong makapito sa Jordan” at mahimalang napagaling.8

Ang ilang pagpapala sa pagsunod ay dumarating agad; ang iba ay dumarating lamang matapos tayong subukan. Sa Mahalagang Perlas, nabasa natin ang tungkol sa walang humpay na pagsusumikap ni Adan sa pagsunod sa kautusang mag-alay ng mga hain. Nang tanungin siya ng anghel kung bakit siya nag-aalay ng mga hain, sinabi niya, “Hindi ko batid, maliban sa iniutos sa akin ng Panginoon.” Ipinaliwanag ng anghel na ang kanyang mga hain ay “kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama.” Subalit tila dumating lamang ang paliwanag na iyon matapos ipakita ni Adan ang kanyang katapatan sa pagsunod sa Panginoon sa loob ng “maraming araw” nang hindi nalalaman kung bakit niya kailangang ialay ang mga haing iyon.9

Palagi tayong pagpapalain ng Diyos para sa ating matatag na pagsunod sa Kanyang ebanghelyo at katapatan sa Kanyang Simbahan, ngunit bihira Niyang ipakita sa atin kung kailan Niya ito gagawin. Hindi Niya ipinapakita sa atin ang buong pangyayari sa simula. Diyan pumapasok ang pananampalataya, pag-asa, at pagtitiwala sa Panginoon.

Hinihiling sa atin ng Diyos na magtiis kasama Niya—na magtiwala at sumunod sa Kanya. Isinasamo Niya sa atin na “huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita.” Sinabi Niya sa atin na hindi tayo dapat umasa na masasagot agad tayo o malulutas agad ang mga problema natin. Magiging mabuti ang lahat kapag naging matatag tayo sa panahon ng “pagsubok [sa ating] pananampalataya,” mahirap mang tiisin ang pagsubok na iyon o mabagal man ang pagdating ng sagot.10 Hindi ko tinutukoy ang tungkol sa “bulag na pagsunod”11 kundi ang tungkol sa lubos na pagtitiwala sa perpektong pagmamahal at perpektong panahon na itinakda ng Panginoon.

Ang pagsubok sa ating pananampalataya ay palaging kapapalooban ng pananatiling tapat sa simple at araw-araw na gawa ng pananampalataya. At pagkatapos niyon ay doon lamang Siya mangangako na matatanggap natin ang hinihintay nating kasagutan. At kapag napatunayan natin na handa nating gawin kung ano ang iniuutos Niya sa atin nang hindi nagtatanong ng kailan, bakit, at paano, ay doon pa lamang natin “[a]anihin ang mga gantimpala ng [ating] pananampalataya, at [ating] pagsisikap, at pagtitiyaga, at mahabang pagtitiis.”12 Ang tunay na pagsunod ay pagtanggap sa mga kautusan ng Diyos nang walang pasubali at sa mismong oras na iyon.13

Araw-araw kusa man o anupaman, pinipili nating lahat “kung sino ang [ating] paglilingkuran.”14 Ipinapakita natin ang ating determinasyong maglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng masigasig na paggawa araw-araw ng mga gawaing nagpapakita ng katapatan. Ipinangako ng Panginoon na papatnubayan Niya tayo sa mga landas na ating tatahakin,15 ngunit para magawa Niya iyan, kailangan nating maglakad, nagtitiwalang nalalaman Niya ang daan sapagkat Siya “ang daan.”16 Kailangan nating punuin nang husto ang sarili nating tapayan. Kapag nagtitiwala at sumusunod tayo sa Kanya, nagbabago ang ating buhay, tulad ng tubig na naging alak. Nagiging higit pa tayo sa kung ano sana ang kinahinatnan na natin. Magtiwala sa Panginoon, at “gawin ninyo ang anomang sa inyo’y kaniyang sabihin.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.