Cristina B. Franco
Pangalawang Tagapayo, Primary General Presidency
Sa murang edad, nalaman ni Sister Cristina B. Franco na kung may tanong siya, maaari siyang lumapit sa Ama sa Langit sa panalangin para sa sagot.
“Naaalala ko na lumapit ako sa nanay ko noong 11 anyos ako o mahigit pa at nagtanong sa kanya tungkol sa doktrina,” sabi niya. “Sinagot niya ang tanong ko pero sabi niya sa akin, ‘Hindi mo kailangang paniwalaan ang sinabi ko.’ Kaya nagdasal ako at nagtanong sa aking Ama sa Langit kung totoo iyon.”
Sinagot ang kanyang panalangin, at magmula noon alam na niya na may isa siyang Ama sa Langit na mahal siya at sasagot sa kanyang mga panalangin.
Sinang-ayunan noong Abril 1, 2017, sa Primary General Presidency, si Cristina Beatriz Fraga ay isinilang noong 1958 kina Hugo R. at Maria A. Godoy Fraga sa Buenos Aires, Argentina.
Noong tatlong taong gulang siya, kumatok ang mga missionary sa pinto ng kanyang mga magulang. Matapos mag-aral at magsimba nang mga walong buwan, sumapi ang mag-asawa sa Simbahan at nagsimulang palakihin ang kanilang pamilya sa ebanghelyo. Sa Primary nakilala niya si Rodolfo C. Franco, isang bata na kalauna’y naging matalik niyang kaibigan.
Noong siya ay 18, lumipat ang pamilya ni Sister Franco sa Utah, USA. Noong panahong iyon, gusto na nilang pakasal ni Rodolfo, pero kinailangang maglingkod si Rodolfo sa militar ng Argentina sa maikling panahon. Nagsulatan ang dalawa, at nang matapos ng lalaki ang kanyang paglilingkod sa militar, ikinasal sila noong Disyembre 15, 1978, sa Salt Lake Temple. Tatlong lalaki ang anak nila.
Sa pagsunod sa mga yapak ng ama ni Sister Franco, na isang relohero, nagtrabaho ang mag-asawa sa isang tindahan ng relo at orasan sa Salt Lake City nang halos tatlong dekada.
Nakapaglingkod na si Sister Franco sa maraming katungkulan sa Simbahan. Naglingkod siya sa Primary general board mula 2005 hanggang 2010 at, nang tawagin siya sa Primary General Presidency, naglilingkod siya kasama ang kanyang asawa na namumuno sa Argentina Resistencia Mission.